Saturday, November 29, 2014

Ang sirkadyang ritmo sa loob ng bilangguan sa Baganga

Nobyembre 11, 2013
(Sinulat sa loob ng Baganga Provincial Subjail.)

Araw-araw dito sa bilanguan ay pare-pareho, kung tatanungin ang maraming bilanggo dito. Hindi ko naitanong ang mga gwardya ngunit makakasundo sila malamang tungkol dito.

Ang panahon ngayon dito ay tinatawag nilang Amihan. Tag-ulan na dito. Araw-araw ay umuulan bagama’t mahabang oras din na maliwanag ang araw dahil kung hindi sa gabi o madaling araw ang pagbuhos ng ulan ay hindi na ito lalampas pa sa tanghali. At kung sa araw naman uulan, mabilis lang ito at panaka-naka.

Nasira ang ritmong ito ng halos dalawang araw nung dumaan ang Bagyong Yolanda sa Pilipinas. Walang ulan na bumuhos at medyo malakas ngunit masarap na hangin ang umihip buong araw ng Nobyembre 8. Napakatahimik, ni walang maramdamang ihip ng hangin o ulan ay di nagparamdam, buong gabi ng Nobyembre 7 hanggang umaga ng 8. Para bang ang panahong Amihan ay nagtago para hindi madatnan ng Bagyong Yolanda. Ang kaba ng mga mamamayan ng Baganga, kung saan wala pang isang taon mula ng dumaong at humampas ang Bagyong Pablo, ay napalitan ng paghahamon sa panahon pagkagising nito sa Nobyembre 8. Nasaan na ang kinakatakutan nilang Bagyong Yolanda? Kitang-kita dito ang epekto ng Bagyong Pablo hindi lamang sa kapaligiran kundi pati na sa kamalayan ng mamamayan. Mas binibigyan na nila ng pansin ang mga balita tungkol sa mga bagyong paparating at iba pang mga kalamidad tulad ng malakas at matagal na lindol na tumama sa isla ng Bohol. Alas-10 hanggang alas-11 daw ng umaga ang tinalagang emergency hour ng lokal na gobyerno ng Baganga. Bandang alas-10 nang magpaalam ang dalawang bisitang pulis, ang isa ay ang hepe na nais lang makipagkwentuhan sandali sa akin at magpaalam na dadalaw daw ang Direktor ng kapulisan sa Davao Oriental sa susunod na linggo para makausap din ako.

Source: SagipBaganga
Nakahinga ng malalim ang mamamayan ng Baganga nang malamang hindi umabot sa Signal number 1 dito. Ganunpaman, may nangyaring pagtaas ng tubig-dagat sa ilang bahagi nito na siyang dahilan kaya hindi na pumasok ang isang gwardya ng bilanguan. Umabot ang tubig sa bahay nila na sa normal na panahon ay mga byente metros ang layo mula sa dalampasigan. Wala namang seryosong pagkasira na naganap. Ang medyo malakas na hangin sa araw na walang ni isang patak ng ulan ay sinundan naman ng malakas na buhos ng ulan sa gabi hanggang madaling araw. Para bang lumabas na mula sa pagtatago ang panahong Amihan.

Maliban sa mga pagbabago ng panahon, halos paulit-ulit ang mga pangyayari dito sa loob ng bilangguan gaya ng nabanggit sa simula ng kolum na ito. Alas-singko ng umaga ay hinahampas na ang kampana o bagtinganan ng limang beses, hudyat ng simula ng araw. May kaunting liwanag na sa labas ng selda. Babangon ang mga magluluto sa kusina. Mga bilanggo din sila na pinagkakatiwalaan (trustee) na ng mga gwardya. Ang mga walang gawain sa umaga lalo na yung mga “tanghali” na kung gumising ay maaari pang magpatuloy sa paghilik. May mga priso na maaga talagang gumising at naghihintay na lang buksan ang selda para makalakad-lakad na sa labas o di kaya ay makapagligo na. Ang mga manok naman sa katabing opisina (Fire Department) ay maingay na rin sa pagtilaok at malamang nagsimula ng tumilaok bandang alas-kwatro.

Ang bawat selda ay meron ding mga nakatalagang cleaners o tagalinis bawat araw na pinagkakasunduan ng mga priso mismo. Isa din sila sa mga maaagang bumangon para ma-brush ang kubeta, mawalis at ma-mop ang sahig, at makapag-igib ng tubig para punuin ang drum sa kubeta. Ang kalinisan ng bawat selda ay responsibilidad ng mga priso sa loob nito. Sa aming selda, ang mayor ay exempted o hindi na kasama sa taga-linis. Dalawa naman ang tagalinis araw-araw.

Mga alas-singko y medya ay maingay na ang paligid ng selda. May sikat ng araw na rin sa labas. May nag-iigib, nagluluto, naglilinis, naliligo, nagkakape, nag-uusap, nagtatawanan, palakad-lakad, at meron pa ring ilan na natutulog pa sa loob. Mga ganitong oras ako babangon at maya-maya lang ay hihingi na ako sa kusina ng mainit na tubig para sa aking gatas o kape.

Ang tugtog mula sa mga mp3 player/sound box ay malalakas na din. Mayroong tatlo nito sa loob ng bilangguan, iba-ibang brand at disenyo, dalawa sa bilanggo at isa sa gwardya. Halo-halo ang mga kanta ngunit minsan lang napapalitan o nadadagdagan ang laman kaya halos kabisado mo na ang pagkakasunod nila. Buong araw silang pinapatugtog, kahit gabi na at mahimbing na ang tulog ng karamihan bagama’t hinihinaan lang ang bolyum. Minsan magigising ka sa hatinggabi sa tugtog ni Gloc 9, Freddie Aguilar, Heber Bartolome, ng Asin, Apo Hiking Society, Parokya ni Edgar, Eraserheads, Rivermaya, Siakol, Hale, o di kaya kay Pink, Bruno Mars, Rihanna, Jason Mraz, ng ng Creed, Dishwalla, Matchbox20, Boys Like Girls, One Direction, atbp. Ano kaya ang epekto ng paulit-ulit na mga kantang ito sa pag-iisip at/o mood ng mga priso pati na rin ng mga gwardya?

Bandang alas-syete ang unang rasyon ng pagkain. Patutunugin ulit ang kampana sa istilong pangrasyon: mga limang hampas kada segundo na ginagawa ng mga limang segundo tapos may pahabol na tatlo o higit pang hampas na mas mabagal. Mag-iikot ang mga tagakusina sa bawat selda pagkatapos ng kalembang. Dalawa ang may dala ng balde ng kanin at isa o dalawa naman sa ulam. Pipila ang mga priso ng bawat selda. Selda 1 at 3 muna bago Selda 4, ang selda ng mga trustee. (Bakante sa ngayon ang Selda 2 na ginagamit bilang conjugal room kung saan natutulog ang isa o dalawang priso at ang kani-kanilang asawa na dumadalaw.)

Alas-otso ng umaga ang relyebo o pagpapalit ng kabo at mga gwardya. Magbibilang ang bagong pasok na kabo ng mga priso sa bawat selda. Tatawagin isa-isa ang pangalan ng mga priso at kailangang sumagot ang bawat prisong tinawag.

Pagkatapos ng umagahan, kanya-kanya ng hanap ng magagawa habang hinihintay ang susunod na rasyon. Sinusubukan kong gawing produktibo ang bawat minuto ng paghihintay. Magpapatuloy kaya sa pagbabasa? Magsusulat kaya? Ipagpapatuloy ko ba ang nasimulang drowing? Magkukulay kaya? Lalabas na lang siguro upang ma-ensayo ang mga paa at maarawan ang katawan**.

