Tuesday, April 16, 2013

Totoo ba ang climate change?

Madalas nating maririnig o mababasa ngayon sa TV, radyo at dyaryo ang terminong climate change. Pero ano nga ba ito? Hindi ba’t palagi namang nagbabago ang panahon? Eh ano ang kaibahan ng climate change sa likas na pagbabago ng panahon? Ito ang ilan sa mga katanungan na madalas maririnig sa mga debate tungkol sa climate change—mga pundamental na tanong na mas pinapatampok pa lalo ng mga skeptiko o mga taong hindi naniniwala sa climate change.

Pagkatapos ng Bagyong Pablo, Disyembre 2012
Photo: MindaNews
May dalawang uri ng pagbabago sa pisikal na mundo: dynamical na pagbabago at structural na pagbabago. Subukan nating unawain ang dalawang uri ng pagbabagong ito sa pamamagitan ng ilang metaporikal na pagpapaliwanag gamit ang ilang simpleng bagay na nakikita natin sa paligid. Ang pag-aaral ng liknayan (Physics sa wikang Ingles) ay sumusunod sa ganitong pamamaraan—ang paggamit ng mga metapora—para maintindihan at maipaliwanag ang pisikal na mga bagay.

Gamitin nating halimbawa ang kumukulong mantika sa isang patag na kalan. Kung manipis lang ang mantika at katamtaman lang ang apoy, mapapansin na may regular na mga hugis ang kumukulong mantika. Ang mga regular na hugis na ito ay parang mga maliliit na buhawi* ng mantika. Ang pagbabago na nararanasan ng mantika mula sa malamig na sitwasyon hanggang sa kumukulong porma nito ay isang uri ng dynamical na pagbabago.

Habang kumukulo ang mantika, umiikot at bumibiyahe sa iba’t ibang posisyon sa loob ng mantika ang molecules nito. Sa madaling salita, nagbabago ang posisyon (pati na rin ang bilis ng pagtakbo) ng molecules. Dynamical ang pagbabagong ito dahil wala naman tayong binabago sa kabuuang sitwasyon: Nananatiling katamtaman ang apoy at hindi natin dinadagdagan o binabawasan ang mantika (napapanitili natin ang nipis ng mantika). Ang lakas ng apoy at dami ng mantika ay tinatawag na parameters.

Kung lalakasan natin ang apoy o bubuhusan ang kalan ng dagdag na mantika, magbabago rin ang takbo ng molecules at maaaring magbago din maging ang hugis ng mga buhawi (bagama’t maaaring regular pa rin ito). Ang pagbabago na ito’y isang halimbawa ng istruktural na pagbabago. Ang istruktural na pagbabago ay dala ng pagbabago ng parameters ng isang sistema. Sa sistema ng pinapakuluang mantika, ang pagbago ng parameters ay nagpabago ng hugis ng mga buhawi maliban pa sa ibang mga pagbabago sa sitwasyon.

Kung lalakasan pa natin lalo ang apoy, may iba pang mga istruktural na pagbabago ang ating mapapansin. Kung sobrang malakas ang apoy, maaaring masusunog ang mantika at mapapansin ang pagbabago ng kulay at amoy nito, ilan sa mga istruktural na pagbabagong nangyari sa kumukulong mantika. Sa kabilang banda, kung papanatilihin naman ang lakas ng apoy ngunit babaguhin ang lalim ng mantika sa pamamagitan ng pagbuhos sa kalan ng napakaraming mantika, posibleng mawawala na ang regular na mga hugis at magiging paiba-iba ang laki at hugis ng mga buhawi.

Gumagalaw ang sangkahanginan (atmosphere) ng ating mundo, dala na rin ng pag-init ng mga kontinente at mga karagatan. Ang sikat ng araw na napipigilang makalabas sa ating mundo ng mga gas sa hangin na tinatawag na greenhouse gases (GHG) ay lalong nakakadagdag sa pag-init ng mundo. Ang napakaraming binubuga na GHG ng industriyalisadong mga bansa ang siyang dahilan ng mabilis na pagkonsentra ng GHG sa sangkahanginan nitong nakaraang siglo. Ang pagbabago na ito ng ating klima ay isang istruktural na pagbabago at ang tinutukoy na pinakadahilan ng istruktural na pagbabagong ito ay ang napakadaming GHG na dinagdag sa ating sangkahanginan—ang climate change ay isang istruktural na pagbabago at ang dami ng GHG sa sangkahanginan ay ang pangunahing parameters dito.

Dahil dito, mas maraming sikat ng araw ang nananatili sa ating mundo, imbes na makalabas mula dito papunta sa kalawakan. Nagresulta ito sa mas mabilis na pag-init ng ating mundo at nagpabago sa galaw ng hangin: mas malakas at mas madalas na bagyo at pag-ulan ang nararanasan at patuloy pang mararanasan ng mga bansang nasa paligid ng malalaking karagatan—Pasipiko, Atlantiko, at Indian.

Sino ngayon ang may pananagutan sa mga kalamidad na dala ng climate change? Malinaw na ang malalaking industriyalisadong bansa tulad ng Estados Unidos, European Union, at Hapon na siyang may pinakamaraming idinagdag na GHG sa sangkahanginan ng mundo ang may malaking pananagutan sa climate change. Halos walang naidagdag dito ang Pilipinas, 0.3% lamang, ngunit tulad ng iba pang mahihirap na bansa’y nakakaranas ng malawakang pagkasira ng buhay, kabuhayan, at tirahan dulot ng mga kalamidad na kaakibat ng climate change. Isa ang Pilipinas sa mga nangungunang sampung bansa na pinaka-apektado ng climate change. Kaya naman lumalakas ang panawagan ng mahihirap na mga bansa na magbayad ang mayayamang mga bansa.

Hanggang ngayon, gumagawa ang mayayamang bansa ng kung anu-anong taktika para lang matakasan ang kanilang pananagutan. Ang mga taunang negosasyon ng mga bansa para magtalaga ng pondo para sa mitigasyon (pagbawas sa masamang epekto), adaptasyon (pag-angkop sa mga pagbabago), at pagbangon mula sa mga kalamidad tulad ng bagyo, landslide, at baha, ay paulit-ulit na nauuwi sa wala. Paulit-ulit itong pinapaasa ang mahihirap na mga bansa sa pangako ng mga mayayamang bansa.

Patuloy na bumubuga ng GHG ang mayayamang bansa na siyang lalong nagpainit sa ating mundo. Patuloy din nating pagkaisahin ang buong bayan, hindi lamang para makaangkop sa mga kalamidad na dulot ng climate change, kundi para mapalakas ang ating boses sa pandaigdigang pangangalampag at paniningil. Kasama natin sa paniningil na ito ang naghihirap na mga mamamayan ng iba pang mahihirap na bansa at progresibong mga mamamayan ng mga mayayamang bansa. Bilang isang istruktural na pagbabago, nangangailangan din ng istruktural na pagbabago sa lipunan ng buong daigdig ang climate change. At isa sa susing parameters dito ay yung kontrol ng mga mamamayan sa pagpapatakbo ng mga industriya.

*Ang mga maliliit na buhawi na may regular na hugis na nabanggit sa itaas ay tinatawag ng mga siyentista na Bénard convection cells. Panoorin ang isang bidyo ng kaparehang pangyayari dito: ow.ly/jHmsM

Link

No comments: