April 27, 2014
* Sinulat sa loob ng Baganga Provincial Subjail
Sa datos ng gobyerno (NSCB) noong 2010, mayroong 92 milyong Pilipino ang nakatira sa lupaing may lawak na 340 libong kilometrong parisukat. Nakakalat tayo sa 7,107 na isla sa buong arkipelago bagamat 860 isla lang ang permanenteng may nakatira, mga 12 porsyento lang sa kabuuang dami ng lupaing nakausli sa karagatan sa may kanlurang gilid ng Karagatang Pasipiko. Ang buong populasyon ay nahahati hindi lang sa mga isla. Nahahati din tayo sa pamamagitan ng pulitikal na pagbabakod ng mga lupain sa antas barangay, munisipyo o lungsod, probinsya, at rehiyon. Sa purok na rin kung isasama pa natin ang yunit na ito, bagamat walang pambansang lawak na halalan ang itinatalaga para sa pamumuno dito. Mayroong 81 probinsya ang bumubuo sa labing-anim na rehiyon sa bansa. Hindi pa kasama dito ang National Capital Region (NCR) na binubuo naman ng labing-pitong lungsod. Sa antas munisipyo, nahahati ang bansa sa 1,494 na teritoryo. Ang bilang naman ng barangay ay nasa 42,027. Ngunit hindi lang sa iba't-ibang mga isla at pulitikal na teritoryo nahahati ang mga Pilipino; nahahati din tayo sa kultura, wika, relihiyon, hanapbuhay, at maging sa opinyon sa lahat ng isyung kinakaharap natin sa antas lokal hanggang nasyunal at, para sa ilang Pilipino, sa antas internasyunal.
Kung pagbabatayan ang sukatan ng Darwinian na pananaw sa pagiging fit ng isang species, panalo ang mga Pilipino sa larangan ng reproductive fitness. Sa taunang bilis ng paglobo ng populasyon na 2.1% (2010), ang Pilipinas ang pinakamabilis mapuno sa lahat ng bansa sa Timog-Silangan Asya (Southeast Asia). Ang Metro Manila naman ang pinakasiksik sa tao (most crowded) sa lahat ng lungsod sa buong mundo. Nasa mga 19,100 katao sa bawat kilometrong parisukat (sq. km) ang nakasiksik dito. Sa lahat ng rehiyon labas ng Metro Manila, nangunguna naman ang Calabarzon sa pinakasiksik (750 katao kada sq. km) at sinusundan ng Gitnang Luzon (461). Ang dalawang rehiyong ito ang nakapaligid sa Metro Manila kaya masasabing ang population distribution ng Pilipinas ay nakasentro sa NCR at numinipis habang lumalayo dito. Ganunpaman, may mga maliliit na sentro sa ibang bahagi ng bansa. Ang Gitnang Kabisayaan ay pumapangatlo sa pinakasiksik (428), at hindi ito nakakapagtaka dahil nasa gitna nito ang pangalawang sentro ng ekonomiya ng bansa, ang Metro Cebu, kung kasaysayan ang pagbabatayan.
Pang-apat sa pinakasiksik na rehiyon ang Rehiyong Ilokos (365) bagamat mas siksik pa kaysa sa lahat ng probinsya ng Gitnang Kabisayaan ang dalawang probinsya nito, ang La Union (495) at Pangasinan (510), na mas siksik din kaysa sa apat na probinsya (sa total na pito) ng Gitnang Luzon. Isang indikasyon ito na ang "kaunlaran" ay dumadaloy mula sa NCR papuntang hilaga sa pamamagitan ng La Union at Pangasinan. Hindi rin ito nakakapagtaka dahil may isa pang sentro ng ekonomiya sa hilaga na konektado sa dalawang lalawigang ito, ang Lungsod ng Baguio, kung saan ang sentro ng dalawang sangay ng gobyerno, ang ehekutibo at hudikatura, ay lumilipat sa panahon ng pinakamainit na buwan ng taon. Kaya naman ito ang tinatawag na summer capital ng bansa.
Bumalik tayo sa Metro Manila, kung saan nagsisiksikan ang 12 milyong Pilipino o 13 porsyento ng buong populasyon. Sa labingpitong lungsod nito, pinakamarami ang nakatira sa Quezon City (QC) o 2.8 milyon katao. Ngunit hindi ito ang pinakasiksik kundi panglabindalawa lang. Pinakasiksik ang tao sa Manila City kung saan 66,100 katao ang nagkukumpulan sa isang kilometrong parisukat. Sumunod dito ang Mandaluyong (35,300), Pasay (28,100), Navotas (28,000) at Caloocan (26,700). Ang Pateros naman ang pinakamaluwag sa Metro Manila (6,200) at dito rin may pinakakaunting tao (64,100 lang). Pwede rin nating idagdag na baka mas marami pang balut sa Pateros kaysa sa tao, ngunit wala akong datos na hawak para kumpirmahin ito.
Bago tayo dumayo sa lalawigan, mahalagang bangitin na ang mga numero para sa NCR ay kumakatawan sa dami ng taong naninirahan (residence) sa lungsod at hindi ito sumasalamin sa aktwal na dami ng tao sa lungsod na ito sa isang panahon, lalo na sa araw kung kailan nasa pagawaan, opisina, at iba pang lugar ng hanapbuhay ang mga tao. Kaya naman ang population density ng mga karatig na probinsyang Rizal (2,100), Cavite (2,000), Laguna (1,400), at Bulacan (1,000) ay matataas din. Dito din kasi umuuwi ang maraming naghahanapbuhay sa Metro Manila. Malamang may kaugnayan din dito ang mataas na siksikan ng mga tao sa lalawigan ng Pampanga na may 980 katao bawat sq. km at siguradong mas mataas pa ang bilang kung isasama ang syudad ng Angeles sa kalkulasyon.
Gaano ba kasiksik ang tao sa Pilipinas? Totoo ba na sobra-sobra na ang dami ng mga Pilipino (overpopulation)? Tingnan natin ang bilang. Sa populasyong 92 milyon at lawak ng lupain na 340 libong kilometrong parisukat, ang siksik ng tao sa ating bansa ay nasa mga 270 katao bawat kilometrong parisukat. Kasingsiksik ito ng islang probinsya ng Guimaras o ng Siquijor, parehong lugar na hindi pa ako nakakaapak. Napakaliit lang ng diperensya nito sa kasiksikan ng tao sa lalawigan ng Misamis Occidental (276), at sa nakikita ko sa probinsyang ito, napakaluwag pa ng mga lupain, marami pang matitirahan o "mapagtatamnan ng mga pangarap" kung gagamitin ang isang bahagi ng isang kanta ng Asin. Sa ganito kasiksik na lupain, maaaring pagsaluhan ng wala pang tatlong tao ang isang ektarya ng lupain at sama-sama itong pagyamanin. May mga pag-aaral akong nabasa noon na nagtatayang kailangan ng isang pamilya na may apat na tao ng kalahating ektarya ng sakahan upang ito ay magkaroon ng disenteng pamumuhay. Kung tama ito, maaari nating sabihin na ang tamang siksik ng populasyon ay dapat hindi tataas sa 800 katao sa bawat kilometrong parisukat. Masyadong maluwag pa pala ang Pilipinas kung pantay-pantay lang ang pagbabahagi ng lupain sa kasalukuyang populasyon. Kung 800 ang ating sukatan ng overpopulation, mangyayari ito kapag umabot ang populasyon sa 272 milyon. Malapit na ba itong mangyari o malayo pa?
Puntahan natin ang lugar kung saan matatagpuan ang pinakamababang bulkan sa bansa; ang bulkang Taal ay nasa lalawigan ng Batangas na may siksik ng populasyon na 760 bawat square kilometer. Para sa akin, napakaluwag pa ng Batangas. Ang unang impresyon ko pa nga noong una akong nakatuntong sa Batangas City ay "nasaan ang mga tao?" Malapit na sa 800 ang 760 ngunit hindi ko maituturing na overpopulated na halos ang Batangas. Naalala ko pa iyong huling pananaliksik na ginawa ng California Academy of Sciences sa karagatang nakapalibot doon kung saan may nakita silang mahigit tatlong daang (300) species ng marine animals na hindi nila nakita sa kahit anumang talaan ng mga hayop. Indikasyon iyon na hindi pa nakakarating sa tinatawag na carrying capacity ang lalawigang Batangas. Ang carrying capacity ay maituturing na limitasyon sa pagsasamantala ng likas-yaman sa isang lugar, at maaaring gamiting sukatan ng overpopulation.
Kung maluwag pa ang 800, gaano pala kasiksik ang isang populasyon upang umabot ito sa carrying capacity? Hindi ito madaling sagutin, ngunit maaaring sabihing nakadepende ito sa kung paano ginagamit ng populasyon ang kanyang likas-yaman (tulad ng matabang lupain) upang nakapaglikha ng pagkain at iba pa nitong pangangailangan. Ang paggamit ng mas mataas na antas ng teknolohiya para sa produksyon ay maaari ding makapagpataas ng carrying capacity ng isang lugar, bagamat hindi ito sapat na requirement. Para mas maunawaan natin, magbigay tayo ng isang halimbawa.
Kung ang produksyon ay kontrolado ng ilang tao lang sa dahilang sila ang nagmamay-ari ng lupain at iba pang kagamitan sa produksyon, ang karamihan ay walang magawa kundi paghatian ang kung anuman bahagi ng likas-yaman na hindi kontrolado ng iilan. Nangyayari ito sa buong mundo ayon sa UNDP na tumatayang 80 porsyento ng kayamanan sa buong mundo ay hawak ng 20 porsyento lang ng populasyon sa buong mundo. Ang natitirang 20 porsyento ng kayamanan ay pinaghahati-hatian at malamang ay pinag-aaagawan ng karamihan, ng 80 porsyento ng populasyon. Kumbaga ang apat na hati sa tinapay na hinati sa lima ay inangkin ng isang tao lang habang ang natitirang isang hati ay paghahatian pa ng apat na tao. Hindi malayong mag-aaway ang apat na taong ito, ngunit ang kanilang pag-aaway ay hindi dulot ng overpopulation kundi ng hindi pantay na hatian ng buong kayamanan. Medyo mababa pa ang tantya ng UNDP kumpara sa sinisigaw ng kilusang Occupy kung saan isang porsyento na lang talaga ang nagdodomina sa natitirang 99%.
Bumalik tayo sa Pilipinas. Napakadami na talagang tao sa mga sentrong lungsod lalo na sa Metro Manila. Bumibigay na nga pati ang MRT eh. Samantala, napakarami pang lalawigan ang maluluwag. Tandaan na 860 lang na isla ang permanenteng may nakatira. Mayroon pang 6,247 na islang bakante, ngunit karamihan dito ay maliliit kaya wala ding tumitira. Ang bilang ng lalawigan na mayroon lang hindi hihigit sa 100 katao kada kilometrong parisukat ay nasa labing-anim (16). Pito nito ay nasa pinakamalaking isla, ang Luzon, at lima sa pito ay nasa mga kabundukan ng Kordilyera. Ang lalawigan ng Benguet lang ang may mataas na siksik ng populasyon at hindi rin naman ito talaga mataas (193 kung hindi kasama ang Baguio). Ang magkatabing lalawigan ng Aurora at Quirino ay may 64 at 77 lang katao kada kilometrong parisukat, sa parehong pagkakasunod. Ang isla ng Batanes ay nasa 76. Sa rehiyong Mimaropa, dalawang lalawigan ang may mas mababa sa isa kada ektarya na siksik ng populasyon: Occidental Mindoro (77) at Palawan (napakababang 45 kapag hindi isasama ang lungsod ng Puerto Princesa).
Sa Kabisayaan, ang Eastern Samar lang ang may siksik ng populasyon na mas mababa sa isa kada ektarya, 92. (Kung nalilito na kayo, hatiin lang sa 100 ang bilang para mailipat sa ektarya mula sa kilometrong parisukat ang sukatan ng lawak) Hindi rin malayo ang sa Samar (121) at Northern Samar (160); lahat ay nasa pangatlong pinakamalaking isla sa bansa. Nagulat ako sa taas ng bilang para sa isla ng Biliran (302), bagamat mas siksik pa naman ng kaunti ang populasyon sa isla ng Camiguin (352) na mas malapit sa Mindanao.
Sa pangalawang pinakamalaking isla, ang "isla ng pangako", ang Mindanao, limang lalawigan ang may siksik ng populasyon na isa kada ektarya o mas mababa: Davao Oriental (91), Agusan del Norte (94) at Agusan del Sur (66), Maguindanao (91), at Lanao del Sur (62). Hindi rin naman ganun kataas ang bilang para sa iba pang lalawigan ng Mindanao kung saan pinakamataas na ang para sa Misamis Occidental at Davao del Norte (276).
Bago pa bumigay yang MRT, magsilipat na kayo sa lalawigan. Maluwag pa ang Pilipinas!