Sunday, September 05, 2010

Ang Mga Ungas

ni Alexander Martin Remollino

Walang nakababatid
kung sino sa inyong mga pinaslang sa Kampo Bagong Diwa
ang tunay na mga bataan ni Khadaffy Janjalani.
Wala,
liban sa mga dingding na sumaksi
sa walang-kadahilanang pagkakasadlak ng karamihan sa inyo
sa likod ng mga rehas.
Ngunit ay! ang tatak na "Abu Sayyaf"
ay mistulang lintang nakakapit sa inyo,
sinipsip at inubos ang inyong dugo --
sapagkat ano pa nga ba kundi dugo rin
ang karapatang daluyan ng dugo sa mga ugat?

Ay! para kong napapanood sa aking harapan
ang moro-moro ng mga Kastilang kongkistador,
para kong nababasang muli
ang salaysay ng mga "Krusada" sa Banal na Lupain:
mga yugto ng kasaysayan
kung kailan ang bansag na "Moro"
ay dili iba't isang hatol ng kamatayan,
kamatayan sa salang pagtangging paalipin
alinsunod sa mga katuruan ng Koran.

At sila pa'y nagtatakang yaong Bagong Buwan
ay lagi't laging isang sakdal-talim na karit?
Ang mga ungas,
hinahanap ang mga salarin
ay hindi marunong tumingin sa salamin.

Link

No comments: