Sunday, June 26, 2011

Ang dalawang uri ng niyog at ang kwento ng kanilang paglalakbay

Ang niyog ay tinuturing na "tree of life" dahil sa napakaraming gamit nito. Ang bunga nito kapag buo pa ay pwede ding magamit bilang matibay na pampalutang para sa isang balsa. Kung paano lumaganap ang niyog sa iba't ibang kalupaan mula Asya hanggang Amerika ay maaaring maipalawanag bilang natural na pagkalat ng mga lumulutang na bunga sa malawak na karagatang Pasipiko. Ngunit maaari ding ang paglaganap na ito ay dulot ng paglalakbay ng tao dala-dala ang mga bunga, na siyang binigyan ng katibayan ng isang bagong pananaliksik.

Sa isang bagong lathalain [1] gamit ang DNA analysis ng libong niyog mula sa iba't ibang panig ng mundo, natuklasan ng mga siyentista na may dalawang klase ng niyog na may kapansin-pansing pagkakaiba sa genetic make-up nito: ang tinatawag nilang Indian Ocean at Pacific Ocean na klase ng niyog. Ang bagong kaalamang ito ay nagpapatibay sa teoryang ang niyog ay nilinang at pinalaganap sa dalawang hiwalay na dako ng mundo: isa sa Pacific basin at ang isa ay sa Indian Ocean basin. Maliban dito, nakaimbak din sa genes ng niyog ang isang talaan ng ruta ng kalakalan noong sinaunang-panahon at pati na rin ang pananakop sa kontinenteng Amerika.

Ayon sa mas naunang lathalain [2] ng parehong grupo ng mananaliksik, may namumuong ebidensya na nagpapatunay na ang niyog sa Ecuador ay maaaring dumating dito mula sa mga manlalakbay-dagat na mga Austronesian galing sa Pilipinas 2,250 taon ang nakalipas. Ito ay magiging dagdag sa kaalaman natin kung paano namuhay ang mga Pilipino bago ang panahon ng pananakop ng Europa.

Basahin ang buong balita (English) tungkol dito.

Reference
  1. Bee F. Gunn, Luc Baudouin, Kenneth M. Olsen (2011). Independent Origins of Cultivated Coconut (Cocos nucifera L.) in the Old World Tropics. PLoS ONE; 6 (6): e21143 DOI: 10.1371/journal.pone.0021143
  2. Luc Baudouin and Patricia Lebrun (2009), Coconut (Cocos nucifera L.) DNA studies support the hypothesis of an ancient Austronesian migration from Southeast Asia to America, Genetic Resources and Crop Evolution 56(2), pp. 257-262

Link

No comments: