Salamat Almondz! Ituloy nyo ang movie nights sa kubo. Hahaha! At saka oo nga may sinimulan pala tayong website project na hindi na nabalikan. Sige i-pursue pa rin natin yan. Kulang lang talaga tayo ng kapangyarihan eh. Tingin ko may bato somewhere sa Mt. Diwalwal na magagamit natin para matupad na yang project na yan. Hahaha!
Kuya Kim, kumusta ka na?
Dalawang daan at animpu’t limang (265) araw na mula nang ilegal kang dakipin ng mga elemento ng 67th Infantry Battalion sa Sitio Spur Dos, Barangay Aliwagwag, Cateel, Davao Oriental dahil isa ka raw myembro ng New People’s Army (NPA). Isa sa mga isinampang kaso sa’yo ay multiple frustrated murder. Nang mabalitaan ko yun, napaisip ako na, “Si Kuya Kim na hindi nga makapatay ng ipis, papatay ng mga tao?” Nakakalungkot at nakakagalit isiping kapag nasa kagubatan na, hindi na mapag-iba ng mga militar ang sibilyan sa mga rebelde.
Naalala ko tuloy ang pagpaslang ng mga element ng 19th Infantry Battalion ng Philippine Army sa bantog na ethno-botanist na si Leonard Co noong Nobyembre 15, 2010 kung saan nagsasagawa sya ng pagsasaliksik sa kagubatan ng Kananga, Leyte kasama sina Sofronio Cortez at Julius Borromeo.
Siyam na buwan na mula nang ikulong ka nila sa piitan. Ilang beses na nagkaroon ng paglilitis at patuloy pa rin ang pagdadagdag ng militar ng gawa-gawang kaso laban sa iyo. Heto nga’t gaganapin na naman sana ang paglilitis sa kaso mo ngayong araw, kaso ipinagpaliban na naman. Lalong tumatagal ang ang paglaya mo sa kulungan.
Dahilan ito ng pagkaantala ng pagsasaliksik mo para sa mga nasalanta ng bagyong Pablo. Naaantala tuloy ang pagpapatuloy ng trabaho mo dito sa Maynila. Naaantala tuloy ang pagtapos mo sa thesis mo para sa doctorate mo sa Rijksuniversiteit Groningen, The Netherlands. Higit sa lahat, naaantala ang pag-uwi mo para makapiling ang iyong pamilya.
Kakakita ko lang ng panawagan ng anak mong si Kimiko para palayain ka. Kinurot ang puso ko sa panawagan ng isang musmos na anak para sa pagpapalaya ng ama. Haaay.
Oh, naibalik na ba ang digital camera mong kasama sa mga kinuha sa’yo ng mga sundalo? Huhulaan ko, karamihan ng mga kuha mo ay macroshots (pagpiktyur ng malapitan sa mga maliliit na bagay). Naaalala ko nung isang beses na hawak mo ang digital camera mo at panay ang kuha mo ng mga litrato. Doon ko nalaman na macroshots talaga ang hilig mo. Curious tuloy ako, nakuhaan mo kaya ng macroshots ang mga alitaptap na subject ng pananaliksik mo nung gabi bago ka dinakip ng mga militar? Gusto kong malaman kung mailap ang mga alitaptap o hindi. Ang ganda siguro kung nakuhaan mo sila na kitang-kita ang bioluminescence sa kanilang lower abdomen. Gustung-gusto kong nakakakita ng mga alitaptap dahil bihira sila matagpuan dito sa Maynila, kasi diba sa lugar na may malinis na hangin lang sila matatagpuan?
Naalala ko rin ang iyong kakulitan, inisyatiba at tiyaga na ipunin ang mga kasamahan natin sa opisina at organisasyon tuwing Huwebes para manood ng mga pelikulang iba-iba ang tema at laging may social relevance. Mula sa unang pelikulang psychological-thriller na ‘The Skin I Live’ noong January 10, 2013, hanggang sa WWII era film na ‘Defiance’ noong June 13, 2013, patok lahat tuwing Huwebes. Lalo na ang pelikula ni Nora Aunor na “Minsa’y May Isang Gamu-Gamo.”
Ang nakakalungkot, mula nang nag-field ka dyan sa Mindanao, hanggang sa kasalukuyang pagkakapiit mo, wala na ang Thursday Movie Nights natin.
Pagbalik mo, ipagpatuloy natin ‘yung nabitin nating pagpaplano at pag-develop ng isang website para sa mga proyekto na pwedeng makatulong sa iba’t ibang organisasyong na nagsisilbi sa mamamayan.
Nakaka-miss din ang mga kwentuhan natin na kahit mababaw lang ay biglang lumalalim dahil tinitilad-tilad mo ang “science of it”. Ultimong pag-utot, nakukuha mong ipaliwanag! Ang dami mong sinasabi. Pero sa totoo, malaking tulong ang mga ganoong kwentuhan. Biruin mo, hindi ko na kailangang maglabas ng ilang libo para sa tuition fee. Hindi ko na kailangang mag-enroll sa mga unibersidad kung saan ka nagtuturo. Instant estudyante mo ako tuwing nagkukwentuhan tayo! Passion mo talaga ang pagtuturo, kaya hindi ako nagtataka kung bakit ganoon mo na lang kagusto na padalhan ka namin dyan ng science at math books para sa itinatayo mong People’s Science School para turuan ang mga bilanggong kasama mo dyan.
Sa dalawang daan at animnapu’t limang araw pananawagan namin para palayain ka, bitbit namin ang pag-asa na sa lalong madaling panahon ay lalabas ang katotohanang ikaw ay walang sala, at isa na namang paglabag sa karapatang pantao ang ginawa ng mga militar at ng gobyerno.
Si Joanna Almodal ay community organizer at project officer ng Kalikasan People’s Network for the Environment. Isa sa mga kaibigan ni Prof. Kim Gargar, isang makabayang siyentista, na inakusahan ng gawa-gawang kaso at illegal na ikinulong sa Mati Provincial Jail mula noong October 2013.