Friday, October 25, 2013

Ang laksang buhay sa kabundukan ng Compostela Valley at Davao Oriental

*Unang lumabas sa Pinoy Weekly. Isinulat ito sa loob ng bilangguan ng Mati City, Davao Oriental.

Kung tatanungin ang mga naninirahan sa Mati City ng Davao Oriental (DavOr) province kung gaano kadami ang alitaptap sa siyudad, ang kadalasang sagot nila ay hindi pa sila nakakakita nito.

’Yung mga nakakita na nito ay yaong mga minsang nakabisita sa kabundukang malapit o di kaya ay minsan ng tumira ‘roon. Kahit dito sa Davao Oriental Provincial Jail ay wala ni isang kislap ang maaaninag tuwing gabi sa mga punong mangga o ano pa mang puno na nakatanim dito. Ang mga alitaptap sa mga bundok dito sa Davao Oriental at sa katabing Compostela Valley (Comval) province ay palatandaan ng natitirang matumal na laksang-buhay na unti-unti ng nawawala dulot ng patuloy na pagputol ng mga puno sa natitirang kagubatan dito.

Isang stick insect na halos limang pulgada ang haba ng katawan.
Makikita sa kagubatan dito ang samut-saring insekto: alindanaw (dragonfly), alibangbang (butterfly), langaw (flies), stick insects, leaf insects, langgam (ants), bubuyog (bees), simba-simba (praying mantis), tipaklong (grasshoppers), gangis (cicadas), atbp. Ang mga gagamba, alupihan (centipede), labod (millipede), suso (snails) at iba pang arthropods ay naglalakihan at may kung anu-anong kulay at disenyo sa katawan. Mga maliliit at matatabang linta o alimatok (leeches). Mga tutubi na mukhang sa unang tingin mga insekto na akala mo’y dahon o sanga ng halaman. Ganyan kayaman ang ating natitirang laksang-buhay sa kabundukan dito sa Silangang Mindanao.

Ang mga huni ng ibon ay klase-klase rin, at sa pag-iiba ng oras ay mag-iiba rin ang huni na namamayani sa paligid. Ang mga natitirang puno ay kung anu-ano ang itsura. Maraming mga puno ang maliliit pa at nagsisimula pa lang makipagkumpetensya sa taba ng lupa laban sa mga damo at bagon na ang kakapal na mula ng muli itong tumubo pagkatapos ng Bagyong Pablo. Ang mga gumagapang na halamang muti-muti at iba pang gumagapang na halaman ay bumabalot sa maraming mas malalaking halaman at mga matatayog na puno. May mga puno naman na tinutubuan ng sanga ng ibang halaman marahil sa buto na dumapo doon dala ng mga ibon o ibang hayop.

Kung pumunta ka sa mga sapa sa gabi o madaling araw, makikita mo ang mga piyo – isang uri ng hayop na kapamilya ng mga alimango pero mas maliliit. Ang mga hipon o ulang naman sa mga ilog ay naglalakihan, at ang kanilang mga itsura ay klase-klase din. Kung may klase-klaseng insekto, siyempre meron ding iba’t ibang klase ng uod. May mga mabubuhok na uod (til-as o higad) na may kung ano-anong kulay, haba ng buhok, bilis ng galaw, at laki.

Namimili rin sila ng mga dahon at halamang kakainin, kaya ang laksang-buhay sa halaman ay may malaking epekto sa pagkawala o pananatili ng mga paru-paro at iba pang insekto. Makikita rin na patalon-talon sa mga matataas na tuwing madaling araw ang mga kagwang o flying lemurs. Maririnig sa gabi ang ingay o huni ng mga mago (owl). Pagsapit ng gabi, magsisimula nang maliliparan ang mga alitaptap papunta sa mga dahon ng mga matatayog na puno. Maging ang mga punong tuog na umaabot sa taas na lampas 20 metro ay pinupuntahan din ng mga alitaptap na umaaligid sa mga dahon nito na para bang may binabantayang kung anong bagay – isang paksa na magandang talakayin ngunit malayo na sa kasalukuyang paksa.

Sa aking pagkakaalala sa kasaysayan ng isla ng Mindanao, ang islang ito ay magkakadikit sa isla ng Leyte – mga ilang sampung libong taon na ang nakararaan. Kaya naman ang dalawang magkakahiwalay na islang ito ay may magkakatulad na laksang-buhay, maliban na lang sa iilang pagkakaiba na malamang sumibol pagkatapos nilang paghiwalayin ng karagatan.

Nakakalungkot na ang lumang kagubatan sa buong bansa ay lalo pang pinapakipot ng walang habas na pagputol ng mga matatayog na puno na likas sa ating kagubatan. Ang mga kagubatang Dipterocarps dito sa isla ng Mindanao ay isa sa mga natitirang pinagkukunan ng mga matitibay na kahoy tulad ng Narra, Lauan, Bagtikan, Bagras (Update: hindi pala ito Dipterocarp), at iba pang kapamilya nito. Dahil sa pagkakatulad ng Leyte at Mindanao sa laksang-buhay, maaari nating pagkukunan ng aral at pamamaraan ang proyektong Rainforestation Program na ilan taon nang sinimulan sa Leyte para sa pagpapabalik ng makakapal na kagubatan dito sa Mindanao lalo na doon sa mga dinaanan ng Bagyong Pablo tulad ng mga kabundukan ng Davao Oriental at Compostela Valley.

Maging ang natitirang maliliit o bonsai na mga puno sa Bundok Hamiguitan ay nanganganib na rin na mabura sa mga kabundukang ito. Ayon pa sa kwento ng isang dating mountaineer na nakaakyat na sa bundok na ito at ngayon ay kasama ko rito sa Mati City Provincial Jail, para ka raw higante doon sa bundok dahil napapaligiran ka ng mga punong Narra at iba pang matatayog na puno na kasingtangkad lang ng tuhod mo.

At pag nawala ang mga puno’y siya ring pagkawala ng maraming hayop at halaman na siyang bumubuo sa napakayamang laksang-buhay dito sa ating mundo. Hihintayin lang ba natin na dumating ang panahon kung kailan ang mga alitaptap ay bahagi na lamang ng ating alamat at hindi na kailanman masilayan ng ating mga anak, apo, at sumusunod pa na henerasyon? Siyempre, dapat nating palaganapin ang kaalaman tungkol dito. Dapat nating tutulan ang mga mapanirang proyektong large-scale logging at large-scale mining. Dapat paunlarin natin ang mga alternatibong pagkukunan ng kabuhayan ng mga kababayan nating umaasa sa mga proyektong ito.

Bagamat naghihingalo na ang mga kagubatan, hindi pa huli ang lahat.

Link

No comments: