Unang lumabas sa Pinoy Weekly at isinulat habang nasa bilangguan ng Baganga, Davao Oriental.
Sino ang mag-aakala na ang mga bato sa dalampasigan ay makatutulong sa ating pang-unawa sa katangian at pag-unlad ng Buhay?
Ang mga bato na kinahihiligang kolektahin, tingnan, at pag-aralan ng mge heolohiko (geologist) ay maituturing na pinakamalinaw na halimbawa ng isang di-buhay na bagay (non-living thing). Walang hindi sasang-ayon na ang mga bato ay hindi nanganganak, hindi lumalaki, at hindi gumagalaw, mga katangiang likas na inuugnay natin sa mga buhay na bagay tulad ng mga hayop, halaman, at mga mikrobyo. Ang mga bato ng heolohiko ay walang buhay, ngunit ang mga imbestigasyong ginawa ng mga unang heolohiko tungkol dito ang siyang nagbigay ng malaking patunay sa Teorya ng Ebolusyon na gumagabay sa mga biyolohiko, ang mga eksperto sa mga buhay na bagay.
Ang mga fossil ay mga batong may nakaukit na mga iniwang bakas o matitigas na bahagi tulad ng buto ng hayop at katawan ng puno ng hayop o halaman. Matagal nang napansin ng mga tao ang kakaibang disenyo ng mga batong ito, ngunit hindi agad naunawaan ang kanilang pinagmulan. Ang mga nakamamanghang detalye sa mga disenyong nakaukit sa mga bato ay hindi malayong makapagbibigay ng kakaibang pakiramdam na ang mga ito ay ginawa ng mga makapangyarihang espiritu o puwersang pangkalawakan. Marahil dala ng kaalaman ko sa materyal na basehan ng mga espesyal na batong ito kaya wala akong naramdamang ganito noong una kong masilayan ang mga fossil na nakadisplay sa Paleontology Museum sa Munich, bagamat ang pagkamangha ay nariyan. Pagkamangha sa tiyaga, panahon, at lakas na ginugol ng mga paleontolohiko upang masistematisa at maisaayos ang sobrang daming kaalamang ibinunga ng mga fossil.
Ang doktrina tungkol sa di-organikong pinagmulan ng mga fossil ay namayani sa kaisipan maging ng mga siyentista noong ika-17 siglo. Kahit hanggang sa nakaraang siglo, ang ilang mamamayan sa Shantung, Tsina ay naniniwalang ang mga nakaimprintang dahon sa maninipis na tipak ng bato (shale) sa malapit na mga burol ay mga sinaunang pagsubok (attempt) ng mga diyos sa sining at pagsusulat. Malaking impluwensiya sa pag-iisip ng mga siyentista at pilosopo bago ang pag-usbong ng modernong pananaw tungkol sa mga fossil ang mga turo at doktrina ng Simbahang Katoliko. Sa Teoryang Delubyo, tinanggap ng Simbahan ang organikong pinagmulan ng mga fossil, na ang mga ito ay mula sa mga natabunang totoong halaman at hayop, ngunit nangyari ito noong delubyo sa panahon ni Noah, ang tinuturing sa Bibliya na siyang Ama ng sangkatauhan. Ang ideya na ang mga fossil ay mula sa akumulasyon ng mga halaman at hayop sa napakahabang panahon ay tumampok at nagkaroon ng siyentipikong basehan dahil sa mga tuklas ni William Smith ng Inglatera pagpasok ng ika-19 na siglo.
Si William Smith ay isang surveyor ng mga lupain sa Inglatera. Una niyang napansin ang regularidad ng mga strata, isang istrukturang bato na karaniwan nang pinag-aaralan ngayon ng mga heolohiko, sa kanyang ginawang obserbasyon sa Somersetshire noong 1791 bilang paghahanda sa gagawing survey at pagpapatag ng lupa para sa linya ng gagawing Somerset Coal Canal.
Sa kanyang gawain bilang inhinyero para sa kanal, nagkaroon siya ng pagkakataong masuyod ang mga lupain at nabigasyong inland sa Inglatera. Taong 1794 nang ginawa niya ang kanyang pinakaunang geological map ng mga lupain sa paligid ng Lungsod ng Bath na nagpapakita ng samu’t saring strata sa naturang lugar. Ang mga pag-aaral ni Smith ng mga strata ay nagtulak sa Ingles na inhinyero na pansinin ang fossils na makikita sa mga strata na kanyang inaral, at inilabas niya ang kanyang mga obserbasyon sa isang libro noong 1799: Order of the Strata, and their embedded Organic Remains, in the neighbourhood of Bath; Examined and Proved Prior to 1799. Lalo pa niyang inayos ang kanyang teorya tungkol sa ugnayan ng mga fossil at ng mga strata sa publikasyong Strata Identified By Organised Fossils noong 1816. Binago ng mga ideya at pananaliksik ni Smith and buong pag-aaral ng paleontolohiya, ang pag-unawa sa mga fossil. Dahil sa kanyang mga pananaliksik, si Smith ang itinuturing na ama ng heolohiya sa Inglatera.