Source: HopNews.com
Kung feeling tinatamad ay hihiga ulit at magmumuni-muni o makikinig sa mga usap-usapan, sa huni ng mga ibong parago, o sa musika mula sa mga mp3 player. Sa paghiga, maghahabulan ang inspirasyon at antok. Maaari ding makipagkwentuhan sa ibang mga priso o sa ilang gwardya. Ang ilang priso na trustee ay kasalukuyang busy sa mga gawaing konstruksyong ginagawa sa bilangguang nasira ng Bagyong Pablo.

Ang mga ibong parago ay pinakamaingay at pinakamadami sa ibabaw ng punong talisay bandang alas-nwebe.

Bandang alas-onse ang pangalawang rasyon. Ganun pa rin ang sistema: patutunugin ang kampana at mag-iikot ang mga magrarasyon. Kapansin-pansin ang pagtulog ng marami sa mga oras na ito. May mga natutulog bago ang rasyon at nagigising na lang sa kalembang. Meron ding iba na hihintayin muna ang rasyon ngunit matutulog muna bago ito kainin. At meron ding iba ang matutulog mga ilang minuto lang matapos kainin ang rasyon.

May mga pag-aaral sa larangan ng sleep research na nagpapakitang ang antok ng tao, na unti-unting tumataas mula ito sa umaga, ay pinakamataas anim na oras mula ng pagkagising at manananatiling mataas hanggang sa maidlip siya sa tanghali, yung tinatawag na siesta ng mga Espanyol, o matulog na ng tuluyan sa gabi. Kung gagamitin ito sa bilangguan dito kung saan alas-singko y medya ang karaniwang oras ng paggising, alas-onse y medya ang simula ng pagkaantok ng priso. Maliban sa pag-idlip, maraming mga paraan para maalis ang antok tulad ng hindi paghiga o pag-upo ng relaks; pagpapagana ng isipan sa pamamagitan halimbawa ng pakikipag-kwentuhan sa ibang priso; pagpapagana ng katawan sa pamamagitan halimbawa ng pagpasok sa isang pisikal na gawain. Kung talagang hindi malabanan ang antok at maidlip, ang haba nito ay ilang minuto hanggang mga ilang oras depende sa maraming bagay tulad ng liwanag sa paligid, ingay, nutrisyon sa katawan, pusisyon ng pagtuloy, laman ng isipan tulad halimbawa ng mga nakakabagabag na problema sa buhay, atbp.

Ganun ulit sa hapon: kanya-kanyang hanap ng magagawa bilang pampalipas-oras. Mapapansin ang maraming nagkakape tuwing hapon, bandang alas-dos hanggang alas-kwatro kung kailan tutunog na naman ang kampana para sa pangatlong rasyon ng pagkain. Mula ng maitayo ulit ang basketbol ring ay nagiging uso na ang paglalaro tuwing hapon hanggang mga alas-singko kung kailan pababalikin na sa mga selda ang karamihan sa mga priso. May mga naliligo din sa hapon. Sabi pa ng isang matandang priso na kaselda ko, mas maganda raw sa hapon maligo ang taong may hayblad. Delikado raw kung sa umaga siya maligo.

Alas-sais ng gabi ang relyebo ng kabo at mga gwardya sa gabi. Mag-iikot ang kabong panggabi sa bawat selda para sa gawaing pagbibilang.

Tuwing gabi, ang mga priso sa aming selda ay naglalaro ng baraha. Magpapatuloy ito hanggang sa isa-isang titigil at pupunta sa kanya-kanyang higaan upang matulog. Hindi ko na gaanong madetalye ang mga oras ng pagtulog ng bawat isang kaselda ko dahil isa ako sa mga maaagang matulog. Minsan nagigising ako ng alas-dyes at napapansin kong meron pang mga naglalaro ng baraha. Kapag nagigising ako sa alas-dose, kadalasan ay tahimik na sa loob at labas ng selda maliban na lang sa mga tunog mula sa mga sound box.

Ang mga ilaw sa selda ay hindi pinapatay, bagay na may implikasyon sa kalusugan ng mga priso ayon sa mga bagong resulta ng mga pananaliksik tungkol sa epekto ng liwanag sa gabi. Sa mga pananaliksik na ginawa, may mga indikasyon na ang mahabang exposure sa liwanag tuwing gabi ay nakakadagdag sa pagkakaroon ng kanser.

Sa susunod na araw, mauulit na naman ang ritmo ng buhay na nailahad sa itaas. May mga pagkakaiba lang kung may mga dumadalaw sa priso o di laya ay mga pagbabago sa patakaran sa bilangguan. Ito ang pangkabuuang kronobiyolohiya dito sa bilangguan sa Baganga.

Notes
** May pagbabago sa aking kalagayan dito mula ng tinanggal ko ang plaster sa aking kanang paa. Nobyembre 9 ng umaga nang magdesisyon akong palayain na ang aking kanang paa na nagkaroon n maliit na fracture o pagkabasag noong Oktubre 1. Oktubre 3 ng umaga inilagay ang plaster at apat na linggo ang habilin ng duktor para sa susunod na X-ray imaging. Lumipat ang lahat ng bilanggo sa Baganga Oktubre 23 kaya pagdating sa Oktubre 30, ang skedyul ng X-ray imaging, ay hirap pa ang administrasyon ng bilangguan na ihatid ako sa Mati City Provincial Hospital, mga dalawang oras na byahe mula sa Baganga.

Marami pang inaayos sa loob ng bilangguan kasama na ang reorganisasyon ng mga gwardya ng buong Provincial Jail. Ang sabi naman ng isang duktor na nakausap ko ay babalik na sa dati ang buto pagkatapos ng apat hanggang anim na linggo kaya ayon, hindi ko na hinintay ang gagawing X-ray imaging na iniskedyul ng admin sa pangatlong linggo pa ng Nobyembre; masyadong matagal pa ito at lalo lang mag-atrophy o lumiit ang mga laman sa aking kanang paa, binti, at hita. Sa kabutihang palad, tama naman ang tantya ko. Hindi na masakit ang aking kanang paa at nasisimulan ko na ang pag-eensayo nito upang unti-unting tumubo at manumbalik ang mga laman.

Ngunit ang paglaya ng aking kanang paa noong Nobyembre 9 ay hindi pala nagustuhan ng OIC ng bilangguan. Nobyembre 10, Linggo, sa hindi masabi-sabing dahilan, ay nagdesisyon ang warden (OIC) na ipadlock ako sa selda. Hindi ako kinausap ng warden tungkol sa desisyong ito at pati ang mga kaselda ko ay nagtataka rin. Mula noon, hindi na ako pwedeng maglakad sa labas ng selda para magpaaraw.

Nalaman ko na lang nitong Nobyembre 12 na ang desisyong iyon ng warden ay may kinalaman daw sa seguridad ko kaya limitado na ang aking galaw dito, ngunit inalis na ang padlock ng selda mula noon.

Link

Ang dalawang taong nagpapalitan ng produkto

November 6, 2013
(Sinulat habang nasa Baganga Provincial Subjail.)

Isang positibong idinulot ng aking pagkapiit dito sa Baganga, Davao Oriental ay ang pagkakaroon ko ng maraming panahon, sa totoo lang halos buong panahon, sa pagbabasa, isang gawain na mahirap isingit sa napakadaming deadline na pilit habulin sa labas ng kulungan.

