Galing dito ang larawan.
Mahigit tatlong taon na mula noong dumating ako dito sa Netherlands. Tuwing natatanong ako kung ano ang pakiramdam noong una akong dumating ay lagi kong nakukwento itong dalawang karanasan ko sa Schiphol. Napakalaki ng Schiphol, andaming pasikot-sikot at sobrang busy ang mga tao sa paghahanap ng kung anu-anong bagay lalo na kanilang mga destinasyon.Ang unang kwento
Bago pa man ako lumipad mula sa Maynila ay inalam ko na kung magkano ang pamasahe sa tren mula sa Schiphol papuntang Groningen. May susundo naman sa akin sa Groningen at ihahatid ako sa aking temporary na bahay kaya yung pamasahe lang sa tren ang kailangan may pambayad ako. Saktong 30 euros ang perang dala ko kasi yun naman ang nakalagay sa website ng train company (ngayon ay 40 euros na! grabe ang inflation.) Hindi ko alam na ang presyo pala ay may dagdag na 50 cents kapag sa counter bumili ng ticket at hindi sa machine. Mabuti na lang ay mabait at hindi strikto ang ale sa counter kaya tinanggap nya ang aking saktong 30 euros. Whew! Naisip ko noon na ang una kong gagawin kung sakali ay manglimos sa Schiphol.
Ang pangalawang kwento
Hindi ko inabutan ang tren na gusto kong kunin pagbaba ko sa train platform. Kinabahan ako kasi gabi na noon at hindi ko alam kung paano malalaman ang susunod o kung may susunod pa na tren. Syempre pa ay natatakot din akong lumapit sa mga tao kasi hindi ako pamilyar sa mga ugali dito. Lumingon-lingon ako at nakakita ako ng Intsik na babae na nakaupo at tila naghihintay din ng tren. Hindi ko alam kung bakit pero sa loob-loob ko ay mas magtitiwala ako sa parehong asyano kaysa mga puti. Nilapitan ko sya at tinanong kung anong oras dadating ang susunod na tren papuntang Groningen. Sinuswerte talaga ako sa gabing iyon kasi sa Groningen din pala ang punta nya so kailangan lang akong sumabay sa kanya para hindi ako maligaw. Nabasa ko na mahahati sa dalawa ang tren papuntang Groningen mula Schiphol (ang isa ay pupuntang Leeuwarden) kaya kabado ako na ang maling tren ang masakyan ko.
Hindi pa dyan natatapos ang kwento. So syempre nakipagkwentuhan na ako sa kanya habang nasa tren. Nabanggit nya na galing siyang Munich sa isang conference. Naalala ko na sa parehong petsa din may conference ang aking magiging supervisor sa parehong lugar so tinanong ko sya kung dun din sya pumunta sa meeting na iyon. Medyo nagulat sya na alam ko kung saang conference sya galing. Nalaman ko kinabukasan pagdating ko sa lab na kasama ko pala sya sa parehong lab. Magkatabi pa kami ng mesa sa kwarto ng mga PhD students.
No comments:
Post a Comment