Mula Selda 5 ng Mati City Provincial Jail, inilipat ako sa Selda 4 ng Baganga Jail sa Davao Oriental. Maraming malakas na hampas ng mga alon ng Karagatang Pasipiko habang tanaw naman mula rito ang mahabang bulubundukin ng Davao Oriental. Sa loob naman ng mga selda ay maririnig ang maraming kuwento na tila ang selda ay isa ring karagatan ng kabiguan, pagkakamali, walang katotohanang bintang na mababasa sa mga papel ng korte, at maging mga desisyong hindi kailanman pinagsisisihan dahil pinaniniwalaang tama lang. Tanaw naman mula sa loob ng bilangguan ang bulubundukin ng pag-asa ng paglaya at pagbabalik sa mga mahal sa buhay at sa mga lupang naiwan at naghihintay na maalagaan at madiligang muli.
Si Tatay Pedro (hindi tunay na pangalan) ay apat na buwan na sa piitan. Ang sabi sa papel, nagnakaw siya (qualified theft)–isang paratang na pawang kasinungalingan, ayon sa kanya, paratang na ibinunga ng pagiging mangmang ni Tatay Pedro. Hindi siya nakakapagbasa at nakakapagsulat maliban na lamang sa pagguhit sa papel ng kanyang pirma.
Ngunit hindi na mahalaga ang buong kuwento sa kaso ni Tatay Pedro, sapagkat anuman ang kahihinatnan ng kanyang kaso ay matagal ng sinentensiyahan si Tatay Pedro ng kanyang tagal dito sa mundo. Siya ay 78-taong gulang na! Dahil sa bagal ng usad ng hustisya, ang patuloy na pagkapiit ni Tatay Pedro habang hinihintay na kumpirmahin ng korte ang kanyang pagiging inosente sa akusasyong ibinato sa kanya ay walang pagkakaiba sa pagpapataw ng parusa sa taong may kasalanan. Huwag na nating hintaying abutin ni Tatay Pedro sa loob ng piitan ng mga inosente ang katapusan ng kanyang buhay na sana ay iginugugol niya sa piling ng kanyang asawa at apat na anak ang kanyang nalalabing taon. Tanggalin na natin ang piring ng hustisya upang makita nito kung gaano na katanda at kahina ng pangangatawan ni Tatay Pedro.
Isang kuwento naman ng paglaya ang maririnig sa labi ni Bobong, 28 anyos. Matapos ang halos limang taon sa kulungan, sumuko ang hukuman dahil hindi nito kayang patunayan ang kasalanan ni Bobong. Dalawa sila sa parehong kaso, dalawang preso na pinalaya ng kanilang tagal sa kulungan. Iligal na paghawak ng ipinagbabawal na gamot, marijuana. Tatlong kilo raw ang nakita sa loob ng bag na hawak niya habang sakay sa pampasaherong motor ni Boyet, ang kasamang lalaya. Walang kaalam-alam si Bobong kung ano ang laman ng hawak niyang bag, na pinahawakan sa kanya ni Boyet.
Pasahero lamang siya pababa ng bundok kung saan siya ay naghahanap-buhay, kung saan kasama siya sa mga namumutol ng mga malalaking puno tulad ng lauan at narra para maibenta sa mga negosyante na naghihintay sa kalunsuran. Sakay sa motor, pababa na sila papunta sa lungsod nang sila ay hinarang ng isang dosenang sundalo na nakadeploy sa mga panahong iyon sa barangay kung saan nagaganap ang pamumutol ng mga puno at pagtatanim ng marijuana. Tinanong sila tungkol sa presensiya ng mga rebelde sa lugar. Hindi na raw kakasuhan kung ituturo ang kuta ng mga rebelde.
Ngunit wala silang alam tungkol dito. Mariing sinabi ni Bobong na hindi kanya ang marijuana at hindi siya kailanman gumamit nito. Itinuro niya si Boyet na tahimik lang sa buong panahon ng interogasyon. Kumuha ng ilang dahon ng marijuana ang sundalong nagtatanong, nilagay ito sa isang piraso ng papel, nirolyo, at sinindihan. Pilit pinahithit si Bobong, inubo siya sa unang higop at sumakit ang sikmura. Palibhasa hindi kailanman nakatikim nito. Pinasa-pasa ang rolyo sa lahat ng sundalo hanggang sa ito ay maubos.
Dinala silang dalawa sa Mati para sa drug testing. Positibo si Boyet. Negatibo si Bobong. Inilipat ang kustodiya sa mga pulis ng Baganga. Apat na taon ang nakaraan, matapos ang ilang skedyul ng hearing sa korte, nagdesisyon ang punong hukom na idismis ang kaso. Hindi na kayang patunayan ng hukuman ang kasalukuyang inakusa sa kanila. Ang balita ay patay na raw ang sundalo na pumirma sa papeles ng paglipat nila sa pulis. Wala ni isang sundalo na mga humuli sa kanila ay tumestigo na wala naman sila sa aktuwal na paghuli. Ang tanging witness, ang sundalo na patay na. Namatay daw sa isang engkuwentro sa mga rebelde. Kaya naman malaki ang pasasalamat ni Bobong at Boyet sa mga rebelde.
Makikita sa mga mata at ngiti ni Bobong ang tuwa at saya habang nililigpit ang mga gamit sa kulungan. Hinihintay na lang ang release order ng kanyang paglaya sa bilangguan ng Baganga. May mga plano na raw siya kung ano ang gagawin sa labas ng bilangguan. Patuloy na maghahanap-buhay nang marangal. May lumapit na opisyal ng gobyerno at nag-offer ng posibleng hanapbuhay, magiging bodyguard nito. Isang buwan muna daw siyang magpapahinga sa kanyang mga magulang bago tanggapin ang offer.
Si Boyet naman ay babalik sa kanilang barangay kung saan naghihintay ang kanyang mga magulang, kapatid, at lupaing puwedeng pagtamnan ng gulay, prutas, o marijuana.
(Salamat kay Laorence Castillo para sa encoding.)
No comments:
Post a Comment