Naranasan n’yo na bang matambakan ng mga gawain na hindi kayang tapusin sa loob ng isang araw kaya nilalabanan n’yo ang antok? Bakit nga ba tayo dinadalaw ng antok araw-araw? Kung hindi na kailangang matulog ang tao, di ba mas maganda sana yun para mas madami tayong magawa sa loob ng isang araw? Bakit ba kailangan nating matulog araw-araw? Ito ang mga katanungan na nais nating bigyan ng kaliwanagan sa artikulong ito.
Ang pagtulog ng tao at ng karamihan ng mga hayop ay sumusunod sa paglubog at pagsikat ng araw. Ang pagtulog ay kadalasang ginagawa sa gabi at may ilang teorya kung bakit sa gabi tayo natutulog. Noong sinaunang mga panahon, bentahe ang pagtulog daw sa gabi tuwing kailangang umiwas ang ating mga ninuno sa mababangis na hayop. Yung mga natutulog sa araw ay unti-unting mauubos dahil makakain ng mga predator. Mas madali ring maghanap ng pagkain sa araw kaya bentahe rin kung ipreserba na lang ang lakas sa gabi sa pamamagitan ng pagtulog.
May maraming klase ng tulog base sa haba at lalim nito at kung anong oras ito nangyayari. Ang pinakamahabang tulog ay kadalasang nangyayari sa gabi para sa karamihan ng tao. May mga maiikli namang tulog na tinatawag na “nap” o idlip. Nitong nakaraang ilang taon, may isa pang uri ng tulog na natuklasan. Ito’y tinatawag na “microsleep” na mga ilang segundo lang ang haba, at ito ay kadalasang nangyayari sa mga sobrang puyat o pagod o sa mga taong may kakaibang sakit na narcolepsy.
Nagbabago ang mga uri ng tulog ayon sa edad. Mas mahaba ang tulog ng mga sanggol kung susumahin sa loob ng isang araw kaysa sa tulog ng mas nakakatanda. Ngunit ilang beses itong napuputol sa loob ng isang araw. Alam ito ng mga nanay na kailangang gumising sa kalagitnaan ng gabi para padedehin ang mga batang nagigising. Habang tumatanda, nagiging mas buo ang pagtulog at mas maikli ang kabuuang tulog sa loob ng isang araw. Kadalasan ding nahahati sa dalawang episodes ang pagtulog sa loob ng isang araw: mahabang tulog sa gabi at maikling tulog o siyesta sa hapon.
Maliban sa haba ng tulog, nagbabago pati ang oras ng pagtulog o chronotype ayon sa edad. Ang mga bata’y maaga natutulog sa gabi at nagiging mas late ang pagtulog habang nagbibinata o nagdadalaga hanggang sa mga edad na 21 kung kailan dumadating ang rurok ng oras ng pagtutulog at mula dito ay nagiging mas maaga naman ang oras ng pagtulog habang tumatanda. Kaya naman karamihan ng mga lolo at lola natin’y maaga natutulog at sobrang aga ring nagigising dahil mas maikli ang tulog nila. Napag-alaman din ng mga siyentipiko sa pagtulog na ang haba at oras ng pagtulog sa gabi ay may pagkakaiba din sa iba’t ibang indibidwal at may genetic na dahilan ang pagkakaiba na ito.
Hindi pa rin ganoon kalinaw ang benepisyo ng tulog sa ating pangangatawan, bagama’t may pag-unawa sa positibong dulot nito sa kalusugan ng tao ayon na rin sa karanasan ng tao. Halimbawa, ang mga taong laging nagpupuyat ay mas madaling magkasakit. Indikasyon ito na may kinalaman ang tulog sa pagpapatibay ng ating immune systems. Mapapansin din ito sa mga taong may lagnat: antukin sila at mas mahaba ang tulog nila. Matagal na itong alam ng mga magulang natin ngunit kamakailan lang talaga nagkaroon ng mas masusing pag-aaral ng mga siyentista.
Ang pagkasira ng natural na skedyul ng pagtulog ay may naidudulot na pinsala sa kalusugan ng isang tao. Mapapansin ito sa mga taong night shift ang trabaho tulad ng mga panggabi sa pabrika, call center workers, nurses at iba pang hospital workers, flight attendants, at iba pang naghahanapbuhay sa gabi o madalas bumyahe ng malalayong time zones. Mas mataas ang tsansa na magkaroon ng breast cancer ang mga kababaihang nasa ganitong uri ng hanapbuhay. Mataas din ang incidence ng diabetes at obesity sa mga taong laging kulang sa tulog, bagama’t maraming pag-aaral pa ang kailangan sa larangang ito para matukoy ang kaugnayan ng nasabing sakit at pagtulog.
Marami-rami na rin tayong nauunawaan tungkol sa tulog dala na rin ng pag-unlad ng agham at teknolohiya kasabay ng pag-unlad ng lipunan. Pero marami pa ring tanong tungkol dito ang naghihintay ng siyentipikong kasagutan. Sa ngayon, ang payo ng mga eksperto sa pagtulog ay gawin itong prayoridad ang pagtulog sa araw-araw na gawain: ilagay sa planner kung anong oras matutulog.
No comments:
Post a Comment