Disyembre 8, 2013
Makulit ang kantang The Fox na nasa weekly Top 10 ngayon sa isang FM station sa Manila na naririnig dito sa bilangguan ng Baganga. Noong una ay hindi ko pinapansin ang lyrics nito, ngunit dala marahil ng walang ibang magawa dito ay pinakinggan ko ng mabuti ang kanta. Inilipat ko muna ang tingin ko mula sa isang pahina ng aklat na The Best American Science and Nature Writing of 2007 papunta sa kaharap na electric fan na katabi ng radyong tumutugtog. Matapos marinig ang kalakhan ng lyrics, napangiti ako kasi may kinalaman pala ito (bagama’t patawa lang) sa katangian o pag-uugali ng mga hayop (animal behavior) na siya ding paksa ng aking binabasang artikulo ni Ian Parker na nakasentro naman sa hayop na bonobo. Makulit ang kantang The Fox, naisip ko, nang biglang naalala ko ang kwento tungkol sa silver fox sa Rusya.
Hindi ko alam kung gaano kadaming klase ng fox sa mundo at kung anu-ano ang mga katangian ng mga hayop na ito. Hindi pa naman ako nakakita ng isang fox sa aktwal. Bilang physics naman talaga ang pangunahin kong pinag-aralan, hindi rin ganun kadami ang alam ko tungkol sa mga hayop sa kabuuan. Kaya siguro ganun na lang ang aking pagkatuwa sa kwento tungkol sa isang napakasimpleng eksperimento na ginawa sa Rusya. Gamit ang hayop na silver fox, dinesenyo ang eksperimento upang malaman kung ang pagiging mabangis (ferocity) ba ng isang hayop, partikular ng silver fox ay isang katangian na namamana (inherited trait) at kaya may genetic na batayan.
Pagpasensyahan na ng mga mambabasa kung hindi ko na maalala ang pangalan ng pangunahing mananaliksik (principal investigator) at ang pangalan ng institusyon niya, at wala namang internet dito sa loob ng bilangguan para mahanap ko ang mga detalyeng ito, mga detalyeng hindi naman ganun kahalaga upang maunawaan ang agham sa likod ng kwentong ito.
Simple lang ang eksperimento: hayaang manganak at dumami ang hayop at ihiwalay (artificial selection) ang mas maamo sa mga mababangis na supling. Inuulit ang prosesong ito para sa mga nahiwalay na maamong silver fox kapag umabot na ito sa tamang gulang (reproductive age).
Paano ba makilala o mapag-iiba ang maamo sa mabangis na silver fox? Gumamit ang mga mananaliksik ng mga panukat para dito, ngunit hindi ko kabisado ang eksaktong batayan. Maaari sigurong tiningnan nila ang reaksyon ng mala-asong hayop kapag meron silang inilalapit na bagay dito. Batay sa reaksyon ng hayop, makaklasipika nila itong maamo o mabangis. Kung ito ay lalayo sa iniabot na bagay o di kaya’y maglalabas ng mga matutulis na ngipin kung hindi man aatake, ito ay ituturing na mabangis at aalisin ito sa eksperimento. Ang maiiwan at hahayaang dumami sa susunod na henerasyon ay yung hindi gaanong nagpapakita ng takot o kabangisan sa inilapit na bagay.
Ang prosesong ginamit sa eksperimento ng mga Ruso ay hindi na bago lalo na sa mga magsasaka. Ang domestikasyon ng mga hayop ay matagal ng ginagawa ng mga ninuno natin. Ito ang sentral na teknolohiyang naimbento ng mga sinaunang tao mula ng umusbong ang pagsasaka o agrikultura na pumalit unti-unti sa pangangaso at pangingisda (hunting-fishing) bilang pangunahing pinagkukunan ng pagkain. Ibig sabihin ay matagal ng nasagot ng tao ang tanong na kung ang kabangisan ng mga hayop ay isang katangian bang naipapasa sa mga supling.
Sa bagong eksperimentong domestikasyon ng mga Ruso, marami pang mga katanungan tungkol sa pag-uugali at katangian ng mga hayop ang kanilang tiningnan. Halimbawa nito ay kung anong mga genes ang sangkot sa pagiging mabangis ng hayop na silver fox. Tiningnan din nila kung ano pang ibang katangian o phenotype ang kaugnay ng kabangisan. Marami pa sanang mga katanungan sa biyolohiya ang posibleng matingnan sa magandang eksperimento nila ngunit nagdesisyon ang gobyerno ng Rusya na itigil na ang pagpondo dito.
Una kong nabasa ang kwentong ito sa isang balita tungkol sa budget cuts sa mga pananaliksik sa kabuuan. Sa Rusya, tinigil na ng gobyerno ang pagpopondo sa maraming pananaliksik bilang bahagi ng malawakang austerity measures (paghihigpit ng sinturon) ng mga kapitalistang bansa upang harapin ang pagbagal ng kanilang ekonomiya (economic recession). Sa Estados Unidos, kasama sa mga naapektuhan ng kanilang austerity measures ay ilang malalaking library ng mga kilalang institusyon kung saan aalisin (itatapon kaya?) na ang mga aklat at aasa na lang sa mga digital na kopya sa computer ang mga mag-aaral at mananaliksik. Nadali din ng neoliberal na patakarang ito ang ilang malalaki at mahahalagang eksperimento sa pisika. Ayon sa patakarang ito, eenganyuhin
(missing page 4)
hayop maliban sa aso ay umusbong sa panahon ng Bagong Bato kung kailan ang pinagkukunan ng pagkain ay nagsimulang lumipat sa pagsasaka mula sa pangangaso. Ang pinaniniwalaang domestikasyon naman ng aso ay nangyari sa panahong Mesolitiko na mga dalawang libong taon pang mas maaga sa Bagong Bato.
Source of photo here
Ayon sa mga naunang teorya na kasalukuyan pa ring tinatanggap ng maraming antropolohiko, ang aso ay resulta ng domestikasyon ng mga mababangis na lobo. Ang lobo at aso ay kabilang sa parehong species; ibig sabihin ay maaaring magbunga ng anak ang pagtatalik ng isang lobo at isang aso. Bagama’t iisang species lamang, malinaw ang pagkakaiba ng aso at lobo. Likas na mabangis ang lobo. Maamo naman o madaling paamuhin ang aso. Sa ilalim ng teoryang ito, ang mga sinaunang tao na unang gumamit ng aso ay nag-alaga at nagpalaki ng lobo hanggang ang mga supling nito pagdaan ng ilang henerasyon ay naging kasing-amo na ng aso.May problema sa teoryang ito, at ito nga ay hinahamon ngayon ng isang bagong paliwanag. Ang mga aso ay kakaiba sa lahat ng iba pang hayop na domestikado dahil umusbong ang mga ito, batay sa pag-aaral ng mga arkiyolohiko, sa panahong mangangaso pa lang ang mga tao. Sa mga panahong ito, wala pa ang mga konseptong kailangan ng tao para sa mahabang proseso ng domestikasyon. Ang domestikasyon ng hayop ay nangangailangan ng konseptong pagiging permanente, ng pagsasadya, at ng mahabang pasensya, mga kaisipang malayo sa pag-iisip ng mga mangangaso. Ang lumang teorya na nakasalaysay sa mga libro tungkol sa mga sinaunang kultura bago pa ang nakasulat na kasaysayan, tulad halimbawa nitong hawak ko dito sa bilangguan na Prehistoric Societies (1965) na sinulat ni Grahame Clark at Stuart Piggott, ay hindi malinaw kung paano nangyari ang domestikasyon ng aso sa panahong hindi pa ito kaya ng tao.
Sa bagong teorya, natural (hindi artipisyal tulad ng domestikasyon) na umusbong ang mga aso. Natural selection ang prosesong dinaanan ng mga aso mula sa mga ninuno nitong lobo at hindi sa pamamagitan ng domestikasyon ng tao. Ayon sa bagong teorya, may mga umusbong na lobo na likas na lapitin sa mga tao, at ang bagong katangiang ito ay naging paborable naman para ito ay mabuhay at unti-unting humiwalay sa mga mababangis na pinsan nito. Ang bagong usbong na subspecies na Canis lupus domesticus, ang scientific name ng aso, ay nagkaroon ng bagong pagkukunan ng pagkain na iba sa pinagkukunan ng pagkain ng mga mababangis na pinsa nito. Ang tira-tirang karne at mga buto ng hayop at isda na tinatapon ng tao ay naging mas madaling pagkain ng bagong uri ng lobo. Ang mga lobong mas lumalapit sa tao ay nakinabang sa mga tirang pagkain na nakikita dun lang din malapit sa mga temporaryong pinaglalagian ng mga tao. Ang katangian ng bagong lobo ay nagtulak dito na unti-unting lumayo sa kanyang grupo at sumunod sa mga yapak ng tao. Kung nasaan ang tao, nandoon din ang basurang pagkain na mas madaling kunin kaysa sa maghanap ng iba pang buhay na hayop. Ang larawang ito ay hindi malayo sa karaniwang nakikita natin sa basurahan sa mga syudad sa Pilipinas, ang larawan ng asong nangangalkal ng basura.
Sa pagsusulong ng bagong teoryang ito, pinaliwanag ng mananaliksik na isang animal psychologist ang kaibahan ng prosesong domestikasyon sa mas maikling prosesong pagpapaamo ng hayop (taming). Sa kanyang lecture sa pinakamalaking simbahan sa Utrecht, Netherlands bilang pagbubukas ng taunang pagtitipon ng mga zoologist sa Belgium, Netherlands, at Luxemburg noong 2012, isinalaysay niya ang mga eksperimentong ginawa sa kanilang laboratoryo sa Amerika. Nagpalaki sila ng mga aso pa isinailalim nila sa prosesong kabaligtaran ng domestikasyong ginawa sa silver fox sa Rusya. Sinubukan din nilang i-domesticate ang lobo. Matapos ang mga prosesong ito, gumawa sila ng eksperimento sa dalawang hayop.
Binantayan nila ang ugali ng dalawang hayop kapag may tao sa paligid. Sinukat nila ang pinakamalapit na distansya ng tao sa hayop bago ito tumakbo o gumalaw palayo sa tao. Nalaman nila na ang lobo ay magsisimula ng lumayo kapag ang tao ay mga 200 metro na ang distansya mula dito. Sa aso naman, ito ay limang (5) metro lamang. Napakalaki ng agwat. Para sa lobo, ang panganib ay magsisimula kapag ang kaaway nito ay mga 200 metro na ang layo. Sa aso, ang sampung metro na layo ng tao ay maituturing pa nito na ligtas. Sa madaling salita, ang aso ay isang risk-taker na lobo.
Ang katangian o phenotype na ito ng aso, ayon sa animal psychologist, ay natural na umusbong sa mga lobo. Dahil sa pagiging malapit nito sa tao sa pisikal, naging bukas ito sa posibilidad na amuhin (tame) ng tao at maging kasama na nito panghabambuhay.
Ang pag-aaral sa mga pag-uugali ng mga hayop ay laging nakaangkla sa layuning mas maunawaan natin ang pag-uugali ng mga tao. Ano ba talaga ang tinatawag ng maraming pilosopo na human nature? Ito’y isang tanong na nangangailangan hindi lang ng isang kolum kundi ng isang mabusising pananaliksik. Nakakatawa na sa Weekly Top 10 ngayon ay may sagot dito si Cristina Perry (hindi sigurado sa pangalan ng mang-aawit) sa kanyang kantang Human.
No comments:
Post a Comment