Sa loob ng dalawampung araw doon sa Mati City Provincial Jail, nakatapos ako ng dalawang nobela: The Gospel According to Jesus Christ ni Jose Saramago at Mass ni F. Sionil Jose, parehong premyadong manunulat: kay Saramago, Nobel Prize in Literature; kay Jose naman, Ramon Magsaysay Award on Literature. Dalawang nobela sa loob ng dalawampung araw ay sobrang bagal kung ikumpara sa maraming kaibigan ko na mahilig magbasa, ngunit para sa akin ay normal na bilis ng pagbabasa dala na rin ng matagal din bago ako nagkaroon ng hilig sa ganitong libangan, mga dyesenwebe anyos na ako noon. Mabibilang lang din ng aking mga daliri ang mga nobelang natapos kong basahin at isa na dyan ang paborito kong The Street Lawyer ni John Grisham. Marami ang nasimulang basahin ngunit sa kung anong dahilan ay hindi ko sila natapos. Baka kong tumagal pa ako dito ay matatapos ko na ring basahin ang Old Testament, New Testament, at mga librong Deuterocanonicals.

Anyway, ano ba sa Tagalog ang anyway?

Bigla akong ginanahang magsulat dahil sa isang ideya na nabasa ko sa libro ni Frederick Engels na Herr Eugen Dühring's Revolution in Science o mas kilala sa tawag na Anti-Dühring (1877). Ngunit hindi tungkol sa librong ito ang ibabahagi ko sa inyo ngayon; tungkol ito sa isang kwento na naalala ko nang mabasa ko ang isang pahina ng Anti-Dühring sa Chapter X: Equality. (Nakakaaliw ang librong Anti-Dühring lalo na sa isang siyentistang tulad ko. Hindi ko maiwasang humalakhak sa mga nakakatawang banat ni Engels sa mga sinulat ni Dühring. Nakakaawa si Dühring.)

Sa pahinang ito, tinalakay ni Engels ang konsepto ni Dühring ng pinakasimpleng modelo ng lipunan. Ito daw ay binubuo lamang ng dalawang tao (ayon sa interpretasyon ni Engels, dalawang lalaki na magkapareho o equal ang dalawa kaya hindi na isang babae at isang lalaki. Basahin nyo na lang ang sinulat ni Engels tungkol dito.) Ayon kay Engels, ang konseptong ito ay hindi na bago, isang siglo bago iyon sinulat ni Dühring ay ginamit na ito ni Rousseau, Adam Smith, at Ricardo. Kay Smith at Ricardo, mangangaso ang isa at mangingisda ang pangalawa, at sila ay nagpapalitan ng produkto. Dyan may kaugnayan ang kwento na naalala ko, kwento ng dalawang tao. Sa kwentong ito, nagpapalitan din ng produkto ang isang lalaki at isang babae, at sila ay mga totoong tao, hindi kathang-isip lang.

Si Maria ay nakatira sa malayong barangay sa bundok ng Mati City. Ang kabuhayan niya ay ang paggawa ng tuba, isang alak mula sa niyog, at pagbenta nito sa palengke ng Mati. Nakahanap si Maria ng paraan upang maubos o maibenta ang lahat ng tuba na tinda niya. Nakilala niya si Pedro na nakatira naman sa sentrong bahagi ng Mati at nagbebenta naman ng karneng baboy. Naging magkainuman si Maria at Pedro. Pagkatapos ng inuman at malamang medyo lasing na ng kaunti si Maria ay uuwi na ito sa bundok na may dalang karneng baboy katumbas ng dala niyang tuba na naibenta niya kay Pedro, na malamang ay medyo lasing na rin at ubos na din ang tindang karneng baboy.

Sa palitang ito, hindi na gumagamit ng pera. Ganyan pa ang antas na inabot ng ating lipunan kung saan talamak pa sa kanayunan ang sistemang barter, pero hindi ito katulad ng sinaunang sistemang barter dahil ang palitan ay nakaangkla din sa presyo ng mga produktong ipinagpapalit. Matutunghayan sa kanayunan ang pagpapalit ng mga naisuot ng damit (second-hand) sa prutas tulang ng saging o niyog. Ang kamote ay ipinambibili ng asin, mantika, o asukal. Maging ang lupa ay ipinagpapalit sa asin tulad ng nangyari sa lupain ng aking Subanen na lolo.

Malamang nagtataka kayo kung saan ko narinig ang kwentong ito. Kinwento ito ng isang anak ni Pedro na nakapiit din sa Mati Provincial Jail sa kasong pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Nakapiit din dito ang isang anak ni Maria na pagkatapos ng mahigit dalawang taon dito sa kulungan ay ililipat na sa ibang kulungan dahil matatapos na ang kaso niya. Aaminin na niya sa korte ang binagong kaso niya na rebelyon. Nahuli siya matapos ang ginawa niya at ng mga kasamahan niya na operasyong agaw-armas sa mga pulis ng Mati. Siya lang ang nahuli habang ang mga kasamahan niya ay nakatakas at malamang nakabalik na sa kabundukan ng Davao Oriental. Malaki ang tinamo niyang sugat sa binti kaya hindi sya nakatakbo. Natamaan siya ng isang kasama niya dahil sa komosyon na naganap. Habang may tama siya sa nakikipag-agawan siya ng baril sa isang pulis na natamaan din kalaunan ng pinag-aagawang baril at binawian ng buhay. Tatlong araw daw siyang tinortyur at hindi pinainom ng tubig o pinakain bago mahanap ng mga rumespondeng grupo na nagtataguyod ng karapatang pantao.

Sa loob ng mahigit dalawang taon ay minsan lang siya nadalaw ng kanyang ina, si Maria, dahil na rin daw sa limitadong kabuhayan nito at malamang ay dahil madalas itong lasing. Si Pedro naman ay ilang beses daw inatake ng stroke o alta-presyon. Hindi ko na maalala sa kwento ng kanyang anak kung siya ba ay buhay pa o patay na ngayon.

Link

Friday, November 28, 2014

Ang mga namamanang katangian ay hindi lang nagmula sa DNA

Ang artikulong ito ay sinulat sa loob ng Baganga Provincial Subjail at unang lumabas sa Pinoy Weekly noong ika-19 ng Enero 2014.

Hanggang ngayon, hindi pa rin makalimutan ng aking ina ang isang pangyayari noong high school graduation ko. Isang klasikong kuwento ng kahapon ito na hindi na mawawalan ng kapangyarihang patawanin kaming lahat sa pamilya. Kahit ngayon, habang sinusulat ko ito, hindi ko maiwasang ngumiti at matawa sa alaalang ito.

Pagkatapos ng graduation ceremonies noong hayskul, dumalo kami ng mga magulang ko sa pagsasalo kasama ang iba pang honor students at ang mga magulang nila, kasama ang mga guro sa paaralan, mga pinuno ng subject departments, ang principal, at mga panauhing pandangal na, kung hindi ako nagkakamali, mataas ang posisyon sa pambansang opisina ng DECS (Department of Education, Culture and Sports, ang dating pangalan ng DepEd) noon.

Tinanong ng panauhing pandangal ang aking ina kung paano raw ako pinalaki. Nagtataka o curious siguro siya kung paano ko nakuha ang halos lahat ng parangal, mula sa pinakamahusay sa Math, Science, English, Filipino, Home Economics & Technology, at iba pang asignatura, pati na rin sa Journalism at ang dalawa pa. Leadership Award lang yata ang hindi naigawad sa akin. Dahil hindi naman sanay ang aking ina sa ganoong sitwasyon–bilang hindi naman mataas ang kanyang pinag-aralan, hindi sanay sa wikang Tagalog, at hindi sanay na kausap ng isang taong may mataas na puwesto sa gobyerno. Wala siyang ibang nasagot kundi ang napakaiksing “pinadede, pinakain,”–sabay tawa.

Nagtawanan kami ng aking ama matapos ang kanyang napakasimpleng sagot. Hindi matapos ang aming tawanan kahit nasa jeep na pauwi ng bahay. Matagal namin itong pinagtawanan at pinag-usapan sa bahay. Hindi ko na maalala kung ano ‘yung binitawang mga salita ng aking ama nang tanungin kung ano ang kanyang isasagot halimbawang siya ang tinanong ng panauhing pandangal. Parang may mga binaggit siyang “pinalaki nila kami sa disiplina, mapagmahal sa kapwa, at malayang isipan.”

Napakasimple mang pakinggan ang sinagot ni Mama, pero may mabigat na basehan ito kung tatanungin ang librong Gabay at Lunas Sa Mga Karaniwang Karamdaman na inilathala ng Caritas Manila. Sabi sa libro, mas matalino at listo ang batang pinasuso ng ina. Hindi rin ito taliwas sa bagong findings sa larangang epigenetics na nagpapakitang ang arugang ibinibigay ng ina, partikular ang haplos na natatanggap ng sanggol ay may malaking epekto sa normal na paghubog ng utak nito.

Sa artikulong pinamagatang “DNA Is Not Destiny” ni Ethan Watters, isinalaysay ng manunulat ang iba’t ibang pananaliksik sa epigenetics na nagpapakitang ang paglaki ng isang organismo ay dinidikta hindi lamang ng DNA nito (genetics) kundi pati na ng kapaligiran nito, lalung lalo na habang ito’y binubuo pa lang sa katawan ng kanyang magulang at sa unang mga taon ng kanyang buhay. Nagsimulang humuli ng interes ang mga pananaliksik na ito ng dumaraming siyentista noong panahong nasa high school pa lang ako, sa mga unang taon ng dekada ’90.

Batay sa lumalabas na mga kaalaman sa larangang ito, hindi natin masasabi na ang katangian at pag-uugali, maging ang katalinuhan, ng isang tao’y simpleng namamana lamang sa mga magulang. May impluwensiya rin sa paghubog ng utak at alagang ibinigay sa tao habang sanggol pa ito. Hindi na bago ang kaalamang ito. Hindi na makakagulat ito sa maraming Pilipinong nanay (at nanay sa iba pang bansa) na matagal nang maingat at ibinigay ang lahat ng kayang ibigay sa kanilang mga sanggol at maging sa sanggol ng kanilang kapitbahay.

Bagamat hindi ito bagong kaalaman sa ating kultura, ang mga modernong pananaliksik ay nagbibigay ng mas matibay na pundasyon sa kaalamang ito—pundasyon na nakakatulong para makatuklas ng mga interbensiyong teknolohikal sa kaugnay na mga problema.

Sa isang pag-aaral ni Michael Meaney, isang biyolohiko sa McGill University sa Canada, tiningnan nila ang magnetic resonance imaging (MRI) na litrato ng utak ng mga adult (o mga tanong nasa tamang gulang na) na mababa ang timbang noong ipinanganak. Sa palatanungan (questionnaire) na sinagutan ng mga adult, tinanong sila kung gaano kaganda ang relasyon nila sa kanilang ina. ’Yung mga taong hindi maganda (poor) ang kanilang relasyon sa kanilang ina ay nakitang may hippocampus na mas maliit kaysa sa karaniwan. ’Yung mga tao naman na nagsabing malapit sila sa kanilang ina ay nakitang may normal na laki na hippocampus.

Ang hippocampus ay isang bahagi ng utak na may kinalaman sa pagresponde ng mga tao sa problema o stress sa buhay

Tanggap ni Meaney na hindi ganoon kasolido ang koneksiyon dahil may kaakibat na suhetibismo ang mga sumagot sa questionnaire tungkol sa kanilang relasyon sa ina. Ganumpaman, malaki ang suspetsa ni Meaney na ang aruga ng magulang (quality of parenting) ay may impluwensiya sa magkaibang hugis ng mga utak ng taong kasama sa survey.

Sa isang pagsisikap na gawing solido ang koneksiyon, inilunsad niya at ng iba pang mananaliksik ang isang ambisyosong limang taon at multimilyong dolyar na pag-aaral na titingin sa epekto ng pag-aaruga sa ilang daang sangol. Bilang test group, ginamit ni Meaney ang mga inang may nararamdamang matinding kalungkutan (depression), na madalas ay may kahirapan sa pagbibigay ng pagmamahal at pag-aalalga sa kanilang sanggol na magreresulta naman sa madalang na paghaplos (caress) nila kaysa sa mga sanggol sa mga inang walang depresyon na nararamdaman. Ang kanilang sentral na tanong ay kung may kinalaman ang haplos sa sanggol sa malusog na paglaki ng utak nito.

Source: Discover
May nauna nang eksperimento si Meaney kaugnay nito. Kasama ang estudyante niyang si Ian Weaver, kinumpara nila ang dalawang uri ng inang daga: iyong masipag na dinidilaan ang mga sanggol nito at iyong pinapabayaan lang ang kanilang sanggol. Lumaki ang mga dagang sanggol sa ilalim ng dalawang ina na may pagkakaiba sa ugali. Ang mga sanggol na dinilaan ay lumaking relatibong matapang at kalmado (para sa mga daga). Ang mga sanggol naman na pinabayaan ay lumaking nerbyoso at humaharurot sa pinakamdalim na sulot kapag nilipat sa bagong kulungan.

Ang resulta ng eksperimentong ito ni Meaney at Weaver ay hindi kumpletong naipaliwanag ng simpleng genetic na dahilan lamang; pareho lang naman ang lahi ng dalawang uri ng daga. Bagamat hindi malinaw sa artikulo ni Watters, maaaring ginawa rin nila sa eksperimento na ilagay sa kulungan ang sanggol na daga na hindi direktang nanggaling sa inang daga sa parehong kulungan. Kumbaga, hindi nito simpleng namana ang pag-uugali noong malaki na sila. Sa kabilang banda, hindi rin masasabing natutunan lang ito ng daga na matatapang at kalmado dahil sanggol pa lang ito noong kasama nito ang ina.

Sa madaling salita, ang pagkakaiba ng pag-uugali ay magkahalong epekto ng nature (genetic) at nurture (environment). Ayon kay Meaney, “Hinahamon ng eksperimentong ito ang mga teorya sa larangang biyolohiya at sikolohiya (psychology). Ang mga pang-angkop na katangian (adaptive responses) ay hindi namamana o basta na lang umusbong mula sa DNA, kundi nahuhubog ng kapaligiran.”

May isa pang aspekto ng eksperimento na hindi pa natin natalakay dahil nangangailangan pa ito ng mas malalim na kaalaman sa biyolohikal na mekanismong kinasasangkutan ng DNA. Matapos suriin ang brain tissue ng parehong daga na dinilaan at hindi dinilaan, nakita ng mga mananaliksik ang malinaw na pagkakaiba sa DNA metylation patterns sa hippocampus cells ng bawat grupo. Ang resulta nito’y ang mas maraming aktibong serotonin receptors sa mga dagang dinilaan kung kaya ay mas mababa ang stress hormone na cortisol sa utak nito na siya namang dahilan kung bakit sila kalmado. Ang mas mataas na antas ng cortisol sa mga dagang hindi dinilaan noong sanggol pa ay siyang dahilan kung bakit nerbiyoso ang mga ito at magugulatin kapag nalilipat sa bagong kulungan. Sa pamamagitan ng simpleng pag-uugali ng nanay tulad ng pagdidila sa sanggol nito, direktang hinuhugis ng mga nanay na daga ang utak ng kanilang mga supling.

Source: Wikipedia
Upang maunawaan kung ano itong DNA methylation, ihambing natin ang mga rekado para sa isang malaking paggawaan ng samu’t saring kemikal. Ang bawat rekado’y hindi pangalan ng aktuwal na panghalong kemikal kundi isang code o address ng drawer kung saan nakalagay kung paano ito lulutuin mula sa apat lang na pinakasimpleng panghalo na mayroon sa kusina. Hindi lahat ng drawer ay maaaring buksan. Mayroong ilan na likas na nakakandado kaya kahit nakalagay pa rin ang address ng rekadong ito sa listahan (ang DNA) ay hindi pa rin ito puwedeng lutuin ng kusinero–hindi niya makukuha ang instruksiyon ng pagluto sa loob ng drawer. Ang DNA methylation sa ganitong paghahambing ay ang paglalagay ng kandado sa drawer. Pinipigilan nito ang pagluto ng rekadong kinandado. Ang listahan ang DNA–ang address ng drawer ang gene–at ang paglalagay ng kandado sa drawer ay ang DNA methylation. Ang kandado naman ang tinatawag na dimmer switch.

Sa eskperimentong Meaney-Weaver, ang nakita nilang epekto ang pagkatanggal ng kandado sa drawer kung saan may instruksiyon o recipe ng pagluto ng aktibong serotonin receptors, na espesyal na mga protinang nakadikit sa mga pinto o gate ng malaking pabrika sa hippocampus. Maaari nating ihambing ang hippocampus sa isang siyudad na may maraming malaking pabrika na maaari namang ituring na kahambing ng selyula sa hippocampus. Maliban sa hippocampus, may isa pang siyudad sa utak na ang espesyalisasyon naman ay ang paggawa ng kemikal na serotonin, isa pang tipo ng protina na pinapadala sa hippocampus.

Ang pagdila at paghaplos sa dagang sanggol ay nagbibigay ng pahintulot o utos sa siyudad ng mga serotonin na gumawa sila ng marami nito. Pagkagawa nila ng serotonin, pinapadala nila ito sa hippocampus at malamang sa iba pang bahagi ng utak, o iba pang mga siyudad na may kanya-kanyang espesyalisasyon. Ang mga pinapalaki na serotonin ay nakikita at kinukuha ng serotonin receptors sa pintuan ng malaking paggawaan. Pagkatanggap sa serotonin, magsisigaw na sa loob ng pabrika ang serotonin receptors na nakatanggap ito ng serotonin, isang mensahe sa pabrika upang bawasan kung hindi man itigil ang pagluto ng stress hormone na cortisol. Sa madaling salita, ang pagdila sa sanggol ng daga ay magtatalaga ng serotonin receptors sa hippocampus nito na magbibigay sa daga hanggang pagtanda ng kakayahang bawasan ang cortisol sa utak.

Ang ganitong papel ng serotonin na nagpapababa sa stress chemical na cortisol ang siyang dahilan kung bakit ito binansagang happy hormone. Ngunit hindi eepekto ang serotonin kung walang receptors para dito. Kumbaga hindi malalaman sa loob ng pabrika na maraming dumating na serotonin sa labas nito kung walang serotonin receptors sa may pintuan. Maaari ring sabihing may nag-iisang pirma ang serotonin na serotonin receptors lang ang nakakakilala.

Mahigpit na nakapulupot ang DNA sa mga protinang tinatawag na histone. Kailangan munang luwagan ang pagkapulupot nito bago mabasa ang impormasyong taglay nito. Dahil dito, ang pagbabago sa mga histone ay nakakaapekto sa pagbasa ng ilang genes. Kung luluwagan ang pagkakapulupot sa isang bahagi ng DNA na likas na sobrang higpit, magbibigay ito ng pagkakataon sa mga apektadong gene na mabasa. Kung mahihigpitan naman lalo ang pulupot, mahihirapang basahin ang impormasyon sa bahaging ito ng DNA, at maaaring hindi na maluto ang kinakailangang protina. Ito ang tinawatawag na histone modification at pangalawa sa hindi bababa sa tatlong paraaan ng pagbabagong epigenetiko. Ang pangatlong paraan, na hindi ko kabisado kung paano nangyayari, ay ang tinatawag na chromatin remodeling. [Dagdag: Tingnan din ang artikulo sa Wikipedia tungkol sa MicroRNA at sRNA ]

Kasama ang DNA methylation, ang tatlong pagbabagong epigenetiko’y may malaking epekto sa pagbasa o hindi pagbasa ng impormasyong taglay ng DNA sa bawat selyula ng ating katawan. Hindi nila binabago ang genetic code mismo, pero malaki ang mga naidudulot na pagbabago ng tatlong prosesong ito sa katangian at pag-uugali ng organismo. Dagdag pa riyan, namamana rin sa ibang henerasyon ang mga pagbabagong ito.

Na namamana ang pagbabagong epegenitiko ay isang nakakagulat na kaalaman kamakailan sa larangang ito—kaalaman na maaaring magtulak ng malaking pagbabago sa teorya ng eboluyson na sinimulan ni Charles Darwin. Hindi lang pala ang mahabang listahan na DNA ang naipasa ng mga magulang sa kanilang mga anak. Hindi inakala ni Michael Skinner, isang geneticist sa Washington State University, na ang pagbabago sa bayag ng mga anak na daga ng inang daga na binigyan niya ng isang kemikal na panlaban sa amag (fungicide) ay mamamana ng mga apo ng inang daga.

Sa isang eksperimentong ginawa niya noong 2004, tinurukan niya ng maraming dose ng kemikal ang inang nagbubuntis. Mababang bilang ng sperm cells ang epekto nito sa mga anak na daga. Laking gulat niya nang makitang maging ang apo ng kontamindong inang daga ay mababa din ang sperm count. Ganoon din ang apo sa tuhod at mga sumunod pa na henerasyon nito. Bagamat walang pagbabago sa DNA na idinulot ng fungicide, namamana pa rin ang epekto nito.

Sinalaysay ni Watters sa kanyang artikulo sa lathalaing Discover na lumabas din sa aklat na The Best American Science and Nature Writing of 2006 ang implikasyon ng mga bagong kaalaman sa epigenetiko sa maraming aspekto ng buhay ng tao. Nandiyan ang malaking posibilidad na magagamit ito sa pagdidisenyo ng diet at mga gamot. Binanggit din ng mga siyentistang kanyang kinapanayam ang epigenetikong epekto na maaaring maidulot ng prenatal vitamins tulad ng folic acid na kilala bilang methyl donor—isang kemikal na kailangan para mangyari ang prosesong DNA methylation. Malamang ang colostrum sa suso ng bagong panganak na ina ay may epigenetikong pagbabago na naidudulot sa sanggol.

Sa lahat ng implikasyon ng epigenetiko na nabanggit sa artikulo, paborito ko ’yung sinabi ni Randy Jirtle, isang eksperto sa kanser sa Duke University. Sinabi niya na ibinalik ng epigenetiko ang konsepto ng free will sa ating ideya tungkol sa DNA.

(Salamat kay Consie L. Taguba para sa encoding)

Link

Thursday, November 27, 2014

Mga kuwento sa piitan

Ang artikulong ito ay sinulat habang nasa loob ng Baganga Provincial Subjail. Una itong lumabas sa Pinoy Weekly noong ika-12 ng Enero 2014.

Mula Selda 5 ng Mati City Provincial Jail, inilipat ako sa Selda 4 ng Baganga Jail sa Davao Oriental. Maraming malakas na hampas ng mga alon ng Karagatang Pasipiko habang tanaw naman mula rito ang mahabang bulubundukin ng Davao Oriental. Sa loob naman ng mga selda ay maririnig ang maraming kuwento na tila ang selda ay isa ring karagatan ng kabiguan, pagkakamali, walang katotohanang bintang na mababasa sa mga papel ng korte, at maging mga desisyong hindi kailanman pinagsisisihan dahil pinaniniwalaang tama lang. Tanaw naman mula sa loob ng bilangguan ang bulubundukin ng pag-asa ng paglaya at pagbabalik sa mga mahal sa buhay at sa mga lupang naiwan at naghihintay na maalagaan at madiligang muli.

