Friday, October 25, 2013

Ang laksang buhay sa kabundukan ng Compostela Valley at Davao Oriental

*Unang lumabas sa Pinoy Weekly. Isinulat ito sa loob ng bilangguan ng Mati City, Davao Oriental.

Kung tatanungin ang mga naninirahan sa Mati City ng Davao Oriental (DavOr) province kung gaano kadami ang alitaptap sa siyudad, ang kadalasang sagot nila ay hindi pa sila nakakakita nito.

’Yung mga nakakita na nito ay yaong mga minsang nakabisita sa kabundukang malapit o di kaya ay minsan ng tumira ‘roon. Kahit dito sa Davao Oriental Provincial Jail ay wala ni isang kislap ang maaaninag tuwing gabi sa mga punong mangga o ano pa mang puno na nakatanim dito. Ang mga alitaptap sa mga bundok dito sa Davao Oriental at sa katabing Compostela Valley (Comval) province ay palatandaan ng natitirang matumal na laksang-buhay na unti-unti ng nawawala dulot ng patuloy na pagputol ng mga puno sa natitirang kagubatan dito.

Isang stick insect na halos limang pulgada ang haba ng katawan.
Makikita sa kagubatan dito ang samut-saring insekto: alindanaw (dragonfly), alibangbang (butterfly), langaw (flies), stick insects, leaf insects, langgam (ants), bubuyog (bees), simba-simba (praying mantis), tipaklong (grasshoppers), gangis (cicadas), atbp. Ang mga gagamba, alupihan (centipede), labod (millipede), suso (snails) at iba pang arthropods ay naglalakihan at may kung anu-anong kulay at disenyo sa katawan. Mga maliliit at matatabang linta o alimatok (leeches). Mga tutubi na mukhang sa unang tingin mga insekto na akala mo’y dahon o sanga ng halaman. Ganyan kayaman ang ating natitirang laksang-buhay sa kabundukan dito sa Silangang Mindanao.

Ang mga huni ng ibon ay klase-klase rin, at sa pag-iiba ng oras ay mag-iiba rin ang huni na namamayani sa paligid. Ang mga natitirang puno ay kung anu-ano ang itsura. Maraming mga puno ang maliliit pa at nagsisimula pa lang makipagkumpetensya sa taba ng lupa laban sa mga damo at bagon na ang kakapal na mula ng muli itong tumubo pagkatapos ng Bagyong Pablo. Ang mga gumagapang na halamang muti-muti at iba pang gumagapang na halaman ay bumabalot sa maraming mas malalaking halaman at mga matatayog na puno. May mga puno naman na tinutubuan ng sanga ng ibang halaman marahil sa buto na dumapo doon dala ng mga ibon o ibang hayop.

Kung pumunta ka sa mga sapa sa gabi o madaling araw, makikita mo ang mga piyo – isang uri ng hayop na kapamilya ng mga alimango pero mas maliliit. Ang mga hipon o ulang naman sa mga ilog ay naglalakihan, at ang kanilang mga itsura ay klase-klase din. Kung may klase-klaseng insekto, siyempre meron ding iba’t ibang klase ng uod. May mga mabubuhok na uod (til-as o higad) na may kung ano-anong kulay, haba ng buhok, bilis ng galaw, at laki.

Namimili rin sila ng mga dahon at halamang kakainin, kaya ang laksang-buhay sa halaman ay may malaking epekto sa pagkawala o pananatili ng mga paru-paro at iba pang insekto. Makikita rin na patalon-talon sa mga matataas na tuwing madaling araw ang mga kagwang o flying lemurs. Maririnig sa gabi ang ingay o huni ng mga mago (owl). Pagsapit ng gabi, magsisimula nang maliliparan ang mga alitaptap papunta sa mga dahon ng mga matatayog na puno. Maging ang mga punong tuog na umaabot sa taas na lampas 20 metro ay pinupuntahan din ng mga alitaptap na umaaligid sa mga dahon nito na para bang may binabantayang kung anong bagay – isang paksa na magandang talakayin ngunit malayo na sa kasalukuyang paksa.

Sa aking pagkakaalala sa kasaysayan ng isla ng Mindanao, ang islang ito ay magkakadikit sa isla ng Leyte – mga ilang sampung libong taon na ang nakararaan. Kaya naman ang dalawang magkakahiwalay na islang ito ay may magkakatulad na laksang-buhay, maliban na lang sa iilang pagkakaiba na malamang sumibol pagkatapos nilang paghiwalayin ng karagatan.

Nakakalungkot na ang lumang kagubatan sa buong bansa ay lalo pang pinapakipot ng walang habas na pagputol ng mga matatayog na puno na likas sa ating kagubatan. Ang mga kagubatang Dipterocarps dito sa isla ng Mindanao ay isa sa mga natitirang pinagkukunan ng mga matitibay na kahoy tulad ng Narra, Lauan, Bagtikan, Bagras (Update: hindi pala ito Dipterocarp), at iba pang kapamilya nito. Dahil sa pagkakatulad ng Leyte at Mindanao sa laksang-buhay, maaari nating pagkukunan ng aral at pamamaraan ang proyektong Rainforestation Program na ilan taon nang sinimulan sa Leyte para sa pagpapabalik ng makakapal na kagubatan dito sa Mindanao lalo na doon sa mga dinaanan ng Bagyong Pablo tulad ng mga kabundukan ng Davao Oriental at Compostela Valley.

Maging ang natitirang maliliit o bonsai na mga puno sa Bundok Hamiguitan ay nanganganib na rin na mabura sa mga kabundukang ito. Ayon pa sa kwento ng isang dating mountaineer na nakaakyat na sa bundok na ito at ngayon ay kasama ko rito sa Mati City Provincial Jail, para ka raw higante doon sa bundok dahil napapaligiran ka ng mga punong Narra at iba pang matatayog na puno na kasingtangkad lang ng tuhod mo.

At pag nawala ang mga puno’y siya ring pagkawala ng maraming hayop at halaman na siyang bumubuo sa napakayamang laksang-buhay dito sa ating mundo. Hihintayin lang ba natin na dumating ang panahon kung kailan ang mga alitaptap ay bahagi na lamang ng ating alamat at hindi na kailanman masilayan ng ating mga anak, apo, at sumusunod pa na henerasyon? Siyempre, dapat nating palaganapin ang kaalaman tungkol dito. Dapat nating tutulan ang mga mapanirang proyektong large-scale logging at large-scale mining. Dapat paunlarin natin ang mga alternatibong pagkukunan ng kabuhayan ng mga kababayan nating umaasa sa mga proyektong ito.

Bagamat naghihingalo na ang mga kagubatan, hindi pa huli ang lahat.

Link

Tuesday, June 18, 2013

May silbi ba ang mga numero?

Marami sa Pilipino ang takot sa matematika, takot sa numero, takot sa kalkulasyon. Pero may silbi nga ba ang mga bilang? Ang sagot dito ay isang malaking "OO", ngunit hindi natin ito sasagutin sa antas kumprehensibo. Tingnan lang muna natin ang isang sanga ng matematika na tinatawag sa Ingles na number theory o ang pag-aaral sa mga integer o buong bilang tulad ng isa, dalawa, tatlo, apat, at iba pa. Ang numero na 0.5, 1.2, 42.9, at 128.50 ay halimbawa ng mga bilang na hindi buo.

Photo source here
Sa ilalim ng number theory, pinag-aaralan ng matematiko ang iba't ibang katangian ng mga integers, kung paano sila nagsasama-sama sa pamamagitan ng apat na pangunahing proseso: pagdadagdag, pagbabawas, pagpapadami, at paghahati. Halimbawa, sinasagot nito ang tanong kung sa ilang paraan ba mahahati ang isang bilang, tanong na nagdadala sa mga matematiko sa konsepto ng prime numberso mga bilang na hindi na pwedeng hatiin pa tulad ng 2, 3, 5 at 7. Ang numerong 21 ay hindi prime dahil maaari pa itong hatiin sa 7 (kung saan magbibigay ito ng 3) o 3 (kung saan 7 naman ang ibibigay nito) – ang 7 at 3 ay parehong prime number. Samantala, ang numerong 43 ay matatawag na prime dahil walang ibang paraan ng paghati nito na magbibigay ng isa pang buong bilang. Sa bilang na 21, ang 7 at 3 ay tinatawag na mga divisor nito. Ang dalawang bilang na 7 at 3 ay may product na 7*3 = 21 kaya itong dalawa lang talaga ang divisor ng 21, wala ng iba. Kung hindi nahahati ng isang bilang ang mas malaking bilang, may kaakibat na remainder ang paghahati; halimbawa, kung hahatiin ang 43 sa 5, ito ay magbibigay ng remainder na 3.

Heto ang isang hamon sa mga mambabasa: ang numerong 2013 ba ay prime number? Kung hindi, anu-ano ang mga divisor nito?

Ngunit ano nga ba ang silbi ng mga pag-aaral na ito? Isang biro tungkol sa mga matematiko ay wag na wag mo silang tanungin kung ano ang aplikasyon o gamit ng kanilang ginagawa tulad ng hindi mo pwedeng tanungin ang isang babae kung ano ang kanyang edad. Pero ang birong ito ay mukhang hindi matatawag na isang biro pagdating sa mga number theorists o mga matematiko na ang espesyalisasyon ay number theory; sa mahabang panahon ay hindi kinakitaan ng gamit ang pag-aaral ng number theory maliban sa nagbibigay ito ng kasiyahan sa mga nag-aaral nito, na para bang ang pag-aaral nito ay isa lamang katuwaan o hobby lamang.

Ang number theory ay hindi masyadong binigyan ng pansin ng mga kapitalista hanggang sa naimbento ang modernong computers at ang pangangailangan ng pribado o sekretong mga komunikasyon. Andyan ang email, text message, pag-uusap sa telepono at iba pang mga palitan ng mensahe na kailangang pribado. Ang number theory ay may napakahalagang papel ngayon sa pagseseguro na ang mga long-distance o malalayong komunikasyon ay nakatago o pribado. Nagkaroon ng malaking papel ang number theory sa larangang kriptograpiya o ang agham ng pagtatago ng mga mensahe.

Hindi na natin palalalimin pa dito ang pagtalakay sa kriptograpiya dahil isa itong mahabang usapin. Titingnan lang natin ang isang sistema ng kriptograpiya na kung tawagin ay public-key cryptography sa pamamagitan ng isang pinasimpleng halimbawa. Sa cryptography, ang mensahe ay kailangan munang dumaan sa prosesong encryption bago ito lumipat mula sa sender (nagpadala) patungo sa receiver (pinadalhan). Ang sender ay gumagamit ng isang sistema ng pagbago o pag-encrypt ng orihinal na mensahe. Ang sistemang ito ay kailangang malaman ng receiver para makuha o ma-decrypt niya ang naka-encrypt na mensahe. Sa ngayon, ang sistemang ito ay naka-program na sa isang computer at ang password o susi na lang ang kailangang alamin ng sender at receiver.

Sa public-key cryptography, magkaiba ang password na ginagamit sa pag-encrypt (ang public key) sa password na ginagamit sa pag-decrypt (ang private key). Sa ganitong paraan, hindi kailangang malaman ng sender ang pribadong susi ng receiver at ang receiver lang ang nakakaalam nito para siya lang din ang makakakuha ng mensahe. Ang pampublikong susi naman ay, tulad ng katawagan nito, pampubliko; inaanunsyo ito ng receiver upang mapadalhan siya ng kahit sinuman ng mga encrypted na mensahe na siya lamang ang kayang magbukas. Sa ganitong paraan, hindi na kailangang mag-usap ang dalawang tao para itakda ang paraan at password ng pag-encrypt; kailangan lang nilang ipaalam ang kani-kanilang pampublikong susi. Ang dalawang susi ay magkaugnay sa isang espesyal na paraan ng sa ganoon ay walang magkaparehong pares ng public at private keys. Noong kalagitnaan ng dekada syetenta, may nadiskubre ang mga number theorists na katangian ng mga numero na magseseguro na napakahirap o imposibleng makuha ang pribadong susi mula sa pampublikong susi. Magbigay tayo ng isang pinasimpleng halimbawa ng RSA Algorithm na isang kilalang halimbawa ng public-key cryptography.

Para makabuo ng isang pares ng susi, pumili ng dalawang prime numbers, sabihin nating 11 at 43. Kompyutin ang bilang na A = 11*43 at B = (11-1)*(43-1); ang mga ito ay 473 at 420. Pumili ng isang bilang C na mas mababa sa B ngunit walang kaparehong divisor nito. Makikita na ang mga divisor ng 420 ay 2, 3, 5, 7, at mga product nila. Kaya piliin natin ang bilang na 13*17 = 221; mas mababa ito sa 420 at wala itong kaparehong divisor. Kumpleto na ang kailangang impormasyon para sa isang public-key encryption. Ang pampublikong susi ay ang dalawang bilang na A at C; sa halimbawang nabanggit, ito ang 473 at 221. Ang pribadong susi ay hahanapin pa at pinapaliwanag sa baba.

Para ma-encrypt ang mensahe, kailangan itong gawing mga numero na mas mababa sa A. Halimbawa, kung ang mensahe ay DAGDAG, maaari itong ipadala bilang anim na numero na (404,401,407,404,401,407) na parehong mas mababa sa 473. Ang encrypted na mensahe ay kokompyutin ng ganito, sa bawat numerong D ng mensahe: 1) kunin ang product ng D sa sarili nito ng C na beses; ito ay ang D*D*···*D (C na ulit). 2) kunin ang remainder kapag hinati ang product na ito sa A. Sa halimbawa, magkapareho ang magkasunod na numero sa mensahe kaya isang komputasyon lang ang kailangan. Ang product ng 404 sa sarili nito ng 221 na beses ay isang napakalaking bilang ngunit ang kailangan lang natin sa huli ay ang remainder ng napakalaking bilang na ito kapag ito ay hinati ng 473. Ang remainder ay 239. Para sa 401 at 407, ang remainder ay 225 at 319 sa parehong pagkakasunod; kaya ang ipapadalang mensahe ay ang anim na numerong (239, 225, 319, 239, 225, 319). Ito ay pinasimpleng halimbawa lamang at madali itong mahulaan dahil na rin sa mababang prime numbers na pinili natin, ang 11 at 43. Maliban sa pagpili ng napakalaking prime numbers, marami pang mga paraan ang napaunlad sa kriptograpiya para maiwasan ang ganitong mga kahinaan, ngunit hindi na natin ito tatalakayin dito.

Para makuha natin ang nakatagong mensahe, kailangan nating gamitin ang pribadong susi na makukuha sa sumusunod na paraan. Hanapin ang nag-iisang (unique) bilang na X na mas mababa sa B kung saan ang product nito sa C ay may kaakibat na remainder na 1 kung hahatiin sa B. Ang bilang na X ay 401 dahil ang product nito sa 221 na 221*401 = 88,621 ay may remainder na 1 kung hahatiin sa 420.

Kunin ang orihinal na mensahe ng ganito: kunin ang product ng bawat numero ng mensahe sa sarili nito ng X na beses at pagkatapos ay kunin ang remainder kapag hinati ito sa A. Ang 239*239*···*239 (401 na ulit) ay napakalaking bilang ngunit may madaling paraan para makuha ang remainder kapag hinati ang napakalaking bilang na ito sa 473. Ganun din sa 225 at 319. Syempre, ang remainder ay 404, 401, at 407 na nagbibigay ng mensahe na DAGDAG. Inaanyayahan ang mambabasa na gawin ang mga kalkulasyong nabanggit.

Ang kriptograpiya ay isang napakahalagang agham na binubuhosan ng napakalaking pondo ng malalaking kompanya ng panggyera o ang tinatawag na military-industrial complex. Ginagamit nila ito sa paniniktik tulad na lang ng isinawalat ni Edward Snowden na programa ng National Security Agency sa Estados Unidos, ang PRISM, kung saan binubuksan at binabasa nito ang lahat ng mga mensahe ng kahit sinong user ng malalaking kumpanya tulad ng Facebook, Google, Microsoft, atbp. Ang pagpapaunlad ng kriptograpiya ay dapat bigyan din ng sapat na suporta ng lahat ng gobyernong nais protektahan ang interes ng kanilang mamamayan lalo na sa pagpapanatili ng kanilang kalayaang-sibil.

Link

Saturday, June 01, 2013

Passé na nga ba ang national industrialization?

Kamakailan, isang opisyal ng gobyerno ang nagsabi na passé na raw ang “national industrialization.” Sabi ni Edwin Lacierda, opisyal na tagapagsalita ni Pangulong Aquino, na ang salitang “national industrialization” ay bahagi raw ng jargon noong 1960s at hindi na raw ito applicable sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa. Sa pagkabasa ko sa balitang ito, andami kong tanong na naiisip. Mukhang andami palang alam itong si Mr. Lacierda na hindi ko nalalaman. Kaya heto ang mga tanong na nais ko sanang sagutin ni Mr. Lacierda.

A Philosopher Lecturing on the Orrery (ca. 1766). Informal philosophical societies spread scientific advances. Photo: Wikipedia
Mr. Lacierda, passé na po pala ang national industrialization? Nasaan na po ang pagawaan natin ng hydrochloric acid, sodium hydroxide, sulfuric acid, at iba pang mahahalagang kemikal pang-industriya? Kasi kailangan po talaga natin ng mga kemikal na ito para sa maraming prosesong pang-industriya. Siguro po’y alam n’yo naman na ang hydrochloric acid o HCl, na mas kilala bilang muriatic acid, ay ginagamit na panlinis ng kubeta. Pero maliitang gamit lang po iyan ng HCl. Ginagamit din po ang HCl bilang pantanggal ng dumi o kalawang sa bakal bago ito dumaan sa iba pang prosesong dapat nitong daanan para ito ay mas tumibay. Mahalaga rin ang HCl sa paggawa ng iba’t ibang klase ng organic at inorganic compounds na ginagamit sa paggawa ng samu’t saring mga bagay na ginagamit natin sa pang-araw-araw na buhay.

‘Yung sodium hydroxide o NaOH po ay alam n’yo naman siguro na mahalaga sa pagawa ng sabon na ginagamit sa napakadaming aspekto ng buhay ng mga Pilipino. Yung sulfuric acid o H2SO4 naman ay sentral na kemikal sa mga baterya ng mga kotse maliban pa sa iba pang gamit nito.

Andami pa pong industrial chemicals na kailangan nating magkaroon ng pagawaan. Kayang-kaya po nating gumawa ng mga kemikal na ito mula sa likas-yaman na makikita sa ating sariling bansa, ngunit bakit po tayo nakaasa na lang palagi sa pagbili nito sa ibang bansa? Ang ibig n’yo po bang sabihin na passé na ang national industrialization ay gusto n’yo lang na umaasa tayo palagi sa ibang bansa? Ayaw n’yo po bang maging self-reliant tayo?

Kung paano po ginagawa ang mga kemikal na ito at kung anu-ano pang mga kemikal ang kailangan ng isang maunlad na bansa, tanungin n’yo lang po ang napakaraming chemical engineering graduates natin na walang angkop na trabahong naghihintay sa kanila dito sa bansa natin dahil po hanggang ngayon ay hindi pa rin nangyayari ang national industrialization na pinapanawagan na ng makabayang mga Pilipino noon pa mang 1960s.

Kung passé na po ang national industrialization, bakit po andaming mga siyentista at inhinyero sa ating bansa ang walang mahanap na trabaho sa ating bansa? Bakit hindi na lang po tayo magtayo ng sarili nating mga pabrika ng mga mahahalagang produkto na ginagamit natin mula sa hilaw na materyales na nasa ating bansa rin makikita? Hindi po ba mas madaming malilikhang trabaho kung magtatayo tayo mismo ng pabrika imbes na bumili na lang ng finished products sa ibang bansa? Bakit po ninyo mas gusto palabasin ng bansa ang ating mga kababayan para maghanap ng trabaho sa ibang bansa? Di po ba mas maganda kung dito sila nagtatrabaho para hindi sila malayo sa mga pamilya nila?

Nasaan na rin po ang pagawaan natin ng bakal? Alam n’yo naman po kung gaano kahalaga ang bakal sa isang industriyalisadong bansa. Kung walang mga bakal, wala pong mga matatayog na gusali. Maliban pa d’yan, bakal din po ang ginagamit sa mga makina at motor. Nasaan na po ang pagawaan natin ng mga makina at motor? Pati po mga kalabaw natin nagtataka rin siguro sa sinabi po ninyo kasi antagal na po nilang naghihintay ng mga traktorang gawa sa bakal para makapagpahinga na po sila. Kung may industriyalisasyon na po sa ating bansa, bakit po natin binebenta ang mga iron ore natin sa ibang bansa imbes na iproseso natin para tayo ang makinabang?

Siguro po alam ninyo na ang Pilipinas ang pang-apat sa mga bansang may pinakamaraming reserbang copper sa ilalim ng lupa. Bakit po natin binebenta ng mura ang ating copper ores sa ibang bansa imbes na tayo na ang mag-purify nito at gawin itong mga produktong tayo din ang gagamit? Nasaan na po ang pagawaan natin ng copper wires para sana madaluyan ng kuryente papunta po sa pinakasulok na barangay? Pati po mga kababayan nating katutubo at ibang nakatira sa kanayunan ay nagtataka din sa sinabi ninyo samantalang wala pa ring kuryente sa kanilang mga lugar.

At bakit ang mura po ng benta natin ng ating mga yamang-mineral kapalit ng pagkakalbo ng ating mga kagubatan, pagkaubos ng ating kabundukan, at pagkawasak ng ating kapaligiran? Ang ibig sabihin n’yo po ba ng pagsabing passé na ang national industrialization ay hayaan lang nating ang mga dayuhan at malalaking negosyante lang ang nakikinabang sa ating likas-yaman at tayo ang magdudusa sa pagkasira ng ating kalikasan dulot ng kanilang paghigop nito?

Mr. Lacierda, kung passé na po ang national industrialization, ano po ba ang makabagong solusyon ninyo sa lumalalang krisis pang-ekonomiya sa ating bansa?

Link

Tuesday, April 16, 2013

Totoo ba ang climate change?

Madalas nating maririnig o mababasa ngayon sa TV, radyo at dyaryo ang terminong climate change. Pero ano nga ba ito? Hindi ba’t palagi namang nagbabago ang panahon? Eh ano ang kaibahan ng climate change sa likas na pagbabago ng panahon? Ito ang ilan sa mga katanungan na madalas maririnig sa mga debate tungkol sa climate change—mga pundamental na tanong na mas pinapatampok pa lalo ng mga skeptiko o mga taong hindi naniniwala sa climate change.

Pagkatapos ng Bagyong Pablo, Disyembre 2012
Photo: MindaNews
May dalawang uri ng pagbabago sa pisikal na mundo: dynamical na pagbabago at structural na pagbabago. Subukan nating unawain ang dalawang uri ng pagbabagong ito sa pamamagitan ng ilang metaporikal na pagpapaliwanag gamit ang ilang simpleng bagay na nakikita natin sa paligid. Ang pag-aaral ng liknayan (Physics sa wikang Ingles) ay sumusunod sa ganitong pamamaraan—ang paggamit ng mga metapora—para maintindihan at maipaliwanag ang pisikal na mga bagay.

Gamitin nating halimbawa ang kumukulong mantika sa isang patag na kalan. Kung manipis lang ang mantika at katamtaman lang ang apoy, mapapansin na may regular na mga hugis ang kumukulong mantika. Ang mga regular na hugis na ito ay parang mga maliliit na buhawi* ng mantika. Ang pagbabago na nararanasan ng mantika mula sa malamig na sitwasyon hanggang sa kumukulong porma nito ay isang uri ng dynamical na pagbabago.

Habang kumukulo ang mantika, umiikot at bumibiyahe sa iba’t ibang posisyon sa loob ng mantika ang molecules nito. Sa madaling salita, nagbabago ang posisyon (pati na rin ang bilis ng pagtakbo) ng molecules. Dynamical ang pagbabagong ito dahil wala naman tayong binabago sa kabuuang sitwasyon: Nananatiling katamtaman ang apoy at hindi natin dinadagdagan o binabawasan ang mantika (napapanitili natin ang nipis ng mantika). Ang lakas ng apoy at dami ng mantika ay tinatawag na parameters.

Kung lalakasan natin ang apoy o bubuhusan ang kalan ng dagdag na mantika, magbabago rin ang takbo ng molecules at maaaring magbago din maging ang hugis ng mga buhawi (bagama’t maaaring regular pa rin ito). Ang pagbabago na ito’y isang halimbawa ng istruktural na pagbabago. Ang istruktural na pagbabago ay dala ng pagbabago ng parameters ng isang sistema. Sa sistema ng pinapakuluang mantika, ang pagbago ng parameters ay nagpabago ng hugis ng mga buhawi maliban pa sa ibang mga pagbabago sa sitwasyon.

Kung lalakasan pa natin lalo ang apoy, may iba pang mga istruktural na pagbabago ang ating mapapansin. Kung sobrang malakas ang apoy, maaaring masusunog ang mantika at mapapansin ang pagbabago ng kulay at amoy nito, ilan sa mga istruktural na pagbabagong nangyari sa kumukulong mantika. Sa kabilang banda, kung papanatilihin naman ang lakas ng apoy ngunit babaguhin ang lalim ng mantika sa pamamagitan ng pagbuhos sa kalan ng napakaraming mantika, posibleng mawawala na ang regular na mga hugis at magiging paiba-iba ang laki at hugis ng mga buhawi.

Gumagalaw ang sangkahanginan (atmosphere) ng ating mundo, dala na rin ng pag-init ng mga kontinente at mga karagatan. Ang sikat ng araw na napipigilang makalabas sa ating mundo ng mga gas sa hangin na tinatawag na greenhouse gases (GHG) ay lalong nakakadagdag sa pag-init ng mundo. Ang napakaraming binubuga na GHG ng industriyalisadong mga bansa ang siyang dahilan ng mabilis na pagkonsentra ng GHG sa sangkahanginan nitong nakaraang siglo. Ang pagbabago na ito ng ating klima ay isang istruktural na pagbabago at ang tinutukoy na pinakadahilan ng istruktural na pagbabagong ito ay ang napakadaming GHG na dinagdag sa ating sangkahanginan—ang climate change ay isang istruktural na pagbabago at ang dami ng GHG sa sangkahanginan ay ang pangunahing parameters dito.

Dahil dito, mas maraming sikat ng araw ang nananatili sa ating mundo, imbes na makalabas mula dito papunta sa kalawakan. Nagresulta ito sa mas mabilis na pag-init ng ating mundo at nagpabago sa galaw ng hangin: mas malakas at mas madalas na bagyo at pag-ulan ang nararanasan at patuloy pang mararanasan ng mga bansang nasa paligid ng malalaking karagatan—Pasipiko, Atlantiko, at Indian.

Sino ngayon ang may pananagutan sa mga kalamidad na dala ng climate change? Malinaw na ang malalaking industriyalisadong bansa tulad ng Estados Unidos, European Union, at Hapon na siyang may pinakamaraming idinagdag na GHG sa sangkahanginan ng mundo ang may malaking pananagutan sa climate change. Halos walang naidagdag dito ang Pilipinas, 0.3% lamang, ngunit tulad ng iba pang mahihirap na bansa’y nakakaranas ng malawakang pagkasira ng buhay, kabuhayan, at tirahan dulot ng mga kalamidad na kaakibat ng climate change. Isa ang Pilipinas sa mga nangungunang sampung bansa na pinaka-apektado ng climate change. Kaya naman lumalakas ang panawagan ng mahihirap na mga bansa na magbayad ang mayayamang mga bansa.

Hanggang ngayon, gumagawa ang mayayamang bansa ng kung anu-anong taktika para lang matakasan ang kanilang pananagutan. Ang mga taunang negosasyon ng mga bansa para magtalaga ng pondo para sa mitigasyon (pagbawas sa masamang epekto), adaptasyon (pag-angkop sa mga pagbabago), at pagbangon mula sa mga kalamidad tulad ng bagyo, landslide, at baha, ay paulit-ulit na nauuwi sa wala. Paulit-ulit itong pinapaasa ang mahihirap na mga bansa sa pangako ng mga mayayamang bansa.

Patuloy na bumubuga ng GHG ang mayayamang bansa na siyang lalong nagpainit sa ating mundo. Patuloy din nating pagkaisahin ang buong bayan, hindi lamang para makaangkop sa mga kalamidad na dulot ng climate change, kundi para mapalakas ang ating boses sa pandaigdigang pangangalampag at paniningil. Kasama natin sa paniningil na ito ang naghihirap na mga mamamayan ng iba pang mahihirap na bansa at progresibong mga mamamayan ng mga mayayamang bansa. Bilang isang istruktural na pagbabago, nangangailangan din ng istruktural na pagbabago sa lipunan ng buong daigdig ang climate change. At isa sa susing parameters dito ay yung kontrol ng mga mamamayan sa pagpapatakbo ng mga industriya.

*Ang mga maliliit na buhawi na may regular na hugis na nabanggit sa itaas ay tinatawag ng mga siyentista na Bénard convection cells. Panoorin ang isang bidyo ng kaparehang pangyayari dito: ow.ly/jHmsM

Link

Wednesday, March 27, 2013

Bakit pinag-initan si Galileo ng Simbahang Katoliko

Marami ang nakakakilala sa pangalang Galileo Galilei, isang pilosopo na binabansagang “ama ng makabagong siyensiya.”

Image: Wikipedia
Nag-aral siya ng mga batas ng paggalaw ng mga pisikal na bagay. Itinuturing si Galileo bilang pangunahin sa “higanteng mga tinutuntungan” ng isang kilalang siyentista na si Isaac Newton. Naging bantog siya sa kanyang mga paliwanag kung paano gumagalaw ang pisikal na mga bagay at iba pang mga katangian nito. Kasama na rito ’yung teorya ng pag-inog ng mga planeta at iba pang bagay sa kalangitan – bagay na kinagalit ng mga pari sa Vatican at humantong sa pagkakulong niya sa isang bahay sa Siena (house arrest) ng limang buwan.

Inilathala noong 1632 ang aklat ni Galileo na “Dialogue Concerning The Two Chief World Systems”. Sa aklat na ito, kinumpara niya ang dalawang teorya hinggil sa pag-ikot ng mga planeta: ang magkaibang teorya ni Ptolemy at Copernicus. Ang teorya ni Ptolemy, na galing pa sa mga teorya ng mas naunang pilosopo na si Aristotle, ay niyakap at binitbit ng Simbahang Katoliko sa Vatican nang mahigit isang milenya. Sa teoryang ito, nasa sentro ng lahat ng mga bagay sa Daigdig (universe) ang Mundo (earth); paikot sa mundo ang galaw ng mga bituin, ang buwan, at ang araw. Ginamit ito ng Vatican para bigyang-diin ang pagiging espesyal ng tao sa mata ng Diyos.

Taong 1543 nang inilabas ni Mikolaj Kopernik (o Nicolaus Copernicus sa wikang Ingles) ang kanyang teorya tungkol sa paggalaw ng mga bagay sa kalangitan (heavenly bodies). Ayon sa teorya niya, Araw at hindi ang Mundo, ang sentro ng lahat ng mga bagay sa kalangitan kasama na ng Mundo mismo. Pinaliwanag niya, ang paggalaw ng Araw na nakikita natin sa ating mundo bilang epekto ng pag-ikot ng Mundo sa axis nito, habang nananatili ang araw sa kanyang lokasyon. Taliwas ito sa itinuturo ng teorya ni Ptolemy, na siya ding itinuturo ng Simbahang Katoliko sa panahong iyon. Sa aklat ni Galileo, pinaboran niya ang teorya ni Copernicus, bagay na kinagalit ng Simbahan.

Inimbestigahan si Galileo at sinampahan siya ng kaso sa Korte ng Simbahan (Inquisition). Hinatulan siya ng pagkabilanggo at inutusang bawiin ang kanyang mga sinulat at itakwil ang mga ideyang maka-Copernicus. Anim sa sampung huwes ang pumirma sa naturang hatol. Sa isang pormal na seremonya sa simbahang Santa Maria sopra Minerva, inanunsiyo ni Galileo ang kanyang pagtanggap ng kamalian at ang pagtakwil sa mga ideyang maka-Copernicus. Pagkatapos ng seremonya ay ikinulong siya sa isang bahay sa Sienna. Dito niya sinimulang isulat ang kanyang huling aklat.

Pinagbawalan si Galileo ng Roman Inquisition na ilathala ang alinman sa kanyang mga aklat dahil nagpapalaganap ito ng mga ideyang taliwas sa tinuturo ng Vatican sa mga panahong iyon. Nang bumisita ang isang mayamang Olandes na si Louis Elzevir sa Italya noong 1636, nagkaroon ng pagkakataon si Galileo na ipuslit ang kanyang aklat para mailathala at maisapubliko.

Noong 1638, inilabas ng palimbagan ni Elzevir sa Olanda, isang bansang malayo sa impluwensya ng Roma, ang aklat ni Galileo na Dialogue Concerning Two New Sciences. Dito ipinaliwanag ni Galileo ang kanyang mga teorya tungkol sa pisikal na mga bagay at ang kanilang paggalaw. Katulad ng estilo sa naunang aklat, hindi niya diretsahang isinalaysay ang kanyang mga teoryang kundi sa pamamagitan ng pag-uusap ng tatlong taong may kinakatawang kaisipan at personalidad. Ating kilalanin ang tatlong taong ito.

Si Salviati ang nagdadala ng kaisipang Copernicus at bitbit din niya ang mga teorya ni Galileo mismo. Si Sagredo nama’y karaniwang tao na inosente sa mga bagay-bagay na pinag-uusapan sa Dialogue. Pero may angking talino siya para mabilis na maunawaan ang mga paliwanag ni Salviati. Sa dulo ng bawat pag-uusap sa loob ng apat na araw, naliliwanagan si Sagredo tungkol sa paksang pinag-uusapan at humahantong sa pagpanig niya kay Salviati.

Ang pangatlong kasali sa pag-uusap ay si Simplicio na siyang nagbibitbit ng kaisipang Ptolemy at Aristotle, mga kaisipang niyayakap din ng Simbahang Katoliko sa panahong iyon. Sa madaling salita, si Simplicio ang kumakatawan sa Simbahan. Magkasalungat ang mga ideya ni Simplicio at Salviati, samantalang si Sagredo naman ay pilit inuunawa ang paliwanag ng dalawa. Silang tatlo ang mga karakter sa dalawang aklat ni Galileo at ang kanilang pag-uusap ay umiikot sa mga bagay na nais bigyang pansin ni Galileo.

Malaki ang naging ambag ni Galileo sa pag-unlad ng siyensiya at ng mga lipunan sa Europa at sa buong mundo. Marami sa kanyang mga ideya’y napatunayang tama at naging tuntungan ni Isaac Newton at iba pang mga siyentista sa mga sumunod pang mga siglo para paunlarin pag-unawa natin sa paligid at daigdig.

Noong 1983, tatlo’t kalahating siglo matapos ang pagkakulong kay Galileo, opisyal na ipinahayag ng Simbahang Katoliko sa Vatican na maaaring tama ang mga teorya ni Galileo.

Link

Sunday, March 24, 2013

Paano ba pumunta sa Civil Service Commission sa Quezon City?


Image: Panoramio
Madali lang. Sumakay lang ng jeep na dumadaan ng Sandigan (pinaikli ng Sandigang Bayan). Yung mga jeep na papuntang Fairview o Litex ay dumadaan ng Sandigan. Dumadaan din sila sa Philcoa malapit sa UP-Diliman. Bumaba ng Sandigan at hanapin ang terminal ng trayk (pinaikli ng tricycle) papuntang Batasan. Sumakay ng trayk at sabihing ibaba sa Civil Service. Mga isa't kalahating kilometro ang layo nito.

Link

Sunday, March 10, 2013

Bakit kailangan nating matulog?

Naranasan n’yo na bang matambakan ng mga gawain na hindi kayang tapusin sa loob ng isang araw kaya nilalabanan n’yo ang antok? Bakit nga ba tayo dinadalaw ng antok araw-araw? Kung hindi na kailangang matulog ang tao, di ba mas maganda sana yun para mas madami tayong magawa sa loob ng isang araw? Bakit ba kailangan nating matulog araw-araw? Ito ang mga katanungan na nais nating bigyan ng kaliwanagan sa artikulong ito.

Ang pagtulog ng tao at ng karamihan ng mga hayop ay sumusunod sa paglubog at pagsikat ng araw. Ang pagtulog ay kadalasang ginagawa sa gabi at may ilang teorya kung bakit sa gabi tayo natutulog. Noong sinaunang mga panahon, bentahe ang pagtulog daw sa gabi tuwing kailangang umiwas ang ating mga ninuno sa mababangis na hayop. Yung mga natutulog sa araw ay unti-unting mauubos dahil makakain ng mga predator. Mas madali ring maghanap ng pagkain sa araw kaya bentahe rin kung ipreserba na lang ang lakas sa gabi sa pamamagitan ng pagtulog.

May maraming klase ng tulog base sa haba at lalim nito at kung anong oras ito nangyayari. Ang pinakamahabang tulog ay kadalasang nangyayari sa gabi para sa karamihan ng tao. May mga maiikli namang tulog na tinatawag na “nap” o idlip. Nitong nakaraang ilang taon, may isa pang uri ng tulog na natuklasan. Ito’y tinatawag na “microsleep” na mga ilang segundo lang ang haba, at ito ay kadalasang nangyayari sa mga sobrang puyat o pagod o sa mga taong may kakaibang sakit na narcolepsy.

Nagbabago ang mga uri ng tulog ayon sa edad. Mas mahaba ang tulog ng mga sanggol kung susumahin sa loob ng isang araw kaysa sa tulog ng mas nakakatanda. Ngunit ilang beses itong napuputol sa loob ng isang araw. Alam ito ng mga nanay na kailangang gumising sa kalagitnaan ng gabi para padedehin ang mga batang nagigising. Habang tumatanda, nagiging mas buo ang pagtulog at mas maikli ang kabuuang tulog sa loob ng isang araw. Kadalasan ding nahahati sa dalawang episodes ang pagtulog sa loob ng isang araw: mahabang tulog sa gabi at maikling tulog o siyesta sa hapon.

Maliban sa haba ng tulog, nagbabago pati ang oras ng pagtulog o chronotype ayon sa edad. Ang mga bata’y maaga natutulog sa gabi at nagiging mas late ang pagtulog habang nagbibinata o nagdadalaga hanggang sa mga edad na 21 kung kailan dumadating ang rurok ng oras ng pagtutulog at mula dito ay nagiging mas maaga naman ang oras ng pagtulog habang tumatanda. Kaya naman karamihan ng mga lolo at lola natin’y maaga natutulog at sobrang aga ring nagigising dahil mas maikli ang tulog nila. Napag-alaman din ng mga siyentipiko sa pagtulog na ang haba at oras ng pagtulog sa gabi ay may pagkakaiba din sa iba’t ibang indibidwal at may genetic na dahilan ang pagkakaiba na ito.

Hindi pa rin ganoon kalinaw ang benepisyo ng tulog sa ating pangangatawan, bagama’t may pag-unawa sa positibong dulot nito sa kalusugan ng tao ayon na rin sa karanasan ng tao. Halimbawa, ang mga taong laging nagpupuyat ay mas madaling magkasakit. Indikasyon ito na may kinalaman ang tulog sa pagpapatibay ng ating immune systems. Mapapansin din ito sa mga taong may lagnat: antukin sila at mas mahaba ang tulog nila. Matagal na itong alam ng mga magulang natin ngunit kamakailan lang talaga nagkaroon ng mas masusing pag-aaral ng mga siyentista.

Ang pagkasira ng natural na skedyul ng pagtulog ay may naidudulot na pinsala sa kalusugan ng isang tao. Mapapansin ito sa mga taong night shift ang trabaho tulad ng mga panggabi sa pabrika, call center workers, nurses at iba pang hospital workers, flight attendants, at iba pang naghahanapbuhay sa gabi o madalas bumyahe ng malalayong time zones. Mas mataas ang tsansa na magkaroon ng breast cancer ang mga kababaihang nasa ganitong uri ng hanapbuhay. Mataas din ang incidence ng diabetes at obesity sa mga taong laging kulang sa tulog, bagama’t maraming pag-aaral pa ang kailangan sa larangang ito para matukoy ang kaugnayan ng nasabing sakit at pagtulog.

Marami-rami na rin tayong nauunawaan tungkol sa tulog dala na rin ng pag-unlad ng agham at teknolohiya kasabay ng pag-unlad ng lipunan. Pero marami pa ring tanong tungkol dito ang naghihintay ng siyentipikong kasagutan. Sa ngayon, ang payo ng mga eksperto sa pagtulog ay gawin itong prayoridad ang pagtulog sa araw-araw na gawain: ilagay sa planner kung anong oras matutulog.

Link

Friday, March 08, 2013

Isang pulgas na makikita sa Aurora bago lang nabigyan ng scientific name

Isang pulgas na makikita sa munisipyo ng Maria Aurora sa probinsya ng Aurora at malamang sa iba pang bahagi ng Pilipinas ay nakakuha ng pansin kamakailan sa mga mananaliksik mula sa Estados Unidos. Ito ay binigyan nila ng scientific name na Lentistivalius philippinensis na nabanggit sa nalathalang ulat sa peryodikong ZooKeys, isang pandaigdigang siyentipikong peryodiko na naglalathala ng mga peer-reviewed open-access na mga pananaliksik sa biodiversity.

Lentistivalius philippinensis sp. n. (P2316) 4 Overview, male holotype 5 Thorax 6 Head, pronotum, forecoxa 7 Abdominal tergites. (Scale: Fig. 4 = 100 µ; Figs 5–7 = 200µ).
Ang holotype nito ay nakaimbak sa Carnegie Museum of Natural History sa Pittsburgh, Pennsylvania, samantalang ang nakolektang male paratype naman ay nasa Brigham Young University flea collection, Monte L. Bean Life Science Museum sa Provo, Utah.

Ayon sa ulat, meron lamang pitong species ng genus na Lentistivalius ang narekord sa buong mundo kabilang na ang bagong rekord na species mula sa Aurora. Dagdag pa nila, ang mga species na ito ay primaryang makikita lamang bilang parasitiko sa mga rodent at shrew ng Southeast Asia, at isa dito ay parasitiko sa mga ibon.

Para sa karagdagang kaalaman, maaari lamang basahin ang nasabing ulat sa link sa baba. Sa wikang English ang ulat.

Reference

[1] Hastriter & Bush (2012), Description of Lentistivalius philippinensis, a new species of flea (Siphonaptera, Pygiosyllomorpha, Stivaliidae), and new records of Ascodipterinae (Streblidae) on bats and other small mammals from Luzon, The Philippines, ZooKeys 260: 17–30, doi: 10.3897/zookeys.260.3971

Link

Monday, February 25, 2013

Mayroon nga bang sinaunang kontinente na nakalibing sa Indian Ocean?

Sa isang bagong pag-aaral, may mga indikasyon na hindi malayong may isang maliit na kontinente na nagdudugtong sa Madagascar at India. Tinawag ito ng mga mananaliksik na Mauritia, kapangalan sa pulo-pulong bansa na Mauritius kung saan nanggaling ang mga buhangin na kanilang pinag-aralan.

Bagama't ang mga buhangin sa mga dalampasigan ng Mauritius ay kasingtagal lang ng isang pagputok ng bulkan mga siyam na milyong taon ang nakaraan, ito ay naglalaman ng mga materyal na mas matanda pa.

Sabi ni Propesor Trond Torsvik, ng University of Oslo, Norway: "We found zircons that we extracted from the beach sands, and these are something you typically find in a continental crust. They are very old in age." ("May nakita kaming mga zircons sa mga buhangin doon, at ang mga ito ay karaniwang makikita sa ibabaw ng mga kontinente. Napakatanda na ng mga ito.")

Ang edad ng mga zircon ay nasa 1,970 hanggang 600 milyong taon, at ang grupo ni Torsvik ay nagpalagay na ito ay mga tira-tira ng isang sinaunang lupain at dinala ng pagputok ng isang bulkan sa ibabaw ng pulo.

Para mabuo ang imbestigasyon sa mga natira sa nawalang rehiyon na ito, kailangang ipagpatuloy pa ang pananaliksik.

Paliwanag ni Prop. Torsvik: "We need seismic data which can image the structure... this would be the ultimate proof. Or you can drill deep, but that would cost a lot of money." ("Kailangan namin ng mga seismic data para mabuo ang imahe ng strukturang ito... magiging panghuling pruweba na ito. Or pwede mo ring gumawa ng malalim na paghuhukay, ngunit mangangailangan iyan ng napakalaking pera.")

Basahin ang buong balita (sa English).

Reference:
[1] Torsvik et al (2013), A Precambrian microcontinent in the Indian Ocean, Nature Geoscience doi:10.1038/ngeo1736 (basahin ang abstract)

Link

Sunday, February 24, 2013

Sundan ang aking mga malalalim at mabababaw na tiririt

Isang linggo na akong gumagamit ng Twitter. Yes, isang linggo pa lang. Sabi ng ilang mga kaibigan ko, ako lang daw ang lowtech na physicist. I'm sure marami pang iba. Yung mga theoretical physicists na walang ibang inaatupag kundi ang tuklasin ang kaibuturan ng universe, sigurado karamihan sa kanila ay wala ng time magtwit o magfacebook. Bagama't matagal ko ng binuksan itong Twitter account ko, nitong mga panahong ito lang talaga ako nakakita ng silbi nito. At si Rick ng CPU pa ang nakakumbinse sa akin.

Anyway, sundan nyo lang ang aking mga malalalim at mabababaw na mga tiririt dito.

Link

Saturday, February 23, 2013

Limang araw sa Copenhagen at karatig pook

Matagal ko na itong gustong isulat ngunit tulad ng iba pang mga sulatin ay hindi magawa-gawa. Kaya heto at ipopost ko na lang ang mga huling group photos. Lahat ng mga kasama ko sa pasyal na ito sa Copenhagen at iba pang karatig-pook ay mga Olandes. Marami akong natutunan tungkol sa kultura ng mga Olandes at sa marami pang mga bagay na nakita ko sa pasyal na ito.

Link

Thursday, January 10, 2013

Kailan nalaman ng tao na ang pagtatalik ay nakakabuo ng bata?


Galing dito ang larawan.
Noong nakikipagtalik ang mga unang tao sa mundo. Bagama't hindi pa matumbok ng mga antropolohista at ebolusyonaryong biolohista kung kelan eksakto ito, lahat ng mga ebidensyang nakalap ay nagpapahiwatig na naintindihan na ng tao na may relasyon ang pagtatalik at ang panganganak noong unang umusbong ang mas mataas na antas ng pag-iisip nito, sa pagitan ng pag-usbong ng tao mismo mga 200,000 taon ang nakaraan at ng pag-unlad ng kultura mga 50,000 taon ang nakaraan. Medyo manipis ang ebidensya sa kaalaman nating ito, ngunit isang plake mula sa arkeolohikal na lugar na Çatalhöyük ay tila nagpapakita na may pag-intindi na sa panahon pa lang ng Bagong Bato, dalawang imahen ng tao na nagyayakapan sa isang parte ng plake at imahen naman ng ina at sanggol sa kabilang parte. Mas matibay na konklusyon ang mahuhugot mula sa kaalaman na, bagama't ang mga paliwanag sa pagbubuntis ay nag-iiba sa iba't ibang grupo ng tao, lahat ay tanggap ang kaugnayan ng pagtatalik at mga sanggol.

Basahin ang buong balita (English).

Link