Sinulat sa loob ng Baganga Provincial Subjail.
Nakakain ka na ba ng karne ng baboy-damo? Makunat ito at matigas ang taba nito at makapal ang laman kung ikukumpara sa karaniwang karneng baboy mula sa mga pinapalahian sa mga babuyan. Kung lasa naman ang pag-uusapan, halos wala namang kaibahan sa lasa ng karaniwang karneng baboy. Syempre depende din ito sa kung paano niluto at kung anong mga rekados ang inihalo.
Source: colnect.com
Ang baboy-damo ay isa sa mga hayop na karaniwang makikita sa mga kagubatan ng Pilipinas. Kasama ng binaw (deer), ambao (wild rat), milo (wild cat), halo (monitor lizard), kagwang (flying lemur), sawa, at palaka, ang baboy-damo ay isa sa mga pinagkukunan ng karneng kinakain ng mga magsasaka sa mga paanan ng mga bundok ng Davao Oriental at Compostela Valley.May isang magsasaka na buong gabing nanghuhuli ng palaka gamit ang isang napakaliwanag na lamparang de-baterya. Ang mga palaka ay hindi na makagalaw kapag nasisilaw sa maliwanag na ilaw. Ang mga nahuhuli niya ay hindi para sa kanyang sariling konsumo kundi para ibenta sa ibang kumakain nito. Minsan umaabot ng mga walong kilo (8 kg) ang nahuhuli niya sa isang gabi lang ng pangangalap sa ilog. Hindi ko na maalala kung magkano niya ito binenta.
Maliban sa katangian ng karne nito, may malaking kaibahan din ang baboy-damo kumpara sa pinapalahiang baboy pagdating sa ugali (behavior). Una, ang habitat nila ay magkaiba. Ang baboy-damo ay nakatira sa likas na tirahan (natural habitat) nito at nabubuhay sa pamamagitan ng pangangalap ng pagkain sa kagubatan. Naghuhukay ito gamit ang nguso upang makahanap ng pagkain sa ilalim ng lupa tulad ng mga ugat ng piling uri ng halaman. Ang paraan ng pangangalap nito ng pagkain ay isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit kailangan nito ng matibay na laman at matalas na pang-amoy, mga katangian na maaaring nabawasan na sa mga pinapalahiang baboy dahil sa ilang henerasyong dinaanan nito sa ilalim ng di-likas na pagpili (artificial selection) ng tao. Maliban sa paraan ng pangangalap ng pagkain, magkaiba din sila sa pagiging bukas sa atake ng iba pang hayop. Ang baboy-damo ay buong panahong nakababad sa posibilidad ng pag-atake at pagsugod sa iba pang mababangis na hayop sa kagubatan. Ito ay nagsisilbing selection pressure kung anong klaseng baboy-damo ang pwedeng mabuhay (survive) sa kagubatan. Kailangan nito ng matalas na pandinig at pang-amoy upang malaman ng maaga kung may paparating o malapit na kaaway. Malamang ang tulog nito ay hindi ganun kalalim upang mabilis magising at makadiskarte kung may aatakeng kaaway. Dahil bukas ito sa atake, hindi uubra sa kagubatan ang baboy-damong lalampa-lampa. Kailangan din niyang maging mabangis at handang humarap sa iba pang mababangis na hayop. Ang matutulis na pangil ng baboy-damo ay di-hamak na mas malaki kaysa sa karaniwang baboy.
Hindi madali ang buhay ng baboy-damo dahil kailangan niyang maghanap ng lugar na maputik na malapit sa mga pagkain nito at malayo sa iba pang mababangis na hayop. Samantalang ang baboy na pinapalahian ay hindi na sanay sa ganitong buhay. Mabubuhay pa kaya ito kung iiwanan sa gubat habang bata pa?
Mas makapal din ang buhok ng baboy-damo at mas matigas ito. Ano naman kaya ang selection pressure para dito? Malamang kailangan niya ang mas matibay na buhok bilang proteksyon sa mga matutulis o magagaspang na bagay na dinadaplisan ng kanyang balat habang sumusuot sa masukal at makapal na damuhan at mga halamang maraming tinik, mga halamang karaniwan lang sa kagubatan. Maaari din itong proteksyon laban sa mga insekto at iba pang maliliit na hayop na umaatake sa balat ng baboy-damo tulad ng mga alimatok at linta (leeches) na nag-aabang lamang sa lupa o sa mga dahon o sanga ng mga halaman at naghihintay madampihan ng baboy-damo, binaw, at iba pang hayop na may masasarap na dugo. Ang mga selection pressures na ito ay hindi na nararanasan ng mga pinapalahiang baboy kaya normal lang na hindi na rin nila kailangan ang kasingkapal, kasinghaba, at kasingtibay na mga buhok.
Ang mga katangiang pisikal na nabanggit sa taas ay mga sukatan ng pagkakaiba ng dalawang uri ng baboy (variety), mga katangiang nakikita at nasusukat mula sa panlabas na anyo, mga katangiang tinatawag na phenotype.
Ang phenotype ng isang organismo ay hindi lang iyong mga nasusukat na pisikal na katangian o itsura (morphology) nito. Kasama din sa phenotype ang katangian ng isang organismo kapag ito ay nakikibagay sa kanyang kapaligiran (response to stimuli).
Sa baboy-damo, ang isang halimbawa nito ay kung paano ito gagalaw o kung ano ang reaksyon nito kapag may tao sa paligid. Ito ba ay mapagkaibigan o mabangis na umaatake; o matakutin at umiiwas sa tao? Ang mga baboy-damong hinuhuli ng mga mangangaso sa kagubatan ay likas na mababangis. Ang bangis ba nito ay likas na sa kanilang “dugo” (genotype) o iniluwal lamang ng kanilang kapaligirang kinalakhan? Isa sa mga sentral na katanungan ng mga behavioral biologists ang tipong nature-versus-nurture, at ang kadalasang sagot dito ay magkahalong nature at nurture, gene at environment, na hindi taliwas sa materyalismong diyalektikong pananaw.
Isang magsasaka, na mangangaso din, sa Davao Oriental, si Tatay Jose, ang sumubok sagutin ang katanunging ito tungkol sa pagiging mabangis ng baboy-damo. Habang siya ay nangangaso, may natagpuan siyang isang sanggol na baboy-damo. Ang tantya niya sa edad nito ay mga ilang araw pa lang dahil, ayon sa kanya, hindi pa ganun kaliksi para tumakas palayo kasama ng nanay nito. Medyo maliwanag pa din ang kulay ng balat nito. Hindi niya kinakitaan ng bangis ang batang hayop. Imbes na iwanan niya at hayaang mabalikan ng nanay, inuwi niya ito. Nilagay niya sa kanyang bakpak.
Pagdating sa bahay ay nakalimutan na niya ito hanggang sa mapansin ng anak niya na may gumagalaw sa loob ng bag. Sinubukan nila itong pakainin ng hilaw na kamote ngunit hindi ito kinain ng hayop. Bagama’t hindi mabangis, tila nahihiya o natatakot ang baboy sa kanila kaya ayaw nitong kumain. Kinagabihan, nang tahimik na ang paligid at tulog na ang lahat maliban kay Jose na binabantayan ang galaw ng nabihag na hayop, dahan-dahan itong lumapit sa kamote at ngumasab. Ilang araw daw na ganito ang ugali ng baboy pagdating sa pagkain. Kumakain lang ito kapag walang taong malapit.
Lumipas ang ilang linggo, nawala ang takot ng baboy at masigla na itong sumasalubong sa mga pagkaing inaabot dito sa loob ng tangkal (kulungan ng baboy). Lumaki ang baboy-damo na kinakitaan ng pagiging mabangis hanggang sa mga halos dalawang taong gulang na ito.** Isang araw, habang naglalagay ng pagkain sa tangkal ang kanyang anak, bigla na lang umatake ang baboy na siyang ikinagulat at ikinatakot ng bata na dali-daling umatras palayo sa tangkal. Kahit kay Jose ay ganito na rin ang ugali ng baboy. Ayon sa kanya, lumabas na din sa wakas ang totoong ugali ng baboy-damo, lumabas na ang likas na bangis nito. Kinabukasan ay nagdesisyon na silang katayin na ang baboy dahil natatakot na sila na baka may mapahamak sa kanila.
Notes
** Ang edad na dalawang taon ay hindi ganun kasigurado kung pagbabatayan ang maraming pagkakataong mali ang bilang ng buwan o taon na naalala ng mga magsasaka.
No comments:
Post a Comment