May 27, 2014
Isinulat sa loob ng Baganga Provincial Subjail.
Naubusan ako ng sabong panligo noong Miyerkules. Wala pa ang may-ari ng tindahan at sa Linggo pa daw babalik. Kaya pansamantalang sabong panlaba muna ang ginamit ko. Biyernes nang una kong napansin ang mga namumulang pantal sa may tiyan, sa paligid ng mg tiklop ng balat. Hindi naman ito makati kaya hindi ko na masyadong inalala. Hindi ito nawala pagdating ng Linggo at nakabili na rin ako ng sabong panligo. Napansin kong may pantal (rashes) na rin sa kaliwa at kanang bahagi ng leeg. Medyo symmetric ang dalawang guhit mula sa may baba ng tenga papuntang itaas na bahagi ng collar bone. Wala naman akong naramdamang kati o kirot at nakabalik naman na ako sa normal na sabon kaya binalewala ko pa rin ito. Dagdag pa, medyo nagsisimula na rin silang matuyo at maghilom siguro sa wari ko.
Alas-singko ng hapon o mga ganyang oras nang naramdaman ko ang pagsisimula ng lagnat. Humingi ako ng paracetamol sa gwardya. Binigyan ako ng dalawang tabletas. 500 milligrams. Lampas alas-sais na nang ininom ko ito at pagkatapos makapagbawas ng likido sa katawan ay humiga na ako. May kaagahan iyon sa karaniwang oras ng tulog ko kaya kailangan ko pang bumangon mga alas-nwebe o kung kailan ako magising upang mailabas ang natitirang ihi sa aking pantog. Mga alas-nwebe y media na ako nagising at ginawa ang kailangang gawin.
Patuloy ang digmaan sa loob ng katawan buong gab. Halos nagigising ako bawat kalahating o isang oras, nanginginig ang mga kalamnan. Ang panginginig ng mga kalamnan ang siyang mekanismo ng ating katawan upang makagawa ng dagdag na enerhiya na ginagamit upang painitin ang katawan. Ang epekto ng paracetamol ay naubos na siguro bandang alas-dose ng gabi, mga apat na oras matapos itong inumin. At pagkaubos ng kemikal na ito na nagpapababa ng temperatura marahil sa pamamagitan ng pagpapawis, tuloy na naman ang pag-init ng katawan.
Ang lagnat ay isang palatandaan ng sakit. Dati, sa impeksyon lang ito inuugnay. Ang ganitong uri ng lagnat ay makikita sa isang taong may dengue kung saan mabilis na tumataas ang temperatura hanggang bandang 42 degrees Celsius. Ang taong may ubo at sipon na nilalagnat ay mayroong impeksyon sa respiratory system o sistema ng paghinga. Ngunit may mga sakit din na bagamat walang kaakibat na impeksyon ay nagiging dahilan pa rin ng lagnat. Mababanggit sa ganitong tipo ng sakit ang kanser, coronary artery occlusion (magtanong kayo sa isang doktor kung ano ito), at mga pagkasira (disorder) sa dugo (ayon sa Encyclopedia Britannica).
Ang regulasyon ng temperatura sa katawan ay nakabase sa isang bahagi ng hypothalamus, isang bahagi ng utak na sangkot din sa pagkagutom, pagkauhaw, at iba pang proseso sa katawan. Nasa hypothalamus din makikita ang suprachiasmatic nucleus (SCN) na siyang tinuturing na oras ng katawan. Ang SCN, bagamat hindi pa ganun kalinaw ang eksaktong koneksyon ng mga neuron nito, ay hindi malayong nakakonekta sa bahagi ng hypothalamus na sangkot sa kontrol ng init ng katawan. May kinalaman dito ang sirkadyang pagtaas-baba ng temperatura sa paligid ng 37 degrees Celsius. Pinakamataas ang temperatura sa dapit-hapon at pinakamababa naman sa madaling araw, bandang alas-kwatro kung kailan pinakamahirap labanan ang antok sa mga taong nagpupuyat. Ang amplitude ng ritmo ay nasa 0.5 degrees Celsius lang.
Sa mga taong may sakit na may kaakibat na lagnat, ang temperatura ay maaaring umabot sa 42 degrees Celsius. Apektado rin ang ritmo nito: may pagbabago sa amplitude na nasa mahigit 2 degrees Celsius na, at may pagbabago sa phase -- kapag ang pinakamataas na temperatura ay lumayo ng ilang minuto o oras sa karaniwang peak time nito.
Kapag may lagnat, ang bolyum ng dugo at ihi ay lumiliit dahil sa kabawasan sa tubig dulot ng tuminding ebaporasyon. Nagiging dilaw din ang ihi dahil sa mas mabilis na pagkasira ng mga protina sa katawan. Nagtataka ang marami na giniginaw ang isang taong may lagnat samantalang tumaas naman ang init ng katawan. Ito ang isang halimbawa ng kontrol ng utak sa ating damdamin at pakiramdam. Ang interpretasyon ng utak sa panginginig ng mga kalamnan na siyang pinagmumulan ng karagdagang init ay malamig na paligid. Ang agwat ng temperatura ng katawan at ng paligid ay tumaas habang ang temperatura ng paligid ay hindi nagbago. Iniisip ito ng utak na lumamig ang paligid.
Ang ugnayan ng body clock, body temperature, at timing at physiology ng tulog ay nabusisi na ng ilang laboratoryo sa mga mauunlad na bansa. Habang pilit kong inaalala ang mga lektyur na nadaluhan ko kaugnay nito, pilit ding nagkukumpuni ang aking katawan sa aking nasirang balat (Ito lang ang nakikita kong dahilan ng lagnat.) Ang pagkukumpuning ito, sa pagkakaunawa ng mga sundalo sa loob ng aking katawan sa pangunguna ng aking utak, ay nangangailangang itaas ang init ng katawan. Kaya nagkaroon ako ng lagnat. (O maaari din kaya na ang pag-init ng katawan ay bunga lamang ng proseso ng pagkukumpuni?)
Kung tama ang diagnosis ko (batay sa limitadong impormasyon mula sa Encyclopedia Britanica) primary irritant dermatitis ang aking naging sakit, sakit na nagpalagnat sa akin ng mga tatlumpu't tatlong oras -- hindi na bumalik ang lagnat pagkagising ko bandang alas-dos ng madaling araw sa Martes. Ang primary irritant ay ang kemikal, malamang malakas na alkali, na nasa sabong panlabang ginamit ko. Nasubukan ko namang gumamit ng detergent sa panliligo noon ngunit ngayon lang ito nangyari. Baka nasobrahan sa yabang ang detergent na ito.
At kung ang balat ko ay pinatay ng detergent na ginamit, paano na kaya ang mga mikrobyo, halaman, at mga hayop na nakatira sa mga ilog at dagat kung saan pumapalaot ang kemikal? Ang pagkamulat ng mamamayan ng Estados Unidos at iba pang industriyalisadong bansa tungkol sa masamang epekto sa kalikasan ng mga gawang-taong kemikal ay tumampok noong dekada 60 hangggang sa mailunsad ang pinakaunang Earth Day noong Abril 22, 1970 sa US, isang higanteng protesta at teach-in sa maraming malalakin lungsod sa bansa. Sa lakas ng ingay na nagawa ng mga protesta at samu't-saring babasahing inilabas kaugnay nito, naitulak ang US na itayo ang Environmental Protection Agency upang pakinggan ang reklamo ng mga Amerikano hinggil sa problema sa kapaligiran. Inilabas ng mga mamamayan ang kanilang galit sa mga dambuhalang korporasyon ng kemikal tulad ng Monsanto na siya ding gumawa ng herbicide na Agent Orange na sumira sa malawak na kagubatan at lupain sa Vietnam noong Vietnam War. Taong 1972 nang umabot sa antas pandaigdig ang panawagan sa pagtanggol sa kalikasan sa pinakaunang kumperensyang pandaigdig hinggil sa kalikasan na ginanap sa Stockholm, Sweden. Sa kumperensyang ito, dininig ang unang opisyal na reklamo tungkol sa polusyon sa hangin na ikinakalat ng mga industriyalisadong bansa sa iba pang karatig-bansa, polusyon na nahuhulog bilang ulang asido. Humantong ang kumperensyang ito sa pagtatayo ng United Nations Environment Programme upang dinggin ang iba pang reklamo ng mga bansang kasapi ng UN at maglagak ng pondo para sa pangangalaga sa kapaligiran.
Mahigit apat na dekada ng adbokasiya sa pagtatanggol ng kalikasan, hindi pa rin nasasagot ang problema. Sa katunayan, ang pagbabago ng klima (climate change) ay nananatili pa ring malaking hamon sa buong mundo. Maging ang UN ay tila walang kapangyarihan upang singilin ang mayayamang bansa na siyang malaking tagagawa ng mga polusyon sa hangin at nangungunang tagabuga ng carbon dioxide na pangunahing dahilan ng pagbabago ng klima. Ang negosasyon sa ilalim ng UN Framework Convention on Climate Change ay hindi pa rin halos umuusad dahil tila matigas ang ulo ng mga mayayamang bansa na aminin ang kanilang pagkakasala at maglagak ng pondo para ayusin ang nasirang mundo lalo na sa mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas. Kung magkaroon man ng pondo, hindi pa rin tayo nakakasiguro na mapupunta ito ng buong-buo sa pangangalaga sa kapaligiran dahil alam natin kung gaano kalala ang problema sa korapsyon sa ating pamahalaan.
Kaya naman hindi dapat tayo titigil sa ating adbokasiya hanggang sa makamit natin ang sapat na lakas upang maipatupad ang mga kailangang ipatupad. Lagnatin na ang dapat lagnatin maging ang buong lipunan ngunit siguraduhin natin na pagkatapos ng lagnat ay tunay na naresolba na ang pinakaproblemang sakit na nagdudulot ng paulit-ulit na lagnat.
[Nakatulong ang ilang impormasyon mula sa sumusunod na lathalain:
1. Aisling Irwin, An environmental fairy tale: the Molina-Rowland chemical equations and the CFC problem, in It Must be Beautiful, edited by Graham Farmelo (2002)
2. Encyclopedia Britanica (1969)]
No comments:
Post a Comment