A Philosopher Lecturing on the Orrery (ca. 1766). Informal philosophical societies spread scientific advances. Photo: Wikipedia
Mr. Lacierda, passé na po pala ang national industrialization? Nasaan na po ang pagawaan natin ng hydrochloric acid, sodium hydroxide, sulfuric acid, at iba pang mahahalagang kemikal pang-industriya? Kasi kailangan po talaga natin ng mga kemikal na ito para sa maraming prosesong pang-industriya. Siguro po’y alam n’yo naman na ang hydrochloric acid o HCl, na mas kilala bilang muriatic acid, ay ginagamit na panlinis ng kubeta. Pero maliitang gamit lang po iyan ng HCl. Ginagamit din po ang HCl bilang pantanggal ng dumi o kalawang sa bakal bago ito dumaan sa iba pang prosesong dapat nitong daanan para ito ay mas tumibay. Mahalaga rin ang HCl sa paggawa ng iba’t ibang klase ng organic at inorganic compounds na ginagamit sa paggawa ng samu’t saring mga bagay na ginagamit natin sa pang-araw-araw na buhay.‘Yung sodium hydroxide o NaOH po ay alam n’yo naman siguro na mahalaga sa pagawa ng sabon na ginagamit sa napakadaming aspekto ng buhay ng mga Pilipino. Yung sulfuric acid o H2SO4 naman ay sentral na kemikal sa mga baterya ng mga kotse maliban pa sa iba pang gamit nito.
Andami pa pong industrial chemicals na kailangan nating magkaroon ng pagawaan. Kayang-kaya po nating gumawa ng mga kemikal na ito mula sa likas-yaman na makikita sa ating sariling bansa, ngunit bakit po tayo nakaasa na lang palagi sa pagbili nito sa ibang bansa? Ang ibig n’yo po bang sabihin na passé na ang national industrialization ay gusto n’yo lang na umaasa tayo palagi sa ibang bansa? Ayaw n’yo po bang maging self-reliant tayo?
Kung paano po ginagawa ang mga kemikal na ito at kung anu-ano pang mga kemikal ang kailangan ng isang maunlad na bansa, tanungin n’yo lang po ang napakaraming chemical engineering graduates natin na walang angkop na trabahong naghihintay sa kanila dito sa bansa natin dahil po hanggang ngayon ay hindi pa rin nangyayari ang national industrialization na pinapanawagan na ng makabayang mga Pilipino noon pa mang 1960s.
Kung passé na po ang national industrialization, bakit po andaming mga siyentista at inhinyero sa ating bansa ang walang mahanap na trabaho sa ating bansa? Bakit hindi na lang po tayo magtayo ng sarili nating mga pabrika ng mga mahahalagang produkto na ginagamit natin mula sa hilaw na materyales na nasa ating bansa rin makikita? Hindi po ba mas madaming malilikhang trabaho kung magtatayo tayo mismo ng pabrika imbes na bumili na lang ng finished products sa ibang bansa? Bakit po ninyo mas gusto palabasin ng bansa ang ating mga kababayan para maghanap ng trabaho sa ibang bansa? Di po ba mas maganda kung dito sila nagtatrabaho para hindi sila malayo sa mga pamilya nila?
Nasaan na rin po ang pagawaan natin ng bakal? Alam n’yo naman po kung gaano kahalaga ang bakal sa isang industriyalisadong bansa. Kung walang mga bakal, wala pong mga matatayog na gusali. Maliban pa d’yan, bakal din po ang ginagamit sa mga makina at motor. Nasaan na po ang pagawaan natin ng mga makina at motor? Pati po mga kalabaw natin nagtataka rin siguro sa sinabi po ninyo kasi antagal na po nilang naghihintay ng mga traktorang gawa sa bakal para makapagpahinga na po sila. Kung may industriyalisasyon na po sa ating bansa, bakit po natin binebenta ang mga iron ore natin sa ibang bansa imbes na iproseso natin para tayo ang makinabang?
Siguro po alam ninyo na ang Pilipinas ang pang-apat sa mga bansang may pinakamaraming reserbang copper sa ilalim ng lupa. Bakit po natin binebenta ng mura ang ating copper ores sa ibang bansa imbes na tayo na ang mag-purify nito at gawin itong mga produktong tayo din ang gagamit? Nasaan na po ang pagawaan natin ng copper wires para sana madaluyan ng kuryente papunta po sa pinakasulok na barangay? Pati po mga kababayan nating katutubo at ibang nakatira sa kanayunan ay nagtataka din sa sinabi ninyo samantalang wala pa ring kuryente sa kanilang mga lugar.
At bakit ang mura po ng benta natin ng ating mga yamang-mineral kapalit ng pagkakalbo ng ating mga kagubatan, pagkaubos ng ating kabundukan, at pagkawasak ng ating kapaligiran? Ang ibig sabihin n’yo po ba ng pagsabing passé na ang national industrialization ay hayaan lang nating ang mga dayuhan at malalaking negosyante lang ang nakikinabang sa ating likas-yaman at tayo ang magdudusa sa pagkasira ng ating kalikasan dulot ng kanilang paghigop nito?
Mr. Lacierda, kung passé na po ang national industrialization, ano po ba ang makabagong solusyon ninyo sa lumalalang krisis pang-ekonomiya sa ating bansa?
3 comments:
"MIGRANTE Europe (NL)"
Dear friends of Kim,
Kim went missing a few days ago. He was found in a hospital later, injured and in police custody. He was being detained for murder and illegal possession of firearms. We believe the charges are false. We are trying to find out more about his case and we are trying to secure his release. http://pinoyweekly.org/new/2013/10/injured-up-prof-found-in-police-custody-in-davao-oriental/
Post a Comment