Wednesday, June 16, 2004

Piketlayn

ni Ina Alleco R. Silverio

Tanghaling tapat nang unang makilala ni Mang Joe si Mario. Nakaliliyo ang init. Matumal ang pagdaan ng mga dyip, kotse, at iba pang sasakyan sa kalsadang katapat ng pabrika; at ang ilang manggagawang matiyagang na nagc-cb o collection box sa mga dumadaang sasakyan ay nagrereklamo: kasabay ng kumpas ng kamay na may hawak na maliit na kartong pinatibay ng packing tape ang kanilang pagbulong ng “Taragis na init ito...”

Nakatalungko sa isang banko si Mang Joe sa ng barong na barong na itinayo ng mga welgista sa tapat ng Gate 2. Tumatagaktak ang pawis sa kanyang leeg na maya’t-maya’y kanyang pinupunasan ng bimpo. Kwarenta y tres anyos na siya, ngunit dahil sa hindi siya basta-basta nagpapagambala sa kahit mabibigat mga problema, mukha siyang mas bata. Nakakatulong din na nasa katauhan niya ang pagiging masayahin. Panaka-naka, sumisipol siya ng “Leron-leron sinta.”

May hawak siya noong komiks, ngunit sa sobrang init, tinamad siyang basahin ang mga salita, at nagkasya na lang siya sa pagtingin sa mga larawan.

Nasimula na siyang mapikit sa antok nang mapansin ang aninong pumatong sa pahina.

“Magandang hapon ho,” and bati ng may-ari ng anino. Binata.

“Magandang hapon din,” ang tugon ni Mang Joe. Nakipagkamay siya sa binata at sa tatlong kasama nito, dalawang dalaga, at isa pang binata. Minasdan niya ang unang binata. Maamo ang mukha. Medyo malalim ang mata. Madalas sigurong puyat, ani Mang Joe sa sarili.

“Upo kayo,” ang paanyaya niya. Nirolyo ni Mang Joe ang komiks at isinuksok sa bulsa sa likod ng kanyang medyo kupas nang pantalon. Sumilong ang mga kabataan at umupo sa kanyang tabi.

“Gusto ho sana naming makiisa sa pakikibaka ninyo dito sa Gardenia, ” simula ng binata.

Napangiti si Mang Joe. Seryoso ba’ng batang ito? Wala pa yatang beinte-dos, pero heto’t gumagamit ng mga salitang tulad ng “pakikibaka.”

Ngumiti si Mang Joe. “ Ganoon ba? E, Tara’t papakilala ko kayo sa mga kasama.” Tumayo si Mang Joe at lumabas nang barong-barong kasunod ang mga kabataan. Nakakailang hakbang pa lang sila nang huminto si Mang Joe.

“Teka nga pala, ano nga bang mga pangalan n’yo?”

Natawa ang mga kabataan, at parang iisang katawan na may apat na ulong nagkamot ng mga sintido. “Ako ho si Mario,” ani ng unang binata. Bumaling siya sa mga katabi, “Sila sina Lorena, Tere, at Goryo.”

“Ako si Joe,” pakilala ni Joe. “Joselito, pero ambisyong maging steytsayd, kaya ‘Joe’.”

Natawa ang mga estudyante, at kinabig ni Mario si Lorena sa kanyang tabi. Hindi ngumiti ang mga labi ng dalaga; subalit sa mga mata nitong pinapayungan ng mahabang pilikmata nakita ni Mang Jose ang masayang tugon ni Lorena sa biglang yakap ng binata.

Doon nagsimula ang pagdalaw-dalaw nina Mario sa Gardenia. Madalas may mga kasama siyang iba pang kabataan, isang dosena kung minsan. Mula nang dumating sila, naging madalas ang mga kuwentuhang kung tawagin nilang “dg.” “Discussion group” daw ang ibig sabihin.

Uupo sila sa isang bilog -mga estudyante at welgista - sa sementong sinapinan ng dyaryo at bubuo ng isang bilog. Pag nakapwesto na’ng lahat, saka sisimulan ang kuwentuhan. Kadalasan, si Goryo ang nagsisimula. Magbibiro muna ito (“O mga kasama, ano ang inilalagay sa kaha ng repridyireytor para lumamig ito? Sirit? E di yelo!”) at magpipilit na sila’y patawanin. Pero mas madalas kaysa hindi, pinupukol siya ng mga nilamukos na papel.

Medyo mabigat ang laman ng mga dg -- tungkol sa mga problemang kinakaharap ng mga manggagawa - hindi lang ng mga taga-Gardenia, kundi pati na rin ng mga taga- ibang pabrika at industriya. Napapag-usapan din ang mga nangyayari sa mga magsasaka, at sa mga iskwater o maralitang taga-lungsod. Minsan naman, tinatalakay ang kasaysayan ng Pilipinas.

Maaalam ang mga bata sa mga bagay usaping iyon, bagay na ikinamangha ni Mang Joe. Ganun ba’ng itinuturo sa mga eskwelahan ngayon? Aba’y noon lang niya nalamang traydor pala sa bayan si Aguinaldo! At lahat ng mga presidente mula kay Osmena hanggang kay Ramos sa kasalukuyan e sunod-sunuran lang sa gobyerno ng mga ‘Kano !

Sa mga ganoong kwentuhan at sa pagitan ng mga ito, mabilis na lumago ang pakikipagkaibigan ni Mang Joe sa mga kabataan.

Noong una, nahihiya siya kay Lorena, dahil sa anyo pala lang ng dalaga -- sa pananamit, sa kutis -- halatang anak-mayaman ito. Hindi niya alam kung paano ito babatiin. Ngunit napansin niyang hindi naman sa kanya naiilang o nahihiya si Lorena. Pagdating sa piketlayn, malayo pa lang si Lorena, pakanta na siya nitong binabati, “Mang Joe, kamusta ho kayo?”

Si Goryo naman ang payaso ng grupo. Maligsi at palabiro, maasahan si Goryong magpatawa kahit sa gitna ng pinakaseryosong dg. Walang magawa ang kanyang mga kasama kundi mapailing na lang sa kanya at matawa.

Samantala, kung nahihiya si Mang Joe kay Lorena, kumportable naman siya kay Tere. Giliw na giliw sa kanya si Mang Joe dahil kahawig ng maliit na dalaga ang anak niyang panganay na si Luisa noong ito’y mas bata pa. Estudyante ng fine arts si Tere, at kontribusyon niya sa piketlayn ang myural sa pader ng gate 4 kung saan dumadaan ang mga taga-manedsment. Pininta ni Tere ang logo ng Gardenia na isang bulaklak ng gardenia, pero sa halip na maputi at maaa-sutla ang mga talulot at buko nito, kinulayan niya ng putik at abo.

Ilang gabing pinagpuyatan ni Tere at ng kanyang mga nahakot na kaklase ang myural. Nang matapos ito, lumapit si Tere sa manggagawa, “O ano’ng sey mo Mang Joe, bilib ka na ba sa anak mo?”

Marami at paiba-iba ang mga batang mukhang dumaan sa harap ni Mang Joe, subalit ang mukha ni Mario ang naging pinaka-pamilyar sa kanya. Walang araw na hindi nakikita ang anino ng binata sa piketlayn. At tatlong gabi kada linggo , doon na rin ito natutulog, sa mga piraso ng karton na nagsisilbing banig na inilalatag sa malamig at malubak na semento.

Sa mga gabing sa piketlayn natutulog ang binata, sa tolda sa Gate 2 siya naglalagi at hanggang sa dalawin sila ng antok, nagpapalitan sila ng talambuhay ni Mang Joe.

“Ilang ba kayong magkakapatid, Mario?” ang tanong ng manggagawa.

“Nag-iisa lang ako, Mang Joe.”

“Isa ka lang? Buti’t di ka pinagbabawalan sa mga pinaggagawa mo!” iling ni Mang Joe. “Naglalagalag ka sa mga piket at rali, ‘di ba nang-aalala mga magulang mo sa ‘yo?”

“Minsan. Pero si Papa, wala dito. Nasa Saudi, kaya medyo maluwang akong nakakakilos.”

“E nanay mo?”

“Titser siya sa isang pribadong hayskul.”

Nalaman ni Mang Joe na tatlong taon nang aktibista si Mario. “Wala kasi akong ibang masalihang grupo sa kolehiyo, Mang Joe. Hindi ko naisipang mag-frat kasi wala sa itsura ko ang fratman. Pagdating sa sports, sa holen lang ako magaling kaya hindi rin ako sumali sa anumang varsity team,” ang biro nito.

“ Pinipigilan ka ba ng nanay mo dyan sa mga pinaggagawa mo?” ang tanong ni Mang Joe.

“Hindi naman.” Tumingin si Mario sa malayo. “Pero madalas na pinagsasabihan. Palagi daw mag-ingat, umiwas sa gulo...” Nang matanaw kung ano mang hinahanap, bumaling ang binata sa manggagawa.

“E kayo ho, pinipigilan ba kayo ni Aling Nida na sumali dito sa welga ninyo?”

Seryoso ang tono ng manggagawa. “Hindi rin naman. Pero madalas sinesermonan. Mag-ingat daw palagi, umiwas sa gulo...” Nagkatinginan ang dalawa at kapwa natawa.

“Siguro ang nanenermon talaga sa yo e si Lorena,” ang kantyaw ni Mang Joe.

“Oo nga ho,” patol naman ni Mario. “Daig pa niya ang Mama kung pagsabihan ako!”

“O yung mga nagugutom diyan at hindi pa nakakain, may natira pang kanin dito.”

“Maiuugat natin ang mga problema ng bansa sa pagiging mala-pyudal at malakonlonyal ng lipunan nito..”

“Tang’na yung mga lamok kagabi, bok - pinadala yata ng manedsment, ambabangis!”

Isang gabi na naman sa piketlayn.

Tuwing ikalawang araw kung umuwi sa kanilang bahay si Mang Joe. Maliligo lang siya kukuha ng pambihis, at pagkakatapos ay balik na sa piketlayn.

Maunawain ang kanyang maybahay na si Aling Nida. Naging kaklase ni Mang Joe ang dating Erlinda de Jesus sa PUP. Dalawang beses siyang niligawan ng mapilit na si Joe bago siya napasagot. Pagkalipas ng dalawang taon ng pagiging magkasintahan, nagpakasal sila bagamat kapwa hindi pa tapos ng pag-aaral.

“E pano, parating na si Luisa noon,” kuwento ni Aling Nida minsang dalhan niya ng pagkain ang asawa. “Binalaan siya ng kuya na kung hindi niya ako papakasalan, makikita na siyang lumulutang sa ilog bago pa ako lumubo nang tuluyan,” ang dagdag niya.

Mabait at pasensiyosa, sinusuportahan niya ang asawa sa pag-uunyon nito. Nang magwelga ang Gardenia at mawalan ng trabaho ang asawa, lalong nagpakasipag si Aling Nida sa pagtitinda ng lutong ulam. May kaunti na rin silang naipundar na puhunan para sa isang maliit na karinderya; at sa tulong na rin ng buwanang remitans na padala ng anak na nars, hindi gaanong nag-aalala si Aling Nida para sa kanyang pamilya. Hindi rin mabigat ang bayarin sa martikula ng bunso nilang si Jojo dahil may iskolarship ito. Sekond yir sa akawnting sa UST si Jojo.

Kung meron man siyang ikinakatakot, para yon sa kaligtasan ng asawa sa piketlayn. Pero sa halip na ipaalam ang pangamba sa asawa, idinadaan na lang niya ito sa biro.

“Ikaw na Joe ka baka may iba ka nang asawa diyan sa welga ninyo, ha? Baka ‘yon ang dahilan kung ba’t lagi kang nandun?” tanong ni Aling Nida sa asawa isang hapon sa piketlayn. “Kayong mga bata, isumbong n’yo agad sa akin kung nagluluko ‘tong matandang ‘to, ha?”

Nagtawanan ang mga bata, at sumabat si Mang Joe. “”Maari ba naman kitang palitan, Nida? Hinding-hindi ko magagawa iyon!” dahan-dahang yakap niya sa asawa. Masuyo ang tinig ng manggagawa. ”Magdagdag ng asawa, puwede, pero palitan? Neber!”

Hindi nakaiwas si Mang Joe sa batok ni Aling Nida.

Isang araw, umuwi si Mang Joe upang datnang sarado ang pinto, at pinid ang lahat ng bintana ng kanilang bahay. Nagtaka siya, at inisip na baka nagkasalisi sila ni Nida, inisip na baka nasa piketlayn ang asawa.

Sisilip na siya sa sariling bintana nang mamataan siya ng isang kapitbahay.

“Mang Joe!” ang sigaw nito mula sa kabilang bakod, “Si Aling Nida, pumunta sa PGH!”

Nagitla si si Mang Joe. “Bakit? Anon’g nangyari kay Nida?”

“Hindi ho si Aling Nida, si Jojo, ho. Nabangga daw ng owner na dyip. Patawid daw si Jojo sa kanto ng Forbes at Espana. Tinakbo ng nakabangga sa ospital. Tinawag dito sa amin mga isang oras na.”

Hindi pa tapos magsalita ang kapitbahay nang nagmamadaling tumalikod si Mang Joe.

Pagdating sa emergency ward, agad niyang nakita ang asawa. Nakaupo sa isang gilid, at nagkumpulan sa kanyang tabi ang ilang kaklase ni Jojo.

“Asan na si Jojo?” nanlalambot niyang tanong.

“Nasa emergency. Hindi pa lumalabas ang duktor.” Mahigpit na pinulupot ni Aling Nida ang kanyang bulaklaking panyo sa isang nanginginig na kamay. “Nag-long-distans na ako kay Luisa, pero hindi ko naabot sa apartment. Ang sabi sa ospital, may kumbensyon daw ng mga nars sa Quebec, sa isang linggo pa ang balik.” Nagmamakaawa ang titig ni Aling Nida. “Saan tayo kukuha ng pambayad? Kawawa naman si Jojo...” at tuluyan nang tumulo ang luha ni Aling Nida.

Noong gabing iyon, hindi bumalik si Mang Joe sa piketlayn. At hindi rin kinaumagahan, maging sa mga araw pagkalipas noon.

Mag-iisang linggo mula nang dumating ang masamang balita, may kumatok sa pintuan nina Mang Joe. Laking gulat niya nang makitang nakatayo doon si Mario kasama si Lorena.

“Mang Joe, kamusta ho kayo?” ang bati ng dalawa.

Hindi agad nakasagot, pinatuloy ni Mang Joe ang dalawa. Sumenyas na lang siya sa supa at siya man ay naupo rin.

“Parang namayat kayo, Mang Joe. Nagdidiyeta ho yata kayo? ” ang nangangapang biro ni Lorena.

Hindi ito pinansin ni Mang Joe, “Paano ninyo nalaman ang bahay namin?”

Sumagot si Mario, pag-aalala sa mga mata. “Ipinagtanong ho namin kina Mang Andoy at iba ninyong mga kasamahan. Matagal na rin ho kasi kayong hindi pumupunta sa piketlayn.”

Hindi pa rin makasagot ang manggagawa. Paano ba niya ipagtatapat ang ginagawa niya noong mga nakaraang araw na iyon?

Alam ng mga welgista na may mga ka-manggagawa silang nag-iiskirol; mga skab na hindi nakikisa sa welga, bagkus pumapasok pa sa pagawaan at nagpapatuloy ng produksyon na siyang nagpapahina sa epektibidad ng welga.

Ilan ito sa mga natutunan ni Mang Joe sa mga dg sa piketlayn. Pero noong mga nakaraang araw na ring iyon, nagi-iskirol siya.

Gabi ng aksidente ni Jojo nang dumalaw ang isang tuta ng manedsmen. Hinikayat nito ang manggagawa na bumalik na sa trabaho. Masakit man sa loob, pumayag si Mang Joe -- kapalit ng P900 kada araw na doble ng kanyang karaniwang tinatanggap bago ang welga.

Hatid-sundo sila ng mga van na pag-aari ng kumpanya. Tinted ang salamin ng mga sasakyan, kaya’t di kita mula sa labas ang mga nakasakay. Diretso din ang pasok ng mga sasakyan sa production area kaya’t hindi rin mamatyagaan ang mga pasehero pag pababa na sila dito. Hirap ang mga welgistang i-monitor ang nangyayari sa loob dahil sa mataas na mga geyt; at sa bantay-lawin ng higit-kumulang 300 sikyurity gard na nagroronda sa paligid araw-gabi. At para sa lahat ng ito ay nagpapasalamat si Mang Joe na nahihiyang magpakita.

Ngunit nang dumalaw sina Mario sa kanyang bahay, nagkunwaring galit si Mang Joe upang pagtakpan ang nararamdamang hiya.

“Bakit ba kayo nanghihimasok kayong mga batang kayo, ha?”, bulalas niya. “Hanggang dito ba naman sa bahay ko, ginugulo ninyo ako!”

“Mang Joe...” ang simula ng binata.

“Mabuti pa’y umalis na kayo. Bumalik na kayo sa piketlayn o sa eskuwela o kung saan mang impyerno kayo galing. “

Natulala si Lorena, at bakas ang kalungkutan sa mukha ni Mario. Di magawa ni Mang Joe na tumingin sa dalawa. “O, umalis na kayo. Sige na.”