Si Tatay Pedro (hindi tunay na pangalan) ay apat na buwan na sa piitan. Ang sabi sa papel, nagnakaw siya (qualified theft)–isang paratang na pawang kasinungalingan, ayon sa kanya, paratang na ibinunga ng pagiging mangmang ni Tatay Pedro. Hindi siya nakakapagbasa at nakakapagsulat maliban na lamang sa pagguhit sa papel ng kanyang pirma.

Ngunit hindi na mahalaga ang buong kuwento sa kaso ni Tatay Pedro, sapagkat anuman ang kahihinatnan ng kanyang kaso ay matagal ng sinentensiyahan si Tatay Pedro ng kanyang tagal dito sa mundo. Siya ay 78-taong gulang na! Dahil sa bagal ng usad ng hustisya, ang patuloy na pagkapiit ni Tatay Pedro habang hinihintay na kumpirmahin ng korte ang kanyang pagiging inosente sa akusasyong ibinato sa kanya ay walang pagkakaiba sa pagpapataw ng parusa sa taong may kasalanan. Huwag na nating hintaying abutin ni Tatay Pedro sa loob ng piitan ng mga inosente ang katapusan ng kanyang buhay na sana ay iginugugol niya sa piling ng kanyang asawa at apat na anak ang kanyang nalalabing taon. Tanggalin na natin ang piring ng hustisya upang makita nito kung gaano na katanda at kahina ng pangangatawan ni Tatay Pedro.

Isang kuwento naman ng paglaya ang maririnig sa labi ni Bobong, 28 anyos. Matapos ang halos limang taon sa kulungan, sumuko ang hukuman dahil hindi nito kayang patunayan ang kasalanan ni Bobong. Dalawa sila sa parehong kaso, dalawang preso na pinalaya ng kanilang tagal sa kulungan. Iligal na paghawak ng ipinagbabawal na gamot, marijuana. Tatlong kilo raw ang nakita sa loob ng bag na hawak niya habang sakay sa pampasaherong motor ni Boyet, ang kasamang lalaya. Walang kaalam-alam si Bobong kung ano ang laman ng hawak niyang bag, na pinahawakan sa kanya ni Boyet.

Pasahero lamang siya pababa ng bundok kung saan siya ay naghahanap-buhay, kung saan kasama siya sa mga namumutol ng mga malalaking puno tulad ng lauan at narra para maibenta sa mga negosyante na naghihintay sa kalunsuran. Sakay sa motor, pababa na sila papunta sa lungsod nang sila ay hinarang ng isang dosenang sundalo na nakadeploy sa mga panahong iyon sa barangay kung saan nagaganap ang pamumutol ng mga puno at pagtatanim ng marijuana. Tinanong sila tungkol sa presensiya ng mga rebelde sa lugar. Hindi na raw kakasuhan kung ituturo ang kuta ng mga rebelde.

Ngunit wala silang alam tungkol dito. Mariing sinabi ni Bobong na hindi kanya ang marijuana at hindi siya kailanman gumamit nito. Itinuro niya si Boyet na tahimik lang sa buong panahon ng interogasyon. Kumuha ng ilang dahon ng marijuana ang sundalong nagtatanong, nilagay ito sa isang piraso ng papel, nirolyo, at sinindihan. Pilit pinahithit si Bobong, inubo siya sa unang higop at sumakit ang sikmura. Palibhasa hindi kailanman nakatikim nito. Pinasa-pasa ang rolyo sa lahat ng sundalo hanggang sa ito ay maubos.

Dinala silang dalawa sa Mati para sa drug testing. Positibo si Boyet. Negatibo si Bobong. Inilipat ang kustodiya sa mga pulis ng Baganga. Apat na taon ang nakaraan, matapos ang ilang skedyul ng hearing sa korte, nagdesisyon ang punong hukom na idismis ang kaso. Hindi na kayang patunayan ng hukuman ang kasalukuyang inakusa sa kanila. Ang balita ay patay na raw ang sundalo na pumirma sa papeles ng paglipat nila sa pulis. Wala ni isang sundalo na mga humuli sa kanila ay tumestigo na wala naman sila sa aktuwal na paghuli. Ang tanging witness, ang sundalo na patay na. Namatay daw sa isang engkuwentro sa mga rebelde. Kaya naman malaki ang pasasalamat ni Bobong at Boyet sa mga rebelde.

Makikita sa mga mata at ngiti ni Bobong ang tuwa at saya habang nililigpit ang mga gamit sa kulungan. Hinihintay na lang ang release order ng kanyang paglaya sa bilangguan ng Baganga. May mga plano na raw siya kung ano ang gagawin sa labas ng bilangguan. Patuloy na maghahanap-buhay nang marangal. May lumapit na opisyal ng gobyerno at nag-offer ng posibleng hanapbuhay, magiging bodyguard nito. Isang buwan muna daw siyang magpapahinga sa kanyang mga magulang bago tanggapin ang offer.

Si Boyet naman ay babalik sa kanilang barangay kung saan naghihintay ang kanyang mga magulang, kapatid, at lupaing puwedeng pagtamnan ng gulay, prutas, o marijuana.

(Salamat kay Laorence Castillo para sa encoding.)



Link

Tuesday, November 25, 2014

Sino ang may pananagutan sa problema sa basura?

Ang artikulong ito ay sinulat habang nasa loob ng Baganga Provincial Subjail. Una itong lumabas sa Pinoy Weekly noong ika-6 ng Enero 2014.

Hindi na bago sa mga Pilipino ang ideya na ang kaunlaran ay nagdudulot ng pagkasira ng kapaligiran. Ayon sa popular na kanta ng Asin, hindi masama ang pag-unlad kung hindi nakakasira ng kalikasan. Ngunit kung ikaw na ordinaryong tao ang tatanungin, gaano ba kalaki ang kontribusyon mo sa pagkasirang ito? Karaniwan na sa kanayunan ang pagsusunog ng basura sa paligid ng bahay pagkatapos silang walisin at ipunin sa isang tabi. Imbes na sunugin, ano naman ang maaari nilang gawin dito? Ibaon sa likod ng bahay para maging pataba? Paano naman ang mga basurang hindi nabubulok kaagad sa ilalim ng lupa? Saan sila itatambak? Ang suliranin sa pagtatapon ng basura ay isa lamang sa maraming usaping pangkalikasan, at ito ang totoong kaakibat ng pag-unlad ng lipunan.

Sa pag-unlad ng lipunan, dumarami ang mga produktong nalilikha ng tao: mga produktong nakakatulong sa pagpapagaan sa proseso ng pagtatanim ng palay at iba pang pinagkukunan ng pagkain; mga produktong nakakapagpadali sa pagdadala ng mga produktong agrikultural; mga produktong nakakapagpaginhawa sa pamumuhay at sa mga gawain sa loob ng tahana; mga produktong nagbibigay saya o mga produktong pang-sining; mga produktong nagluluwal ng iba pang produkto; at marami pang klase ng produkto na nalilikha sa sangkatauhan.

Kahit ang mga hayop ay nagtatapon din ng basura. Pero huwag na natin silang sisihin sa problemang hindi nila kayang lutasin. Masisisi ba natin ang mga ibon na kung saan-saan na lang binabato ang mga buto ng prutas pagkatapos itong kainin? Ang mga unggoy sa gubat na kung saan-saan lang tinatapon ang balat ng saging? Ang mga baboy ramo na kung saan-saan lang tumatae (pasensya na sa mga kumakain)?

Bumalik tayo sa mga tao. Ano nga ba ang solusyon sa suliranin sa basura? Masasagot natin ito kung maiintindihan natin kung paano umusbong ang parami nang paraming basura na nalilikha natin. Kung mga hayop ay hindi natin masasangkot sa problemang ito, mayroon ding pagtatanggi sa laki o liit ng ambag ng bawat tao sa problemang ito.

Ang ordinaryong mamamayan na nagtatapon ng balat ng kendi sa daan ay hindi hamak na mas maliit ang ambag kaysa sa may-ari ng pabrika ng kendi na napakalaki ang kinikita sa paglikha ng kendi. Kung walang kendi na nalikha sa pabrika, wala ding basura na maitatapon sa daan. Sino ngayon ang dapat singilin para malutas ang ang problemang ito? Si Mr. Candyman ba na limpak-limpak ang tubo sa pagluluto at pagbebenta ng kendi o si Juan na pagkatapos ilabas ang kendi ay itatapon lang sa labas ng jeep ang balat? Si Lucio Tan ba na milyun-milyon ang kinikita araw-araw sa paglilikha ng sigarilyong di-maubos o si Pedro na pagkatapos ubusin ang sigarilyo ay itatapon lang upos sa kalsada? Si Henry Sy ba na maliban sa kita niya sa kanyang tindahan ay tubong-lugaw na rin sa mga plastic bag na pambalot ng binili ni Maria o si Maria na tinatapon ang bag sa kalye kapag ito ay sira na?

Ang pananagutan sa problemang basura ay nakatuon sa kung sino ang lumilikha at nakikinabang sa paglikha nito. Kahit sa basura sa hangin na nagdudulot ng pagbabago ng klima (climate change), ang may pananagutan ay ang mga mayayamang bansa na siyang may pinakamalaking volume na ibinuga at patuloy na ibinubugang greenhouse gas, hindi ang Pilipinas na mas maliit pa sa 1% ang ambag nito. Ang lumilikha at yumayaman ang may pananagutan at sila ang dapat singilin para sa pagbubuo ng mga imprastruktura para ayusin ang pagtatapon ng basura. At bago natin makalimutan, mayroong gobyerno para gawin ang lahat nang ito.

Sa madaling salita, gobyerno ang dapat maningil sa mga tagapaglikha ng basura, gobyerno ang dapat magtayo ng imprastuktura sa pag-aayos ng mga basura. Gobyerno ang dapat maglagay ng mga basurahan sa bawat kanto ng daan. Para saan pa ang napakalaking buwis na napupunta sa pork barrel na kontrolado ng Pangulo?

Kaya imbes na sisihin si Juan, Pedro, at Maria, ipaunawa natin sa kanila ang kahalagahan ng wastong pagtatapon ng basura. Ipaunawa natin sa kanila ang kahalagahan ng pagsasama-sama upang singilin ang gobyerno sa problema sa basura at gamitin nito ang pork barrel para maglagay ng mga basurahan sa bawat kanto sa lahat ng kalye sa bung bansa, para magtayo ng mga na makabagong imprastuktura para ayusin ang samu’t-saring basura na nililikha ng mga yumayaman dito. Ipaalala natin sa kasalukuyang gobyerno na hindi lahat ng basura ay bawal itapon sa Ilog Pasig. Ang basurang gobyerno ay nararapat lamang na itapon at palanguyin dito.

(Pasasalamat: Laorence Castillo)

Related: The Story of Stuff


Link

Monday, November 24, 2014

Ang mga orasan sa ating katawan

Isinulat ang artikulong ito noong ika-5 ng Nobyembre 2013 habang nasa loob ako ng Baganga Provincial Subjail. Una itong lumabas sa Pinoy Weekly noong ika-23 ng Disyembre 2013 na may pasasalamat kay Hiyasmin Bisoy para sa pag-encode ng sulat-kamay.

Marami sa mga sumusubaybay sa aking kaso ang naging interesado sa isang espesyalisasyon sa agham na kronobiyolohiya o ang pagaaral sa mga regular na ritmo sa mga hayop, halaman, at iba pang buhay na bagay.

Kasama sa mga pinag-aaralan dito ang pang-araw-araw na pangyayari sa ating katawan tulad ng pagtulog; ang buwanang dalaw ng mga babae; ang regular na pagbabago sa o galaw ng mga hayop sa baybaying dagat ayon sa lalim ng tubig;at ang taunang alaw n gmga populasyon ng ibon mula hilaga hanggang timog at pabalik; mga ritmong arawan buwanan, taon-hunas (pasensya na hindi ko maalala ang Tagalog nito), at taunan. Ang apat na ritmong ito ay tinitingnan bilang batayan sa mga ritmong biyolohikal dahil malinaw ang kaugnayan nito sa galaw ng pinaka-maimpluwensyang bagay sa kalawakan: ang araw at ang buwan. Ngunit marami pang mga ritmo sa katawan ng bawat organismo ang may katangi-tanging haba na hindi mahuhulog sa ritmikong galaw ng araw at buwan tulad ng pagpitik ng puso ng mga hayop, haba ng buhay ng mga selyula ng dugo, ritmo ng paghahati ng mga selyula ng katawan, at iba pang paulit-ulit na nangyayari sa katawan ng isang organismo.

Sa pag-aaral ng mga ritmo, maging ito ma’y pisikal tulad ng ugoy ng duyan, o biyolohikal, kailangang gumamit ng mga eksaktong paraan ng pagsukat nito. Dito natin magagamit ang kaalaman ng mga liknayano (sa English ay physicist) na bihasa sa mga ritmo. Ang matematika sa likod nito’y umunlad nang mabilis pagkatapos ng Ikawalang Digmaang Pandaigdig, nang maimbento ang mabibilis na makinang pangkwenta, ang kompyuter. Dito natuklasan na ang klase-klaseng ritmo sa mundo ay mahahati sa tatlong batayang uri: peryodikal, mala-peryodikal, at magulo (sa English ay chaotic).

Ang peryodikal na ritmo ay ang pinakasimple kung ipaliwanag dahil paulit-ulit lang ang galaw nito, may isang period lang ito tulad, halimbawa, ng ugoy ng duyan. Ang mala-peryodikal at magulong ritmo ay may kakaibang katangian; hindi eksaktong umuulit ang galaw bagamat meron pa ring pagtatangka na balikan ang nadaanang posisyon. Ang mga ritmo sa panahon tulad ng bagyo, ulan, at hangin ang mga halimbawa nito. Ang matematika sa likod ng mga ritmong pisikal tulad ng ugoy ng duyan o pag-ikot ng mundo ay sinubukan ding gamitin ng knonobiyolohiko para sukatin at ipaliwanang ang samu’t-saring kaugalian ng mga ritmong biyolohikal.

Isa sa mga pinakakilalang simbolo ng chaos theory, ang Lorenz attractor.
Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa kasaysayan ng pagtuklas at pag-unald ng matematika sa likod ng mga ritmo, maaring basakin ang librong Chaos ni James Gleick. Ang librong Sync ni Steven Strogatz naman ay isang pinasimpleng pagpapaliwanang sa maraming ritmong biyolohikal. Ang isang limitasyon lang sa dalawang librong ito ay nasa wikang English ito.

