Tuesday, December 02, 2014

Paano ba sinusukat ang oras?

Nobyembre 20, 2013
(Sinulat ito sa loob ng Baganga Provincial Jail.)

Ang konsepto ng oras (time) ay masasabing isa sa pinakamadaling konseptong naisip ng tao bagama’t isa din sa pinakamahirap ipaliwanag sa pamamagitan ng eksaktong wika ng agham. Matulog man ang tao o ipikit man niya ang kanyang mga mata, sigurado siyang ang oras ay tumatakbo. Hindi man niya kayang hulaan ang mangyayari sa susunod na oras o susunod na araw, buwan, o taon, sigurado siyang ang galaw ng oras ay hindi titigil.

Bagama’t balewala lang sa karaniwang tao ang walang tigil na takbo ng oras, ang mga siyentista, partikular na ang mga liknayano, ay matagal ding pinag-aralan ang at patuloy ding pinapaunlad ang pag-unawa nila sa konsepto ng oras. Halimbawa na lang dito ang mga paliwanag tungkol sa paggalaw ng oras na mababasa sa aklat ng kilalang baldadong liknayanong si Stephen Hawking na A Brief History of Time. Bagama’t pinasimple na ni Hawking ang mga paliwanag ay maraming tao pa rin ang nahihirapang intindihin ang mga nakasulat sa aklat. Ganunpaman, hindi mahirap unawain ng sinuman ang ideyang hindi kailanman titigil ang takbo ng oras.

Sigurado ang bawat isa sa atin na ang bawat segundo ay lilipas din. Ang kasiguruhang ito ay hindi galing sa isang teorya mula sa kawalan kundi nanggagaling ito sa aktwal na karanasan ng tao. Sa tinagal-tagal ng tao sa mundong ibabaw mula pa noong nagkamalay na ito at kahit bago pa man maimbento ang mga makabagong orasan, hindi kailanman tumigil ang pag-inog ng mundo, bagay na siyang pinagbabatayan niya ng konsepto ng oras.

Ngunit paano ba natin masusukat ang oras? Ito ay sa pamamagitan ng mga pagbabago sa pisikal na kapaligiran. Halimbawa dito, at malamang ang pinakaunang sukatan ng pagtakbo ng oras, ay ang pagbabago ng pusisyon ng araw sa kalangitan mula sa pagsikat nito hanggang sa kanyang paglubog. Paano naman sa gabi kung kailan wala sa paningin ng tao ang araw? Ang pusiyon ng mga bituin ay nagbabago din ayon sa isang regular na galaw. (Malamang ang kaalamang ito tungkol sa regular na galaw ng mga bituin ay hindi taglay ng maraming tao ngayon dala ng pananatili nila sa loob ng maliliwanag na mga bahay at gusali tuwing gabi at ng pagiging abala nila sa maraming bagay sa buong panahong gising sila, araw man o gabi. Kaya ang payo ko sa kanila: tumingala din sa kalangitan pag may time; na akma din bilang time ang paksa natin ngayon.)

Ayon sa isang kasabihan, ang permanente lang sa mundong ito ay pagbabago. At sa mga pagbabago sa ating kapaligiran, ang paggalaw ng araw ay maituturing na pinakapermanenteng bagay sa ating mundo. Ang kasiguruhang dala ng pagsikat ng araw sa umaga ay nagbibigay ng pag-asa sa maraming tao, at maraming tula na ang naisulat tungkol dito. Ang paglubog ng araw na sinusundan ng mahabang panahon ng kadiliman ay siguradong susundan ng isa na namang pagsikat, pagpula ng silangan. Kaya naman ang mga sinaunang tao ay umasa sa sikat ng araw bilang bahagi ng kanilang orasan, ang mga sundial. (Para sa kaalaman ng maraming Filipino, may isang sundial na ginawa ng kababayan nating inhinyero sa Unibersidad ng Pilipinas. Makikita ito sa tabi ng College of Engineering at ng National Engineering Center sa UP-Diliman sa Quezon City.)

Ang pusisyon ng araw sa kalangitan ay nagbabago din unti-unti sa paglipas ng mga araw, isang pagbabago ng umuulit sa loob ng isang taon. Ang pagbabagong ito ay mas lantad sa mas hilagang mga bansa kung saan pati ang haba ng sikat ng araw ay nagbabago din. Sa mga buwang taglamig o winter, maikli ang araw kumpara sa gabi. Baligtad naman ang sitwasyon sa mga buwang tag-init o summer kung kailan mas mahaba ang araw kaysa gabi. Ang pagbabago ng haba ng araw ay mapapansin din dito sa Pilipinas bagama’t hindi ganun kalaki ang agwat ng haba ng mga araw sa haba ng gabi.

Sumisikat na araw sa Stonehenge. Basahin (English) ang maikling kasaysayan ng mga instrumentong panukat ng oras dito.
Sa mga sinaunang kabihasnan sa kanluran unang umusbong ang pagsukat ng haba ng isang araw, ang haba ng panahon sa pagitan ng magkasunod na pagsikat ng araw, bilang hinahati sa dalawampu’t apat na oras. Ang isang oras naman ay hinati nila sa animnapung minuto na hinati naman sa animnapung segundo. Ganito pa rin ang pamantayan natin ngayon sa pagsukat ng oras bagama’t alam na nating ang isang araw ay hindi eksaktong dalawampu’t apat na oras.

Ang unang orasan na inimbento ni Christiaan Huygens.
Sa pag-unlad ng lipunan, umunlad din ang teknolohiya pati na ang paraan ng pagsukat ng oras. Ang pag-unlad sa teknolohiya ng orasan ay itinulak ng pangangailangan na maging tama sa oras. Sa pag-usbong ng industriya ng pagmamanupaktura at pag-unlad ng komersyo dulot nito sa mga bansang Olanda, Pransya, Italya, Inglatera, at Alemanya, umunlad din ang teknolohiya ng orasan na eksakto sa isang segundo.

Sa pagbilis ng takbo ng buhay at ng mga gawain sa mga lipunang maunlad, ang ugali ng mga mamamayan sa mga bansang ito pagdating sa pagiging eksakto sa oras ay nagbago din. Ang mahuli ng ilang minuto sa isang napagkasunduang pagkikita o pagtitigom ay isang malaking kasalanan na kailangan ng mabigat na dahilan.

Napakalaki ang kaibahan dito sa Pilipinas sa kasalukuyang panahon lalo na sa kanayunan kung saan mabagal ang takbo ng buhay. Ang mga gawain at pagtitigom ay itutuloy pa rin kahit dalawang oras ng huli ang kausap, at halos hindi na mahalaga kung bakit siya nahuli. Ang konsepto ng “Filipino time” ay sumasalamin lamang sa mababang antas na inabot ng lipunang Pilipino sa larangan ng produksyong pang-ekonomiya.

Laganap pa rin sa kanayunan ang atrasadong pamumuhay at pamamaraan ng agrikultura. Ang pagtatanim ng palay, halimbawa, na siyang pangunahing pinagkukunan ng pagkain ng mga Pilipino, ay hindi nangangailangan ng napakaeksaktong pagtatakda ng oras ng gawain. Ang paglilinis ng sakahan ay hindi kailangan ng eksakto sa oras. Sa pag-aani naman ay ganun din, araw at hindi oras ang tinatakda. Dahil ilang araw ang binibilang upang tapusin ang pagtatanim, pag-aani, o paglilinis, ang ilang oras na kaibahan sa pagsisimula at pagtatapos ng gawain ay hindi ganun kabigat. Maraming mga magsasaka, kung hindi man karamihan, ay walang orasan at walang pangangailangan dito na malaki dahil sapat na ang kanilang kahusayan sa pagtantya ng oras sa pamamagitan ng pagtingala sa langit.

Link

No comments: