Image: Wikipedia
Nag-aral siya ng mga batas ng paggalaw ng mga pisikal na bagay. Itinuturing si Galileo bilang pangunahin sa “higanteng mga tinutuntungan” ng isang kilalang siyentista na si Isaac Newton. Naging bantog siya sa kanyang mga paliwanag kung paano gumagalaw ang pisikal na mga bagay at iba pang mga katangian nito. Kasama na rito ’yung teorya ng pag-inog ng mga planeta at iba pang bagay sa kalangitan – bagay na kinagalit ng mga pari sa Vatican at humantong sa pagkakulong niya sa isang bahay sa Siena (house arrest) ng limang buwan.Inilathala noong 1632 ang aklat ni Galileo na “Dialogue Concerning The Two Chief World Systems”. Sa aklat na ito, kinumpara niya ang dalawang teorya hinggil sa pag-ikot ng mga planeta: ang magkaibang teorya ni Ptolemy at Copernicus. Ang teorya ni Ptolemy, na galing pa sa mga teorya ng mas naunang pilosopo na si Aristotle, ay niyakap at binitbit ng Simbahang Katoliko sa Vatican nang mahigit isang milenya. Sa teoryang ito, nasa sentro ng lahat ng mga bagay sa Daigdig (universe) ang Mundo (earth); paikot sa mundo ang galaw ng mga bituin, ang buwan, at ang araw. Ginamit ito ng Vatican para bigyang-diin ang pagiging espesyal ng tao sa mata ng Diyos.
Taong 1543 nang inilabas ni Mikolaj Kopernik (o Nicolaus Copernicus sa wikang Ingles) ang kanyang teorya tungkol sa paggalaw ng mga bagay sa kalangitan (heavenly bodies). Ayon sa teorya niya, Araw at hindi ang Mundo, ang sentro ng lahat ng mga bagay sa kalangitan kasama na ng Mundo mismo. Pinaliwanag niya, ang paggalaw ng Araw na nakikita natin sa ating mundo bilang epekto ng pag-ikot ng Mundo sa axis nito, habang nananatili ang araw sa kanyang lokasyon. Taliwas ito sa itinuturo ng teorya ni Ptolemy, na siya ding itinuturo ng Simbahang Katoliko sa panahong iyon. Sa aklat ni Galileo, pinaboran niya ang teorya ni Copernicus, bagay na kinagalit ng Simbahan.
Inimbestigahan si Galileo at sinampahan siya ng kaso sa Korte ng Simbahan (Inquisition). Hinatulan siya ng pagkabilanggo at inutusang bawiin ang kanyang mga sinulat at itakwil ang mga ideyang maka-Copernicus. Anim sa sampung huwes ang pumirma sa naturang hatol. Sa isang pormal na seremonya sa simbahang Santa Maria sopra Minerva, inanunsiyo ni Galileo ang kanyang pagtanggap ng kamalian at ang pagtakwil sa mga ideyang maka-Copernicus. Pagkatapos ng seremonya ay ikinulong siya sa isang bahay sa Sienna. Dito niya sinimulang isulat ang kanyang huling aklat.
Pinagbawalan si Galileo ng Roman Inquisition na ilathala ang alinman sa kanyang mga aklat dahil nagpapalaganap ito ng mga ideyang taliwas sa tinuturo ng Vatican sa mga panahong iyon. Nang bumisita ang isang mayamang Olandes na si Louis Elzevir sa Italya noong 1636, nagkaroon ng pagkakataon si Galileo na ipuslit ang kanyang aklat para mailathala at maisapubliko.
Noong 1638, inilabas ng palimbagan ni Elzevir sa Olanda, isang bansang malayo sa impluwensya ng Roma, ang aklat ni Galileo na Dialogue Concerning Two New Sciences. Dito ipinaliwanag ni Galileo ang kanyang mga teorya tungkol sa pisikal na mga bagay at ang kanilang paggalaw. Katulad ng estilo sa naunang aklat, hindi niya diretsahang isinalaysay ang kanyang mga teoryang kundi sa pamamagitan ng pag-uusap ng tatlong taong may kinakatawang kaisipan at personalidad. Ating kilalanin ang tatlong taong ito.
Si Salviati ang nagdadala ng kaisipang Copernicus at bitbit din niya ang mga teorya ni Galileo mismo. Si Sagredo nama’y karaniwang tao na inosente sa mga bagay-bagay na pinag-uusapan sa Dialogue. Pero may angking talino siya para mabilis na maunawaan ang mga paliwanag ni Salviati. Sa dulo ng bawat pag-uusap sa loob ng apat na araw, naliliwanagan si Sagredo tungkol sa paksang pinag-uusapan at humahantong sa pagpanig niya kay Salviati.
Ang pangatlong kasali sa pag-uusap ay si Simplicio na siyang nagbibitbit ng kaisipang Ptolemy at Aristotle, mga kaisipang niyayakap din ng Simbahang Katoliko sa panahong iyon. Sa madaling salita, si Simplicio ang kumakatawan sa Simbahan. Magkasalungat ang mga ideya ni Simplicio at Salviati, samantalang si Sagredo naman ay pilit inuunawa ang paliwanag ng dalawa. Silang tatlo ang mga karakter sa dalawang aklat ni Galileo at ang kanilang pag-uusap ay umiikot sa mga bagay na nais bigyang pansin ni Galileo.
Malaki ang naging ambag ni Galileo sa pag-unlad ng siyensiya at ng mga lipunan sa Europa at sa buong mundo. Marami sa kanyang mga ideya’y napatunayang tama at naging tuntungan ni Isaac Newton at iba pang mga siyentista sa mga sumunod pang mga siglo para paunlarin pag-unawa natin sa paligid at daigdig.
Noong 1983, tatlo’t kalahating siglo matapos ang pagkakulong kay Galileo, opisyal na ipinahayag ng Simbahang Katoliko sa Vatican na maaaring tama ang mga teorya ni Galileo.