Parehong napaiiling, tumayo ang dalawang bata at tumungo sa pinto.

Lumingon si Mario. “Mang Joe, kamusta na lang ho kay Aling Nida. “

Kunwa’y walang narinig ang manggagawa.

“At kamusta din ho kay Jojo. “ Sa gilid ng kanyang mata, nakita niyang ilapag ni Lorena ang isang sobre sa mesita. “Iiwan ho namin ang tatlong araw na cb, at ang mga kontribusyon ng mga kasamahan ninyo. Para kay Jojo. Sana ho gumaling na siya. Tara na, Lore.” Marahang binuksan ni Mario ang pinto, lumabas dito, at marahan din itong pininid.

Hindi malaman ng manggagawa ang mararamdaman. Hindi niya alam na umabot pala sa piketlayn ang

Pero bakit nga naman hindi? Sa kabilang eskinita na lang, ilang bahay mula sa kanila ang bahay ni Andoy na mixer operator ding katulad niya, at kasamahan sa unyon.

Sumunod na araw, dumating ang isang sulat DHL na sulat mula kay Luisa sa Canada. Kinakamusta ang ina, at ang kapatid. Binalita ni Luisa na nanalo siya sa katuwaang pa-rapol sa katatapos lang na kumbensyong kanyang dinaluhan. “Gamitin niyo ang pera, Tatay. Ilipat niyo sa pribadong kuwarto si Jojo. Sa makalawa, magpapadala ulit ako. Hintayin niyo ang tawag ko kina Aling Sepa. ”

Kalakip ng sulat ang isang tseke para sa $2,000, ang pinagsamahang sahod ni Luisa para sa dalawang linggo at ang perang napanalunan.

Patuloy pa ring nag-iskirol si Mang Joe. Ito ay kahit na napag-usapan na nila ni Aling Nida na maari na siyang bumalik sa piketlayn dahil gumaan na ang pinansiyal na pasanin, at pagaling na si Jojo na hindi naman naging grabe ang kalagayan.

“Pero nahihiya na ako, Nida. Sa mga kasamahan ko, kina Andoy, kina Luis, kay Pangulo...”

Pinisil ni Aling Nida ang kanyang kamay. “At sa mga bata na rin, siguro, ano Joe?” Tumango si Mang Joe.

“Naiitindihan naman nila kung bakit ka nag-eskirol.”

Napailing si Mang Joe. “Bukas, huling araw ko na bilang skab. Babalik lang ako sa pagawaan para kunin ang mga gamit ko sa loob.”

Kinaumagahan, eksaktong alas-singko dumating ang L-300 sakay si Mang Joe at ang iba pang iskirol. Kasunod nito ang iba pang L-300 na mga skab din ang lulan. Nasa geyt na sila nang harangin sila ng mga welgista.

May barikada sa harap ng geyt.

Mula sa bukas na bintana ng drayber ng kanilang sasakyan, dinig nina Mang Joe ang programang isinagawa ng mga welgista.

Kay Goryo ang tinig. “Hinihingi natin ang pakikiisa ng ating mga kaibigang gwardiyang nakabantay sa atin ngayon. Tandaan ho natin na maging kayo ay pinagsasamantalahan ng Gardenia - hindi ba’t mga agency-hired o kaya’y kontraktwal rin kayo? Wala kayong kasiguruhan sa trabaho, at lubhang mababa ang inyong sahod. Laban n’yo din ang laban ng mga manggagawa dito sa Gardenia!”

At tuloy ang programa. May mga pumalit kay Goryo, mga taga-suporta, mga lider ng unyon, mga manggagawa mula sa ibang pabrika.

Sa loob ng van, matalas na nakinig si Mang Joe. Maya-maya, nakilala naman niya ang tinig ni Mario. Buo ang boses nito, at matapang bagamat mahinahon.

“Mga kasama, tanging nasa ating sama-samang pagkilos makukuha ang nais nating tagumpay. Tuloy-tuloy nating palakasin ang welga sa Gardenia! Isulong ang interes ng uring manggagawa!”

Walang ano-ano, bumaklas sa pormasyon ang mga nakahilerang sekyurity gard.. Pinaghahatak nila ang mga nagpoprogramang di na nagawang magkapit-bisig.

Sa loob ng L-300, kinabahan si Mang Joe.

Dinig niya ang ingay ng tulakan at hatakang nangyayari sa labas. Sa gitna ng gulo, isa-isang pumasok ang mga L-300, pangatlo ang sasakyang lulan si Mang Joe.

Pagpasok sa gate ng L-300 ni Mang Joe, nasilip niya sa siwang ng bintana ng drayber na may batak-batak na lalaki ang isang sikyu. Pamilyar ang t-siyert ng lalaki, Gayundin ang gupit ng buhok.

Nanlamig si Mang Joe. Si Mario ba iyon?

Narinig niya ang mga galit na sigaw ng mga manggagawa - “Ibalik n’yo siya sa amin, mga hayup! Tang ina n’yong mga bayarang maton! Maawa na kayo sa bata! Papasukin n’yo kami!” Madilim sa loob ng sasakyan, ngunit nakita ni Mang Joe ang pamilyar nang t-siyert na asul at may mga berdeng guhit. Ang t-siyert na noo’y halos nahuhubad na sa katawang nakadapa sa semento ng parking lot.

Pinagsusuntok ni Mang Joe ang bubungan ng L-300. Nagulat ang kanyang mga katabi. May pagtataka at takot sa kanilang mga mata, at pilit na gumitgit sa tabi ng pinto ng sasakyan ang kanyang pinakamalapit na katabi.

Hindi dama ni Mang Joe kanyang bawat suntok sa bubong ng sasakyan. “Ihinto ninyo ito! Bababa ako! Palabasin ninyo ako dito!”

Nagmamadaling binuksan ng ibang pasereho ang pinto ng L-300. Hindi pa nakakaparada ang saksakyan, tumalon na si Mang Jose.

Mabigat ang kanyang bagsak sa semento. Ilang oras makalipas, mararamdaman niya ang pananakit ng kanyang mga buto, at makikita ang mga galos na natamo nang gumasgas sa magaspang sa semento ang kanyang mga braso. Ngunit sa sandaling iyon, wala siyang nasa isip kundi maabot ang binatang kitang-kita niyang sinisikaran ng mga blu-gard.

“Tama na, tama na!” ang naiiyak na sigaw ni Mang Joe. Nabigla ang dalawang sikyung nagpapalitan sa pagtadyak sa nakahandusay nakatawan. Si Mario. Tinulak ni Mang Joe ang mga sikyu at lumuhod sa harap ni Mario.

Dahan-dahang siniyasat ni Mang Joe ang walang malay na Mario. Lamog ang binata. Tumutulo ang dugo mula sa kanyang ilong, at gayundin mula sa kanyang batok. May malaking punit ang kanyang tisyert, at nagsisimula nang magmarka ng itim at asul na pasa ang noo nito.



“Mario, anak? “ ang bulong ni Mang Joe, Dahan-dahan niyang hinaplos ang buhok ng binatang pikit pa rin ang mga mata. “Mario?” Halos malusaw ang kanyang puso.

Nang hindi pa rin dumilat ang binata at Mario, at tumugon a sa kanyang paulit-ulit na bulong, -- “Mario, Mario anak?” --, sinigawan ni Mang Joe ang mga natulalang sikyu.

“Tulungan n’yo akong buhatin siya!” Waring natauhan sa galit na tinig ng manggagawa, kiming lumapit ang mga sikyu, at sa direksyon ni Mang Joe, binuhat nila si Mario.

Parang napakalayo ng Gate 3. Para siyang nasa isang panaginip kung saan unti-unti siyang nalulunod, at hindi niya matanaw ang pampang. Buong ingat na inalalayan niya ang langong ulo ni Mario.

Nakita ni Mang Joe na ilit na binubuksan ni Mario ang kanyang mga matang pininid ng mga suntok. “M--mang j-Joe, ikaw ba yan?”

Huminto ang mga sikyu. Marahan nilang inihiga ang binata sa semento. Nang nagpilit itong bumangon, isinandal si Mang Joe ang kanyang sarili sa binata.

“Mang Joe, kamusta ho? Long-time no-see. Na-miss ka na namin sa piketlayn.” Nakangiti si Mario; ngunit pagkasalita, nawalan ito muli ng ulirat.

Kinalong ni Mang Joe si Mario, at bagamat hirap, kinarga niya ang binata lampas sa iilang metrong naghihiwalay sa kanya at sa kanyang mga kasamahang naghihintay sa kabila ng geyt.

-wakas-

Link

No comments: