Wednesday, January 08, 2003

Tumungo sa kanayunan

Sinulat ng isang kaibigan.

January 8, 2003

Dilat na dilat ang aking mga mata na iniisa-isa ang mga gusali at tindahan sa City pagkababa namin mula sa bus matapos ang lampas sampung oras na biyahe. Madilim na nang umalis ang sinakyan naming jeep galing dito papunta sa lugar kung saan masasaksihan kinabukasan ang pagdiriwang ng anib. Halos dalawang oras din ang iniupo namin sa madilim na sasakyan na bumaybay ng sementadong daan. Madilim dahil maliban sa walang liwanag na nanggagaling sa labas (maliban sa pangilan-ngilang nadadaanang sasakyan at kabahayang maliliwanag) ay pinatay ang ilaw sa loob ng sasakyan para walang ibang makita mula sa labas ng humaharurot na sasakyan kundi anino lamang naming walong "bisita" at iba pang kasama na sumundo sa amin. Halos mga ilang kilometro pa lamang ang inilayo namin sa aming pinanggalingan nang mapansin ko ang nakakasilaw na liwanag na tumagos sa loob ng jeep at nanggaling sa isang tricycle na matagal-tagal ding hindi nawala sa aming buntot hanggang sa hindi na ito makahabol dahil na rin sa dami ng tricycle at jeep na aming nalampasan. Marahil ay napansin din ito ng iba pang sakay ng jeep dahil biglang naging tahimik ang dating malakas na kumustahan, biruan, kwentuhan, at minsan ay takutan ng mga kasama na matagal nang nagkikita-kita sa kalunsuran ngunit noon lang nagkasama sa isang aktibidad na ang seguridad ay mas pinag-iingatan.

Tumigil ang sasakyan, ikinarga ang maraming sako na mukhang ang laman ay bigas o arina, at sumabay ang ilang tao na magdadala ng mga mabibigat na bagong karga. Sa di kalayuan matapos baybayin ang minsan-maputik-minsan-sementadong daan ay ibinaba kami sa isang lugar na walang ibang liwanag kundi mula sa kislap ng mga bituin at walang ibang matatanaw gamit ang liwanag ng spot (flashlight) kundi damuhan, mga puno ng niyog, at isang masikip at maputik na daan. Gaano pa kaya kalayo ang lalakarin namin papunta sa site?

Matapos ang halos limang minutong lakaran ay may natanaw kaming maliit na bahay. Meron na palang ilaw dito. "Nakakakilos na pala sila malapit sa sentrong bayan?" tanong ko sa sarili. Mag-aalas-dose na nang tumuloy kami sa bahay na iyon at nag-briefing. Isang oras pa daw ang lalakarin papunta sa site sabi ng sundo pero pwede kaming doon muna sa bahay ng masa magpalipas ng gabi. "Sa inyo isang oras, sa amin baka dalawa" banggit ng isang bisita.

Sa lugar na ito ay aktibo nang lumalahok ang masa para isulong ang kanilang kagalingan. Ayon sa ulat na aming narinig ay lampas kalahati na raw ang nakukumpiskang lupain dito. Ang mga kumpiskadong lupain ay hindi ibinibigay sa mga walang lupang magsasaka para ariin kundi binubukas sa kanila para pagyamanin at kanilang mapagkunan ng ikabubuhay.

Nagpasya kami na dumiretso na para dun na matulog at makapagpahinga at halos lahat ay excited na ring makita ang lugar kaya tuloy ang maputik na biyahe. Mga isang daang metro na ang aming nalakad nang may napansin kami sa unahan na isang sasakyan, isang jeep. Pinatay kaagad namin lahat ng spot. Buti na lang at malapit kami sa mga matataas na damo. Hinintay naming makaalis ang jeep ngunit huminto ito at nag-park doon mismo sa tapat namin. (Yun pala ang jeep na sinakyan namin kanina at nanggaling na siya dun sa pupuntahan namin para ihatid ang suplay. Kung di na kami bumaba eh konti na lang sana ang maputik na daang lalakarin namin.) Tuloy lang ang lakaran pagkatapos pero binawasan na namin ang paggamit ng spot. Delikado daw.

Kung walang asong tumatahol dahil nakaamoy ng mga di-kilalang baho (o bango), yapak lang ng mga sapatos at sandal at kaluskos ng mga damit at mga dalang gamit ng mga naglalakad ang maririnig sa kapaligiran maliban sa palakas ng palakas na ugong ng isang motor. Nakisabay din sa wakas ang kalangitan. Biglang lumitaw ang kanina pa nagtatagong buwan at pinamalas ang nakakaakit nitong kagandahan na para bang maliwanag na bangkang lumulutang sa napakadilim na karagatan. Ang pagkislap naman ng mga bituin ay sinasabayan ng pagsayaw ng mga alitaptap at pagwagayway ng mga dahon ng mga puno. Sapat na ang liwanag ng buwan para maaninag namin ang isa't-isa at maiwasan namin ang mga matutubig na bahagi ng daan. Mula sa maputik na highway ay pumasok kami sa isang maliit na daan na bahagyang pababa. Nalakad kami ng mga ilang metro at pagkalampas namin sa isang maliit na ilog (di ko talaga nakita ngunit narinig ko ang agos nito) ay dinig na dinig na namin ang ugong ng generator. Abalang-abala pa yata sa paghahanda ang mga kasama para sa gaganaping pagdiriwang bukas pagsilang ng araw. Mga isang oras lang pala talaga ang lakaran.

Sa unang pagkakataon ay nakakita din ako ng mga kasamang katulad ng nakita ko. Nagmukhang mga malalaking paniki ang mga duyan ng mga tulog na kasama sa loob at labas ng nag-iisang bahay sa isang masukal na gubat. Mukhang mahimbing na mahimbing ang kanilang tulog. Marahil ay sobrang nakakapagod ang kanilang ginawa sa buong araw (o sa buong linggo). "Sa ganitong lagay ba ay ang dali-dali pala silang pasukin ng masasamang elemento at gambalain ang kanilang katahimikan?" tanong ko sa aking sarili at siguro ay tanong din ng iba pang bisita na tulad ko ay first time ding nakakita ng mga kasamang katulad ng nakita ko.

Dumiretso kami sa kusina dahil yun lang ang bakanteng bahagi ng bahay at dun na rin namin itutulog ang nalalabing oras bago masilayan ang pagpula ng silangan. "Ganito ba talaga sila ka-lax?" tanong ng isang bisita habang nag-aayos ang bawat isa ng gamit at puwestong matutulugan. Ang sandaling kwentuhan ay naputol ng may pumasok na kasama. Narinig ko na galing siya sa kanyang dating pwesto malapit sa may maliit na ilog na dinaanan daw namin. Marami pala silang nakabantay sa paligid at sinisiguro ang kaligtasan ng bawat isa.

Ayon sa isa sa kanila, bawat isa ay may magagawa dito at walang gawaing maliit o di-importante. Dito ay hindi palaging madali o palaging mahirap ang gawain. Tagaluto, tagalinis, tagabantay, tagasulat, o tagapangasiwa man, bawat kasama ay may silbi.

Ang dami ko pang naisip na mga bagay-bagay hanggang sa bumagsak na ang dati ay dilat na dilat kong mga mata. Sa panaginip ko na lang muna itutuloy ang biyahe para pagpula ng silangan ay maididilat ko ulit ito ng may panibagong lakas. Kailan kaya ako tutungo sa kanayunan ng mas matagal para ipamalas ang aking galing at talino upang pagsilbihan ang tunay na nangangailangan?

Link

No comments: