Siguro matinding emotion talaga ang nagtutulak sa mga writers para magsulat ng kwentong napakalungkot. Heto nga ako ngayon napilitang magsulat tungkol sa napanood kong episode ng Torchwood tungkol sa mga nawawalang kamag-anak. Medyo nakakahiyang aminin na kailangan pang makapanood ako ng katulad na palabas para magsulat tungkol sa isyung ito samantalang matagal ng nangyayari sa Pilipinas (at malamang sa ibang bansa rin) ang mga katulad na sitwasyon.
Sa palabas, ang dahilan ng pagkawala ay ang tinatawag na "rift" sa time and space continuum kung saan hinihigop ang isang tao papunta sa ibang panahon at/o lugar. Itong episode na ito ang pinakakakaiba sa lahat kasi walang alien o kakaibang nilalang na kalaban ang grupong Torchwood. Nagsimula ang kwento sa isang teenager na pauwi ng bahay at nagtetext sa nanay nya. Sa isang iglap, bigla na lang itong naglaho at hinigop ng napakaliwanag na ilaw. Sa dulo ng palabas, pinaliwanag na napunta ang batang ito sa napakalayong future kung saan natutunaw na ang earth dahil sa paglobo ng araw. Mga 40 years din syang nabuhay dun bago nangyari ang pagsabog ng araw at muli ay hinigop siya ng isang rift na nagbalik sa kanya sa original na panahon 7 months after siya nawala.
Pinakita din ang pangangailangan ng mga kamag-anak ng nawawala na magsama-sama para, siguro, mabawasan ang kalungkutan ng bawat isa. Tama itong ginagawa ng mga kamag-anak ng mga Desaparecido; magkaisa at magsama-sama para hanapin ang nawawala at lutasin ng ugat ng problema; bakit may mga pagdukot at pagpatay?
Ang kaibahan ng sitwasyon dito sa totoong nangyayari ngayon sa Pilipinas ay ang elemento ng galit. Sa palabas, walang galit na involved kasi wala namang kalaban na pinakita. Basta na lang hinigop ng "rift". Samantala, sa mga pagdukot na nagaganap sa Pilipinas, malaking galit maliban sa kalungkutan ang dala ng sitwasyon. Ang kalungkutan ay dala ng pagmamaliw ng naiwan sa nawawala. Ang galit ay sa kawalang kalaban-labang pagdukot ng mga armadong grupo na, ayon sa mga witnesses at ebidensya, ay mga tauhan o bayaran ng gobyerno.
Kaya siguro ako napilitang magsulat. Naramdaman ko na parang may kulang sa palabas. Walang mapagbalingan ng galit sa nangyaring pagkawala. Pero yun na nga, fiction lang ito so hindi talaga makatotohanan.
No comments:
Post a Comment