Tuesday, June 21, 2011

Kemikal na taglay ng ihi ng pusa kinatatakutan ng mga daga

Ayon sa bagong tuklas ng ilang siyentista [1], may kemikal sa ihi ng leon at iba pang carnivores (mga hayop na kumakain ng karne) na naaamoy ng mga daga at kinatatakutan nito.

Nagsimula ang mga mananaliksik sa pag-aanalisa sa ilang espesyal na olfactory receptors na nadiskubre noong 2001 pa na tinatawag na trace amine-associated receptors (TAARs) [2]. Makikita ang mga receptors na ito sa karamihan ng mga vertebrates. Ang mga bubuwit, halimbawa, ay may 15 nito, mga daga 17 at ang mga tao ay meron lang 6. Hindi pa gaanong natutukoy kung anu-anong mga kemikals ang dumidikit dito.

Natuklasan nila na ang isang myembro ng pamilya ng mga receptor na ito, tinatawag na TAAR4, ay matinding nahihimok ng ihi ng pusang bobcat, na tinitinda bilang panlaban sa mga daga at kunehong umaatake sa mga halamanan. Natukoy at napiga nila ang kemikal na nagpapahimok sa receptor, ang kemikal na kung tawagin ay 2-phenylethylamine.

Ang sumunod na ginawa nila ay tingnan ang epekto ng kemikal na 2-phenylethylamine sa pamamagitan ng paglagay ng ilang tulo nito sa kulungan ng mga bubuwit at daga. Napansin nila na umiiwas ang mga nakakulong na hayop sa lugar na pinaglagyan ng kemikal. Nang binura nila ang kemikal na ito sa ihi ng leon sa pamamagitan ng isang enzyme at nilagay ang naturang ihi sa kulungan, hindi na ito iniiwasan ng mga bubuwit at mga daga.

References
  1. Ferrero, D. M. et al. Proc. Natl. Acad. Sci. USA advance online publication doi:10.1073/pnas.1103317108 (2011).
  2. Borowsky, B. et al. Proc. Natl. Acad. Sci. USA 98, 8966-8971 (2001).

Link

No comments: