Saturday, November 29, 2014

Ang sirkadyang ritmo sa loob ng bilangguan sa Baganga

Nobyembre 11, 2013
(Sinulat sa loob ng Baganga Provincial Subjail.)

Araw-araw dito sa bilanguan ay pare-pareho, kung tatanungin ang maraming bilanggo dito. Hindi ko naitanong ang mga gwardya ngunit makakasundo sila malamang tungkol dito.

Ang panahon ngayon dito ay tinatawag nilang Amihan. Tag-ulan na dito. Araw-araw ay umuulan bagama’t mahabang oras din na maliwanag ang araw dahil kung hindi sa gabi o madaling araw ang pagbuhos ng ulan ay hindi na ito lalampas pa sa tanghali. At kung sa araw naman uulan, mabilis lang ito at panaka-naka.

Nasira ang ritmong ito ng halos dalawang araw nung dumaan ang Bagyong Yolanda sa Pilipinas. Walang ulan na bumuhos at medyo malakas ngunit masarap na hangin ang umihip buong araw ng Nobyembre 8. Napakatahimik, ni walang maramdamang ihip ng hangin o ulan ay di nagparamdam, buong gabi ng Nobyembre 7 hanggang umaga ng 8. Para bang ang panahong Amihan ay nagtago para hindi madatnan ng Bagyong Yolanda. Ang kaba ng mga mamamayan ng Baganga, kung saan wala pang isang taon mula ng dumaong at humampas ang Bagyong Pablo, ay napalitan ng paghahamon sa panahon pagkagising nito sa Nobyembre 8. Nasaan na ang kinakatakutan nilang Bagyong Yolanda? Kitang-kita dito ang epekto ng Bagyong Pablo hindi lamang sa kapaligiran kundi pati na sa kamalayan ng mamamayan. Mas binibigyan na nila ng pansin ang mga balita tungkol sa mga bagyong paparating at iba pang mga kalamidad tulad ng malakas at matagal na lindol na tumama sa isla ng Bohol. Alas-10 hanggang alas-11 daw ng umaga ang tinalagang emergency hour ng lokal na gobyerno ng Baganga. Bandang alas-10 nang magpaalam ang dalawang bisitang pulis, ang isa ay ang hepe na nais lang makipagkwentuhan sandali sa akin at magpaalam na dadalaw daw ang Direktor ng kapulisan sa Davao Oriental sa susunod na linggo para makausap din ako.

Source: SagipBaganga
Nakahinga ng malalim ang mamamayan ng Baganga nang malamang hindi umabot sa Signal number 1 dito. Ganunpaman, may nangyaring pagtaas ng tubig-dagat sa ilang bahagi nito na siyang dahilan kaya hindi na pumasok ang isang gwardya ng bilanguan. Umabot ang tubig sa bahay nila na sa normal na panahon ay mga byente metros ang layo mula sa dalampasigan. Wala namang seryosong pagkasira na naganap. Ang medyo malakas na hangin sa araw na walang ni isang patak ng ulan ay sinundan naman ng malakas na buhos ng ulan sa gabi hanggang madaling araw. Para bang lumabas na mula sa pagtatago ang panahong Amihan.

Maliban sa mga pagbabago ng panahon, halos paulit-ulit ang mga pangyayari dito sa loob ng bilangguan gaya ng nabanggit sa simula ng kolum na ito. Alas-singko ng umaga ay hinahampas na ang kampana o bagtinganan ng limang beses, hudyat ng simula ng araw. May kaunting liwanag na sa labas ng selda. Babangon ang mga magluluto sa kusina. Mga bilanggo din sila na pinagkakatiwalaan (trustee) na ng mga gwardya. Ang mga walang gawain sa umaga lalo na yung mga “tanghali” na kung gumising ay maaari pang magpatuloy sa paghilik. May mga priso na maaga talagang gumising at naghihintay na lang buksan ang selda para makalakad-lakad na sa labas o di kaya ay makapagligo na. Ang mga manok naman sa katabing opisina (Fire Department) ay maingay na rin sa pagtilaok at malamang nagsimula ng tumilaok bandang alas-kwatro.

Ang bawat selda ay meron ding mga nakatalagang cleaners o tagalinis bawat araw na pinagkakasunduan ng mga priso mismo. Isa din sila sa mga maaagang bumangon para ma-brush ang kubeta, mawalis at ma-mop ang sahig, at makapag-igib ng tubig para punuin ang drum sa kubeta. Ang kalinisan ng bawat selda ay responsibilidad ng mga priso sa loob nito. Sa aming selda, ang mayor ay exempted o hindi na kasama sa taga-linis. Dalawa naman ang tagalinis araw-araw.