Ang pagkakahati-hati ng mga bato sa Bath ay may kinalaman sa magkakaibang mineral na bumubuo sa mga ito. Ang mga magkakapatong na makakapal na batong clay, sandstone, limestone, at iba pang komposisyon ay madaling napaghihiwalay ni Smith, kung saan niya kinolekta ang iba’t ibang fossil. Napansin niya na ang bawat mineral na pormasyon ay may natatanging fossil na hindi makikita sa ibang layer. Ibig sabihin nito’y kayang malaman kung kailan nabuo ang mga bato kung malalaman lang ang panahon kung kailan nabuhay ang mga nilalang na nakaimprenta sa fossil. Ang mga fossil, kung gayon, ay puwedeng gamiting tagamarka ng panahon (time marker) ng pagkabuo ng mga bato.
Marami pang mga pananaliksik sa mga pormasyong heolohikal ang naging tuntungan ng mga paleontolohiko upang paunlarin ang kanilang pang-unawa sa mga fossil. Sa isang hiwalay na inisyatiba, pumasok sa eksena ang mga biyolohiko sa pangunguna ni Georges Cuvier, isang Pranses na eksperto sa mga hayop o zoolohiko at bihasa sa anatomiya ng mga vertebrata. Sa kanyang lathalain noong 1812, Reserches sur les ossements fossiles de quadrupédes, inilahad niya ang detalyadong obserbasyon sa mga ngipin at buto ng mga fossil na mammal at reptilya. Maraming mga hayop na fosilisado na ang hindi kilala ng mga zoolohiko. Ibig sabihin, wala na ang mga ito sa mundo o extinct, na ang mga ito. Ang mga pag-aaral ng mga paleontolohiko sa mga fossil ay yumanig sa kaisipang namamayani sa panahong iyon hinggil sa katangian at pagbabago ng mga hayop at mga halaman. Sa larangang paleontolohiya, humigpit ang ugnayan ng mga bagay na buhay at mga bagay na di-buhay. Sa di-inaasahang pagkakataon, ang mga eksperto sa bato ay nagkaroon ng malaking kontribusyon sa pag-unlad ng agham ng mga buhay na bagay.
Humantong ito, kasama ng iba pang obserbasyon ng mga biyolohiko o mga naturalista, sa Teoryang Ebolusyon ng mga organikong materyal ni Charles Darwin at ni Alfred Russel Wallace. Sa Origin of Species, isinalaysay ni Darwin ang prosesong dinaanan ng klase-klaseng hayop at halaman. Ang mga obserbasyon ng mga paleontolohiko ay tila naging batong pundasyon ng mga ideya ni Darwin , na nagbigay naman ng payo sa mga paleontolohiko upang masisistematisa nila ang kanilang larangan. Ang Teorya ng Ebolusyon ni Darwin ay naging gabay ng mga eksperto sa paleontolohiya ng mga vertebrata upang mas mapatibay at mapaunlad ang kanilang pag-unawa sa mga hayop, nasa mundo pa man ito o matagal nang extinct tulad ng mga dambuhalang reptilya, ang mga dinosaur.
Sa pamamagitan ng mga fossil bilang time marker ng mga pormasyon ng mga bato, kayang pag-ugnayin ang mga lupain sa magkakaibang kontinente o isla. Kaya rin nitong ibigay ang wastong pagkakasunud-sunod ng pagkabuo ng mga lupain at mga matitigas na layer nito, kahit pa ilang beses na itong binaligtad ng mga paggalaw ng mga lupa. Bagama’t hindi nito kayang ibigay ang eksaktong tagal at panahon ng pagkakabuo, may kapangyarihan itong isalaysay sa atin kung aling hayop o halaman ang unang umusbong sa mundo at kung saang bahagi ng mundo. Halimbawa, ang mga fosilisadong halaman at puno sa panahong Carboniferous (pinangalan sa saganang coal na puno ng carbon sa mga lupaing pinagmulan ng mga naturang fossil) ay nabuhay sa panahon bago ang mga dinosaur na nabuhay naman bago pa umusbong ang pinakaunang tao. Ibig sabihin, napakaraming fossil pala ang naipon bago pa nabuhay si Noah at binaha ang sanlibutan.
Ang ganitong kaalamang napipiga sa pag-aaral ng mga strata at mga fossil, gayunman, ay hindi kayang magbigay ng eksaktong tagal ng mga pangyayari. Kailangan pang paunlarin ng mga liknayano ang mga pamamaraang gumagamit ng kaalaman sa radioactivity upang maisagawa ito, isang larangang heokronolohiya na gumagamit din ng iba pang kaalaman sa liknayan, kemistri, at iba pang sanga ng agham.
No comments:
Post a Comment