Mga alas-singko y medya ay maingay na ang paligid ng selda. May sikat ng araw na rin sa labas. May nag-iigib, nagluluto, naglilinis, naliligo, nagkakape, nag-uusap, nagtatawanan, palakad-lakad, at meron pa ring ilan na natutulog pa sa loob. Mga ganitong oras ako babangon at maya-maya lang ay hihingi na ako sa kusina ng mainit na tubig para sa aking gatas o kape.

Ang tugtog mula sa mga mp3 player/sound box ay malalakas na din. Mayroong tatlo nito sa loob ng bilangguan, iba-ibang brand at disenyo, dalawa sa bilanggo at isa sa gwardya. Halo-halo ang mga kanta ngunit minsan lang napapalitan o nadadagdagan ang laman kaya halos kabisado mo na ang pagkakasunod nila. Buong araw silang pinapatugtog, kahit gabi na at mahimbing na ang tulog ng karamihan bagama’t hinihinaan lang ang bolyum. Minsan magigising ka sa hatinggabi sa tugtog ni Gloc 9, Freddie Aguilar, Heber Bartolome, ng Asin, Apo Hiking Society, Parokya ni Edgar, Eraserheads, Rivermaya, Siakol, Hale, o di kaya kay Pink, Bruno Mars, Rihanna, Jason Mraz, ng ng Creed, Dishwalla, Matchbox20, Boys Like Girls, One Direction, atbp. Ano kaya ang epekto ng paulit-ulit na mga kantang ito sa pag-iisip at/o mood ng mga priso pati na rin ng mga gwardya?

Bandang alas-syete ang unang rasyon ng pagkain. Patutunugin ulit ang kampana sa istilong pangrasyon: mga limang hampas kada segundo na ginagawa ng mga limang segundo tapos may pahabol na tatlo o higit pang hampas na mas mabagal. Mag-iikot ang mga tagakusina sa bawat selda pagkatapos ng kalembang. Dalawa ang may dala ng balde ng kanin at isa o dalawa naman sa ulam. Pipila ang mga priso ng bawat selda. Selda 1 at 3 muna bago Selda 4, ang selda ng mga trustee. (Bakante sa ngayon ang Selda 2 na ginagamit bilang conjugal room kung saan natutulog ang isa o dalawang priso at ang kani-kanilang asawa na dumadalaw.)

Alas-otso ng umaga ang relyebo o pagpapalit ng kabo at mga gwardya. Magbibilang ang bagong pasok na kabo ng mga priso sa bawat selda. Tatawagin isa-isa ang pangalan ng mga priso at kailangang sumagot ang bawat prisong tinawag.

Pagkatapos ng umagahan, kanya-kanya ng hanap ng magagawa habang hinihintay ang susunod na rasyon. Sinusubukan kong gawing produktibo ang bawat minuto ng paghihintay. Magpapatuloy kaya sa pagbabasa? Magsusulat kaya? Ipagpapatuloy ko ba ang nasimulang drowing? Magkukulay kaya? Lalabas na lang siguro upang ma-ensayo ang mga paa at maarawan ang katawan**.

Source: HopNews.com
Kung feeling tinatamad ay hihiga ulit at magmumuni-muni o makikinig sa mga usap-usapan, sa huni ng mga ibong parago, o sa musika mula sa mga mp3 player. Sa paghiga, maghahabulan ang inspirasyon at antok. Maaari ding makipagkwentuhan sa ibang mga priso o sa ilang gwardya. Ang ilang priso na trustee ay kasalukuyang busy sa mga gawaing konstruksyong ginagawa sa bilangguang nasira ng Bagyong Pablo.

Ang mga ibong parago ay pinakamaingay at pinakamadami sa ibabaw ng punong talisay bandang alas-nwebe.

Bandang alas-onse ang pangalawang rasyon. Ganun pa rin ang sistema: patutunugin ang kampana at mag-iikot ang mga magrarasyon. Kapansin-pansin ang pagtulog ng marami sa mga oras na ito. May mga natutulog bago ang rasyon at nagigising na lang sa kalembang. Meron ding iba na hihintayin muna ang rasyon ngunit matutulog muna bago ito kainin. At meron ding iba ang matutulog mga ilang minuto lang matapos kainin ang rasyon.

May mga pag-aaral sa larangan ng sleep research na nagpapakitang ang antok ng tao, na unti-unting tumataas mula ito sa umaga, ay pinakamataas anim na oras mula ng pagkagising at manananatiling mataas hanggang sa maidlip siya sa tanghali, yung tinatawag na siesta ng mga Espanyol, o matulog na ng tuluyan sa gabi. Kung gagamitin ito sa bilangguan dito kung saan alas-singko y medya ang karaniwang oras ng paggising, alas-onse y medya ang simula ng pagkaantok ng priso. Maliban sa pag-idlip, maraming mga paraan para maalis ang antok tulad ng hindi paghiga o pag-upo ng relaks; pagpapagana ng isipan sa pamamagitan halimbawa ng pakikipag-kwentuhan sa ibang priso; pagpapagana ng katawan sa pamamagitan halimbawa ng pagpasok sa isang pisikal na gawain. Kung talagang hindi malabanan ang antok at maidlip, ang haba nito ay ilang minuto hanggang mga ilang oras depende sa maraming bagay tulad ng liwanag sa paligid, ingay, nutrisyon sa katawan, pusisyon ng pagtuloy, laman ng isipan tulad halimbawa ng mga nakakabagabag na problema sa buhay, atbp.

Ganun ulit sa hapon: kanya-kanyang hanap ng magagawa bilang pampalipas-oras. Mapapansin ang maraming nagkakape tuwing hapon, bandang alas-dos hanggang alas-kwatro kung kailan tutunog na naman ang kampana para sa pangatlong rasyon ng pagkain. Mula ng maitayo ulit ang basketbol ring ay nagiging uso na ang paglalaro tuwing hapon hanggang mga alas-singko kung kailan pababalikin na sa mga selda ang karamihan sa mga priso. May mga naliligo din sa hapon. Sabi pa ng isang matandang priso na kaselda ko, mas maganda raw sa hapon maligo ang taong may hayblad. Delikado raw kung sa umaga siya maligo.

Alas-sais ng gabi ang relyebo ng kabo at mga gwardya sa gabi. Mag-iikot ang kabong panggabi sa bawat selda para sa gawaing pagbibilang.

Tuwing gabi, ang mga priso sa aming selda ay naglalaro ng baraha. Magpapatuloy ito hanggang sa isa-isang titigil at pupunta sa kanya-kanyang higaan upang matulog. Hindi ko na gaanong madetalye ang mga oras ng pagtulog ng bawat isang kaselda ko dahil isa ako sa mga maaagang matulog. Minsan nagigising ako ng alas-dyes at napapansin kong meron pang mga naglalaro ng baraha. Kapag nagigising ako sa alas-dose, kadalasan ay tahimik na sa loob at labas ng selda maliban na lang sa mga tunog mula sa mga sound box.

Ang mga ilaw sa selda ay hindi pinapatay, bagay na may implikasyon sa kalusugan ng mga priso ayon sa mga bagong resulta ng mga pananaliksik tungkol sa epekto ng liwanag sa gabi. Sa mga pananaliksik na ginawa, may mga indikasyon na ang mahabang exposure sa liwanag tuwing gabi ay nakakadagdag sa pagkakaroon ng kanser.

Sa susunod na araw, mauulit na naman ang ritmo ng buhay na nailahad sa itaas. May mga pagkakaiba lang kung may mga dumadalaw sa priso o di laya ay mga pagbabago sa patakaran sa bilangguan. Ito ang pangkabuuang kronobiyolohiya dito sa bilangguan sa Baganga.

Notes
** May pagbabago sa aking kalagayan dito mula ng tinanggal ko ang plaster sa aking kanang paa. Nobyembre 9 ng umaga nang magdesisyon akong palayain na ang aking kanang paa na nagkaroon n maliit na fracture o pagkabasag noong Oktubre 1. Oktubre 3 ng umaga inilagay ang plaster at apat na linggo ang habilin ng duktor para sa susunod na X-ray imaging. Lumipat ang lahat ng bilanggo sa Baganga Oktubre 23 kaya pagdating sa Oktubre 30, ang skedyul ng X-ray imaging, ay hirap pa ang administrasyon ng bilangguan na ihatid ako sa Mati City Provincial Hospital, mga dalawang oras na byahe mula sa Baganga.

Marami pang inaayos sa loob ng bilangguan kasama na ang reorganisasyon ng mga gwardya ng buong Provincial Jail. Ang sabi naman ng isang duktor na nakausap ko ay babalik na sa dati ang buto pagkatapos ng apat hanggang anim na linggo kaya ayon, hindi ko na hinintay ang gagawing X-ray imaging na iniskedyul ng admin sa pangatlong linggo pa ng Nobyembre; masyadong matagal pa ito at lalo lang mag-atrophy o lumiit ang mga laman sa aking kanang paa, binti, at hita. Sa kabutihang palad, tama naman ang tantya ko. Hindi na masakit ang aking kanang paa at nasisimulan ko na ang pag-eensayo nito upang unti-unting tumubo at manumbalik ang mga laman.

Ngunit ang paglaya ng aking kanang paa noong Nobyembre 9 ay hindi pala nagustuhan ng OIC ng bilangguan. Nobyembre 10, Linggo, sa hindi masabi-sabing dahilan, ay nagdesisyon ang warden (OIC) na ipadlock ako sa selda. Hindi ako kinausap ng warden tungkol sa desisyong ito at pati ang mga kaselda ko ay nagtataka rin. Mula noon, hindi na ako pwedeng maglakad sa labas ng selda para magpaaraw.

Nalaman ko na lang nitong Nobyembre 12 na ang desisyong iyon ng warden ay may kinalaman daw sa seguridad ko kaya limitado na ang aking galaw dito, ngunit inalis na ang padlock ng selda mula noon.

Link

Ang dalawang taong nagpapalitan ng produkto

November 6, 2013
(Sinulat habang nasa Baganga Provincial Subjail.)

Isang positibong idinulot ng aking pagkapiit dito sa Baganga, Davao Oriental ay ang pagkakaroon ko ng maraming panahon, sa totoo lang halos buong panahon, sa pagbabasa, isang gawain na mahirap isingit sa napakadaming deadline na pilit habulin sa labas ng kulungan.

Sa loob ng dalawampung araw doon sa Mati City Provincial Jail, nakatapos ako ng dalawang nobela: The Gospel According to Jesus Christ ni Jose Saramago at Mass ni F. Sionil Jose, parehong premyadong manunulat: kay Saramago, Nobel Prize in Literature; kay Jose naman, Ramon Magsaysay Award on Literature. Dalawang nobela sa loob ng dalawampung araw ay sobrang bagal kung ikumpara sa maraming kaibigan ko na mahilig magbasa, ngunit para sa akin ay normal na bilis ng pagbabasa dala na rin ng matagal din bago ako nagkaroon ng hilig sa ganitong libangan, mga dyesenwebe anyos na ako noon. Mabibilang lang din ng aking mga daliri ang mga nobelang natapos kong basahin at isa na dyan ang paborito kong The Street Lawyer ni John Grisham. Marami ang nasimulang basahin ngunit sa kung anong dahilan ay hindi ko sila natapos. Baka kong tumagal pa ako dito ay matatapos ko na ring basahin ang Old Testament, New Testament, at mga librong Deuterocanonicals.

Anyway, ano ba sa Tagalog ang anyway?

Bigla akong ginanahang magsulat dahil sa isang ideya na nabasa ko sa libro ni Frederick Engels na Herr Eugen Dühring's Revolution in Science o mas kilala sa tawag na Anti-Dühring (1877). Ngunit hindi tungkol sa librong ito ang ibabahagi ko sa inyo ngayon; tungkol ito sa isang kwento na naalala ko nang mabasa ko ang isang pahina ng Anti-Dühring sa Chapter X: Equality. (Nakakaaliw ang librong Anti-Dühring lalo na sa isang siyentistang tulad ko. Hindi ko maiwasang humalakhak sa mga nakakatawang banat ni Engels sa mga sinulat ni Dühring. Nakakaawa si Dühring.)

Sa pahinang ito, tinalakay ni Engels ang konsepto ni Dühring ng pinakasimpleng modelo ng lipunan. Ito daw ay binubuo lamang ng dalawang tao (ayon sa interpretasyon ni Engels, dalawang lalaki na magkapareho o equal ang dalawa kaya hindi na isang babae at isang lalaki. Basahin nyo na lang ang sinulat ni Engels tungkol dito.) Ayon kay Engels, ang konseptong ito ay hindi na bago, isang siglo bago iyon sinulat ni Dühring ay ginamit na ito ni Rousseau, Adam Smith, at Ricardo. Kay Smith at Ricardo, mangangaso ang isa at mangingisda ang pangalawa, at sila ay nagpapalitan ng produkto. Dyan may kaugnayan ang kwento na naalala ko, kwento ng dalawang tao. Sa kwentong ito, nagpapalitan din ng produkto ang isang lalaki at isang babae, at sila ay mga totoong tao, hindi kathang-isip lang.

Si Maria ay nakatira sa malayong barangay sa bundok ng Mati City. Ang kabuhayan niya ay ang paggawa ng tuba, isang alak mula sa niyog, at pagbenta nito sa palengke ng Mati. Nakahanap si Maria ng paraan upang maubos o maibenta ang lahat ng tuba na tinda niya. Nakilala niya si Pedro na nakatira naman sa sentrong bahagi ng Mati at nagbebenta naman ng karneng baboy. Naging magkainuman si Maria at Pedro. Pagkatapos ng inuman at malamang medyo lasing na ng kaunti si Maria ay uuwi na ito sa bundok na may dalang karneng baboy katumbas ng dala niyang tuba na naibenta niya kay Pedro, na malamang ay medyo lasing na rin at ubos na din ang tindang karneng baboy.

Sa palitang ito, hindi na gumagamit ng pera. Ganyan pa ang antas na inabot ng ating lipunan kung saan talamak pa sa kanayunan ang sistemang barter, pero hindi ito katulad ng sinaunang sistemang barter dahil ang palitan ay nakaangkla din sa presyo ng mga produktong ipinagpapalit. Matutunghayan sa kanayunan ang pagpapalit ng mga naisuot ng damit (second-hand) sa prutas tulang ng saging o niyog. Ang kamote ay ipinambibili ng asin, mantika, o asukal. Maging ang lupa ay ipinagpapalit sa asin tulad ng nangyari sa lupain ng aking Subanen na lolo.

Malamang nagtataka kayo kung saan ko narinig ang kwentong ito. Kinwento ito ng isang anak ni Pedro na nakapiit din sa Mati Provincial Jail sa kasong pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Nakapiit din dito ang isang anak ni Maria na pagkatapos ng mahigit dalawang taon dito sa kulungan ay ililipat na sa ibang kulungan dahil matatapos na ang kaso niya. Aaminin na niya sa korte ang binagong kaso niya na rebelyon. Nahuli siya matapos ang ginawa niya at ng mga kasamahan niya na operasyong agaw-armas sa mga pulis ng Mati. Siya lang ang nahuli habang ang mga kasamahan niya ay nakatakas at malamang nakabalik na sa kabundukan ng Davao Oriental. Malaki ang tinamo niyang sugat sa binti kaya hindi sya nakatakbo. Natamaan siya ng isang kasama niya dahil sa komosyon na naganap. Habang may tama siya sa nakikipag-agawan siya ng baril sa isang pulis na natamaan din kalaunan ng pinag-aagawang baril at binawian ng buhay. Tatlong araw daw siyang tinortyur at hindi pinainom ng tubig o pinakain bago mahanap ng mga rumespondeng grupo na nagtataguyod ng karapatang pantao.

Sa loob ng mahigit dalawang taon ay minsan lang siya nadalaw ng kanyang ina, si Maria, dahil na rin daw sa limitadong kabuhayan nito at malamang ay dahil madalas itong lasing. Si Pedro naman ay ilang beses daw inatake ng stroke o alta-presyon. Hindi ko na maalala sa kwento ng kanyang anak kung siya ba ay buhay pa o patay na ngayon.

Link

Friday, November 28, 2014

Ang mga namamanang katangian ay hindi lang nagmula sa DNA

Ang artikulong ito ay sinulat sa loob ng Baganga Provincial Subjail at unang lumabas sa Pinoy Weekly noong ika-19 ng Enero 2014.

Hanggang ngayon, hindi pa rin makalimutan ng aking ina ang isang pangyayari noong high school graduation ko. Isang klasikong kuwento ng kahapon ito na hindi na mawawalan ng kapangyarihang patawanin kaming lahat sa pamilya. Kahit ngayon, habang sinusulat ko ito, hindi ko maiwasang ngumiti at matawa sa alaalang ito.

Pagkatapos ng graduation ceremonies noong hayskul, dumalo kami ng mga magulang ko sa pagsasalo kasama ang iba pang honor students at ang mga magulang nila, kasama ang mga guro sa paaralan, mga pinuno ng subject departments, ang principal, at mga panauhing pandangal na, kung hindi ako nagkakamali, mataas ang posisyon sa pambansang opisina ng DECS (Department of Education, Culture and Sports, ang dating pangalan ng DepEd) noon.

Tinanong ng panauhing pandangal ang aking ina kung paano raw ako pinalaki. Nagtataka o curious siguro siya kung paano ko nakuha ang halos lahat ng parangal, mula sa pinakamahusay sa Math, Science, English, Filipino, Home Economics & Technology, at iba pang asignatura, pati na rin sa Journalism at ang dalawa pa. Leadership Award lang yata ang hindi naigawad sa akin. Dahil hindi naman sanay ang aking ina sa ganoong sitwasyon–bilang hindi naman mataas ang kanyang pinag-aralan, hindi sanay sa wikang Tagalog, at hindi sanay na kausap ng isang taong may mataas na puwesto sa gobyerno. Wala siyang ibang nasagot kundi ang napakaiksing “pinadede, pinakain,”–sabay tawa.

Nagtawanan kami ng aking ama matapos ang kanyang napakasimpleng sagot. Hindi matapos ang aming tawanan kahit nasa jeep na pauwi ng bahay. Matagal namin itong pinagtawanan at pinag-usapan sa bahay. Hindi ko na maalala kung ano ‘yung binitawang mga salita ng aking ama nang tanungin kung ano ang kanyang isasagot halimbawang siya ang tinanong ng panauhing pandangal. Parang may mga binaggit siyang “pinalaki nila kami sa disiplina, mapagmahal sa kapwa, at malayang isipan.”

Napakasimple mang pakinggan ang sinagot ni Mama, pero may mabigat na basehan ito kung tatanungin ang librong Gabay at Lunas Sa Mga Karaniwang Karamdaman na inilathala ng Caritas Manila. Sabi sa libro, mas matalino at listo ang batang pinasuso ng ina. Hindi rin ito taliwas sa bagong findings sa larangang epigenetics na nagpapakitang ang arugang ibinibigay ng ina, partikular ang haplos na natatanggap ng sanggol ay may malaking epekto sa normal na paghubog ng utak nito.

Sa artikulong pinamagatang “DNA Is Not Destiny” ni Ethan Watters, isinalaysay ng manunulat ang iba’t ibang pananaliksik sa epigenetics na nagpapakitang ang paglaki ng isang organismo ay dinidikta hindi lamang ng DNA nito (genetics) kundi pati na ng kapaligiran nito, lalung lalo na habang ito’y binubuo pa lang sa katawan ng kanyang magulang at sa unang mga taon ng kanyang buhay. Nagsimulang humuli ng interes ang mga pananaliksik na ito ng dumaraming siyentista noong panahong nasa high school pa lang ako, sa mga unang taon ng dekada ’90.

Batay sa lumalabas na mga kaalaman sa larangang ito, hindi natin masasabi na ang katangian at pag-uugali, maging ang katalinuhan, ng isang tao’y simpleng namamana lamang sa mga magulang. May impluwensiya rin sa paghubog ng utak at alagang ibinigay sa tao habang sanggol pa ito. Hindi na bago ang kaalamang ito. Hindi na makakagulat ito sa maraming Pilipinong nanay (at nanay sa iba pang bansa) na matagal nang maingat at ibinigay ang lahat ng kayang ibigay sa kanilang mga sanggol at maging sa sanggol ng kanilang kapitbahay.

Bagamat hindi ito bagong kaalaman sa ating kultura, ang mga modernong pananaliksik ay nagbibigay ng mas matibay na pundasyon sa kaalamang ito—pundasyon na nakakatulong para makatuklas ng mga interbensiyong teknolohikal sa kaugnay na mga problema.

Sa isang pag-aaral ni Michael Meaney, isang biyolohiko sa McGill University sa Canada, tiningnan nila ang magnetic resonance imaging (MRI) na litrato ng utak ng mga adult (o mga tanong nasa tamang gulang na) na mababa ang timbang noong ipinanganak. Sa palatanungan (questionnaire) na sinagutan ng mga adult, tinanong sila kung gaano kaganda ang relasyon nila sa kanilang ina. ’Yung mga taong hindi maganda (poor) ang kanilang relasyon sa kanilang ina ay nakitang may hippocampus na mas maliit kaysa sa karaniwan. ’Yung mga tao naman na nagsabing malapit sila sa kanilang ina ay nakitang may normal na laki na hippocampus.

Ang hippocampus ay isang bahagi ng utak na may kinalaman sa pagresponde ng mga tao sa problema o stress sa buhay

Tanggap ni Meaney na hindi ganoon kasolido ang koneksiyon dahil may kaakibat na suhetibismo ang mga sumagot sa questionnaire tungkol sa kanilang relasyon sa ina. Ganumpaman, malaki ang suspetsa ni Meaney na ang aruga ng magulang (quality of parenting) ay may impluwensiya sa magkaibang hugis ng mga utak ng taong kasama sa survey.

Sa isang pagsisikap na gawing solido ang koneksiyon, inilunsad niya at ng iba pang mananaliksik ang isang ambisyosong limang taon at multimilyong dolyar na pag-aaral na titingin sa epekto ng pag-aaruga sa ilang daang sangol. Bilang test group, ginamit ni Meaney ang mga inang may nararamdamang matinding kalungkutan (depression), na madalas ay may kahirapan sa pagbibigay ng pagmamahal at pag-aalalga sa kanilang sanggol na magreresulta naman sa madalang na paghaplos (caress) nila kaysa sa mga sanggol sa mga inang walang depresyon na nararamdaman. Ang kanilang sentral na tanong ay kung may kinalaman ang haplos sa sanggol sa malusog na paglaki ng utak nito.

Source: Discover
May nauna nang eksperimento si Meaney kaugnay nito. Kasama ang estudyante niyang si Ian Weaver, kinumpara nila ang dalawang uri ng inang daga: iyong masipag na dinidilaan ang mga sanggol nito at iyong pinapabayaan lang ang kanilang sanggol. Lumaki ang mga dagang sanggol sa ilalim ng dalawang ina na may pagkakaiba sa ugali. Ang mga sanggol na dinilaan ay lumaking relatibong matapang at kalmado (para sa mga daga). Ang mga sanggol naman na pinabayaan ay lumaking nerbyoso at humaharurot sa pinakamdalim na sulot kapag nilipat sa bagong kulungan.

Ang resulta ng eksperimentong ito ni Meaney at Weaver ay hindi kumpletong naipaliwanag ng simpleng genetic na dahilan lamang; pareho lang naman ang lahi ng dalawang uri ng daga. Bagamat hindi malinaw sa artikulo ni Watters, maaaring ginawa rin nila sa eksperimento na ilagay sa kulungan ang sanggol na daga na hindi direktang nanggaling sa inang daga sa parehong kulungan. Kumbaga, hindi nito simpleng namana ang pag-uugali noong malaki na sila. Sa kabilang banda, hindi rin masasabing natutunan lang ito ng daga na matatapang at kalmado dahil sanggol pa lang ito noong kasama nito ang ina.

Sa madaling salita, ang pagkakaiba ng pag-uugali ay magkahalong epekto ng nature (genetic) at nurture (environment). Ayon kay Meaney, “Hinahamon ng eksperimentong ito ang mga teorya sa larangang biyolohiya at sikolohiya (psychology). Ang mga pang-angkop na katangian (adaptive responses) ay hindi namamana o basta na lang umusbong mula sa DNA, kundi nahuhubog ng kapaligiran.”

May isa pang aspekto ng eksperimento na hindi pa natin natalakay dahil nangangailangan pa ito ng mas malalim na kaalaman sa biyolohikal na mekanismong kinasasangkutan ng DNA. Matapos suriin ang brain tissue ng parehong daga na dinilaan at hindi dinilaan, nakita ng mga mananaliksik ang malinaw na pagkakaiba sa DNA metylation patterns sa hippocampus cells ng bawat grupo. Ang resulta nito’y ang mas maraming aktibong serotonin receptors sa mga dagang dinilaan kung kaya ay mas mababa ang stress hormone na cortisol sa utak nito na siya namang dahilan kung bakit sila kalmado. Ang mas mataas na antas ng cortisol sa mga dagang hindi dinilaan noong sanggol pa ay siyang dahilan kung bakit nerbiyoso ang mga ito at magugulatin kapag nalilipat sa bagong kulungan. Sa pamamagitan ng simpleng pag-uugali ng nanay tulad ng pagdidila sa sanggol nito, direktang hinuhugis ng mga nanay na daga ang utak ng kanilang mga supling.

Source: Wikipedia
Upang maunawaan kung ano itong DNA methylation, ihambing natin ang mga rekado para sa isang malaking paggawaan ng samu’t saring kemikal. Ang bawat rekado’y hindi pangalan ng aktuwal na panghalong kemikal kundi isang code o address ng drawer kung saan nakalagay kung paano ito lulutuin mula sa apat lang na pinakasimpleng panghalo na mayroon sa kusina. Hindi lahat ng drawer ay maaaring buksan. Mayroong ilan na likas na nakakandado kaya kahit nakalagay pa rin ang address ng rekadong ito sa listahan (ang DNA) ay hindi pa rin ito puwedeng lutuin ng kusinero–hindi niya makukuha ang instruksiyon ng pagluto sa loob ng drawer. Ang DNA methylation sa ganitong paghahambing ay ang paglalagay ng kandado sa drawer. Pinipigilan nito ang pagluto ng rekadong kinandado. Ang listahan ang DNA–ang address ng drawer ang gene–at ang paglalagay ng kandado sa drawer ay ang DNA methylation. Ang kandado naman ang tinatawag na dimmer switch.

Sa eskperimentong Meaney-Weaver, ang nakita nilang epekto ang pagkatanggal ng kandado sa drawer kung saan may instruksiyon o recipe ng pagluto ng aktibong serotonin receptors, na espesyal na mga protinang nakadikit sa mga pinto o gate ng malaking pabrika sa hippocampus. Maaari nating ihambing ang hippocampus sa isang siyudad na may maraming malaking pabrika na maaari namang ituring na kahambing ng selyula sa hippocampus. Maliban sa hippocampus, may isa pang siyudad sa utak na ang espesyalisasyon naman ay ang paggawa ng kemikal na serotonin, isa pang tipo ng protina na pinapadala sa hippocampus.

Ang pagdila at paghaplos sa dagang sanggol ay nagbibigay ng pahintulot o utos sa siyudad ng mga serotonin na gumawa sila ng marami nito. Pagkagawa nila ng serotonin, pinapadala nila ito sa hippocampus at malamang sa iba pang bahagi ng utak, o iba pang mga siyudad na may kanya-kanyang espesyalisasyon. Ang mga pinapalaki na serotonin ay nakikita at kinukuha ng serotonin receptors sa pintuan ng malaking paggawaan. Pagkatanggap sa serotonin, magsisigaw na sa loob ng pabrika ang serotonin receptors na nakatanggap ito ng serotonin, isang mensahe sa pabrika upang bawasan kung hindi man itigil ang pagluto ng stress hormone na cortisol. Sa madaling salita, ang pagdila sa sanggol ng daga ay magtatalaga ng serotonin receptors sa hippocampus nito na magbibigay sa daga hanggang pagtanda ng kakayahang bawasan ang cortisol sa utak.

Ang ganitong papel ng serotonin na nagpapababa sa stress chemical na cortisol ang siyang dahilan kung bakit ito binansagang happy hormone. Ngunit hindi eepekto ang serotonin kung walang receptors para dito. Kumbaga hindi malalaman sa loob ng pabrika na maraming dumating na serotonin sa labas nito kung walang serotonin receptors sa may pintuan. Maaari ring sabihing may nag-iisang pirma ang serotonin na serotonin receptors lang ang nakakakilala.

Mahigpit na nakapulupot ang DNA sa mga protinang tinatawag na histone. Kailangan munang luwagan ang pagkapulupot nito bago mabasa ang impormasyong taglay nito. Dahil dito, ang pagbabago sa mga histone ay nakakaapekto sa pagbasa ng ilang genes. Kung luluwagan ang pagkakapulupot sa isang bahagi ng DNA na likas na sobrang higpit, magbibigay ito ng pagkakataon sa mga apektadong gene na mabasa. Kung mahihigpitan naman lalo ang pulupot, mahihirapang basahin ang impormasyon sa bahaging ito ng DNA, at maaaring hindi na maluto ang kinakailangang protina. Ito ang tinawatawag na histone modification at pangalawa sa hindi bababa sa tatlong paraaan ng pagbabagong epigenetiko. Ang pangatlong paraan, na hindi ko kabisado kung paano nangyayari, ay ang tinatawag na chromatin remodeling. [Dagdag: Tingnan din ang artikulo sa Wikipedia tungkol sa MicroRNA at sRNA ]

Kasama ang DNA methylation, ang tatlong pagbabagong epigenetiko’y may malaking epekto sa pagbasa o hindi pagbasa ng impormasyong taglay ng DNA sa bawat selyula ng ating katawan. Hindi nila binabago ang genetic code mismo, pero malaki ang mga naidudulot na pagbabago ng tatlong prosesong ito sa katangian at pag-uugali ng organismo. Dagdag pa riyan, namamana rin sa ibang henerasyon ang mga pagbabagong ito.

Na namamana ang pagbabagong epegenitiko ay isang nakakagulat na kaalaman kamakailan sa larangang ito—kaalaman na maaaring magtulak ng malaking pagbabago sa teorya ng eboluyson na sinimulan ni Charles Darwin. Hindi lang pala ang mahabang listahan na DNA ang naipasa ng mga magulang sa kanilang mga anak. Hindi inakala ni Michael Skinner, isang geneticist sa Washington State University, na ang pagbabago sa bayag ng mga anak na daga ng inang daga na binigyan niya ng isang kemikal na panlaban sa amag (fungicide) ay mamamana ng mga apo ng inang daga.

Sa isang eksperimentong ginawa niya noong 2004, tinurukan niya ng maraming dose ng kemikal ang inang nagbubuntis. Mababang bilang ng sperm cells ang epekto nito sa mga anak na daga. Laking gulat niya nang makitang maging ang apo ng kontamindong inang daga ay mababa din ang sperm count. Ganoon din ang apo sa tuhod at mga sumunod pa na henerasyon nito. Bagamat walang pagbabago sa DNA na idinulot ng fungicide, namamana pa rin ang epekto nito.

Sinalaysay ni Watters sa kanyang artikulo sa lathalaing Discover na lumabas din sa aklat na The Best American Science and Nature Writing of 2006 ang implikasyon ng mga bagong kaalaman sa epigenetiko sa maraming aspekto ng buhay ng tao. Nandiyan ang malaking posibilidad na magagamit ito sa pagdidisenyo ng diet at mga gamot. Binanggit din ng mga siyentistang kanyang kinapanayam ang epigenetikong epekto na maaaring maidulot ng prenatal vitamins tulad ng folic acid na kilala bilang methyl donor—isang kemikal na kailangan para mangyari ang prosesong DNA methylation. Malamang ang colostrum sa suso ng bagong panganak na ina ay may epigenetikong pagbabago na naidudulot sa sanggol.

Sa lahat ng implikasyon ng epigenetiko na nabanggit sa artikulo, paborito ko ’yung sinabi ni Randy Jirtle, isang eksperto sa kanser sa Duke University. Sinabi niya na ibinalik ng epigenetiko ang konsepto ng free will sa ating ideya tungkol sa DNA.

(Salamat kay Consie L. Taguba para sa encoding)

Link