Halimbawa ng isang actogram na pamilyar sa mga kronobiyolohiko. Pinapakita ng tuwid na linya ang isang mala-24 oras na ritmo.
Noong 1960, isinagawa ang pagpupulong ng mga siyentista na ang pananaliksik ay may kaugnayan sa ritmong biyolohikal. Ginanap ito sa isang sentrong pananaliksik sa Estados Unidos, sa Cold Spring Harbor Laboratory, at dinaluhan ng mga biyolohiko na may iba-ibang espesyalisasyon, enhinyerong kemikal at mga kemiko, mga liknayano, at mga doktor medikal sa Estados Unidos at maraming bansa sa Europa. Mula sa pagpupulong na ito ay nabuo at unti-unting lumawak ang komunidad ng mga siyentista na kalaunan ay nagtatag ng kanya-kanyang laboratoryo at sentro ng pananaliksik (research centers) sa espesyalisasyong kronobiyolohiya. Mahalagang banggitin na bago pa man ang pagpupulong na iyon ay marami ng mga obserbasyon at pananaliksik na naisagawa sa Alemanya tungkol sa katangian ng mga halaman na may ritmong arawan tulad ng paggalaw ng mga dahon. Ang mga resulta sa mga pananaliksik na iyon ay isa sa mga naging tampok na ulat sa Cold Spring Harbor.

Ang mga paraan ng pagsusukat ng ritmo na pinaunlad at patuloy na pinauunlad ng mga liknayano at matematiko ay nilapat sa ritmong biolohikal. Ang mga teorya ng resonans (resonance), isang penomenon kung saan may pagsasabay ng galaw ng dalawang ritmo, ay naging sentral na teoryang matemtikal upang maipaliwanag ang samu’t saring ritmong biyolohikal. Halimbawa, ang ritmong arawan ay masasabing indikasyon ng kahalagahan ng kakayahang sumabay ng mga organismo sa ritmo ng mundo sa sarili nitong timong-hilagang axis; mahalaga sa buhay ng maraming, kung hindi man lahat ng orgranismo na makasabay sa pagsikat at paglubog ng araw. Sa madaling salita, ang ritmo ng organismo at ang ritmo ng sikat ng araw ay nagkaroon ng resonans.

Ang ritmo ng pagtulog ng tao ay mahalagang magresona sa ritmo ng sikat ng araw upang makasiguro ntiong gising ang katawan sa mga oras na mas madaling mangalap ng pagkain at nakakapagpahinga ang katawan sa mga oras na dapat makaiwas sa mga mababangis na hayop; mahalaga na mapanatiling gising sa araw, at ang gabi naman ay igugol sa pagtulog kung kailan mahirap maghanap ng pagkain at aktibo ang mga lobo.

Isang halimbawa ng ritmong buwanan ay ang pangingitlog ng mga insekto. May mga species ng insekto na ang uod nito ay kumakain ng buto at ng katutubo lang na mais o palay. Ang mga itlog ng mga insektong ito ay nagiging uod sa panahon kung kailan “hindi lumulubog ang buwan”, isang obserbasyon ng mga magsasaka na ang ibig sabihin ay masisilayan pa rin ang buwan kahit maliwanag na ang sikat ng araw.

Ayon sa mga magsasaka dito sa Davao Oriental at sa katabing probinsiya ng CompostelaValley, hindi dapat magtanim ng palay o mais sa mga araw na ito dahil mauubos lang ng mga dangan na insekto ang mga buto o katutubong halaman. Ang natuklasan nilang sistema ng pagtatanim ng mais o palay ay itaon ito pagkatapos ng kabilugan ng buwan. Sa matagal na panahon ng pagsasaka at pagnanais na mabuhay sa gitna ng kumplikado at nagbabagong kapaligiran, nadiskubre nila ang ritmong buwanan ng mga species ng insektong namemeste sa kanilang mga pananim. Ang ritmong ito ng mga insekto ay nag-resona sa ritmo ng pagbilog ng buwan, kung gagamitin ang wika ng matematika.

Sa pagtanim naman ng palay, iniiwasan ng mga magsasaka ang anihan o kaya ang pagtatanim sa mga buwang Abril at Mayo. Sa mga buwang ito, malakas ang atake ng mga ibong maya, kinakain nito ang mga buto ng palay na nasa lupa o di kaya ang mga buto ng palay na mahihitik na sa mga damo. Ayon sa kanila, ang buwan talaga ng Mayo ang pinaka-aktibo at pinakamarami ang ibong ito. Sa isip ko lang, baka ito ang pinagmulan ng pangalan ng species ng ibon na ito. Ang sistemang ito sa pagtatanim ng palay ay ginagawa lamang sa mga bundok kung saan tuyo ang lupa. Sa mga patag na lupain, ang mga palayan ay lubog sa tubig kaya ang pagtatanim ay pwedeng gawin sa buong taon basta’t ang anihan ay hindi gaawin sa buwan ng Abril at Mayo. Sa mga kabundukan dito sa Davao Oriental, nagsisimula silang magtanim sa Nobyemre. Hindi na pwedeng magtanim pagkatapos ng kalagitnaan ng Disyembre dahil aabutin na ng pag-dami ng maya ang anihan. Ang katangiang ito ng ibong maya ay tumutugma sa maraming pananaliksik na nagpapakita ng ritmong taunan ng maraming species ng ibon, lalo na ang mga migratoryong klase. Sa ritmong taunang ito, nagreresona ang ritmong biyolohikal sa taunang (seasonal) pagbabago ng sikat ng araw. Ang ritmong ito ng mga ibon ay mas tampok sa mas hilagang mga bansa kung saan dumadayo ang napakadaming ibong migratoryo tuwing tag-init (summer) at lumilipad patimog tuwing tag-lamig (winter).

May mga ritmong tauban (circatidal rhythms) na mapapansin sa mga hayop at iba pang organismo na nakatira sa mga dalampasigan tulad ng lokasyon ng Baganga Jail. Ang ritmong ito ay nagreresona sa pagtaas-baba ng tubig na siyang sumasabay naman sa magkasamang galaw ng buwan at araw.

Ang apat na ritmong biyolohikal na nabanggit sa itaas ay nagpapakita sa impluwensya ng paggalaw ng mga bagay sa kalawakan, ang araw at ang buwan, sa patuloy na pag-unlad ng mga buhay na bagay dito sa ating planeta. Ang ritmong biyolohikal na ito ay taglay ng mga buhay na bagay at hindi lamang epekto ng pagbabago ng kapaligiran. Bilang patunay, sa mga eksperimentong ginawa upang gawing konstant o di-nagbabago ang liwanag, patuloy pa ring makikita ang mga ritmong arawan sa organismong pinag-aaralan bagamat’t hindi eksaktong 24 oras ang haba ng bawat pag-ulit ng ritmo. Patunay ito na nasa loob ng organismo o internal ang ritmong arawan.

Sa tao, ang internal na orasang ito ay isang maliit na tisyu sa hypothalamus, isang bahagi ng utak na tinatatawag na suprachiasmatic nucleus o SCN. Ang tisyung ito ay direktang konektado sa ating mga mata; isang indikasyon na ang liwanag sa paligid na mas masinsing prinoproseso ng mga mata ang siyang pinakamahalagang impormasyon na kailangan ng katawan para makasabay sa pagbabago ng sikat ng araw. Ang internal na orasan na nasa SCN ay hindi eksaktong 24 oras na ritmo ng araw. Ang mekanismo ng pag-reset na nagaganap ay aktibong inaalam sa mga kontemporaryong pananaliksik. Ang apat na dekada na ebidensyang nakalap sa mga eksperimento, obserbasyon, at mga pananaliksik ay nagtuturo sa SCN bilang ang tunay na internal na orasan ng ating katawan.

Halos lahat ng organismo ay may internal na orasan. Maging ang napakasimpleng mikrobyo na cyanobacteria, na ang buong katawan ay isang selyula lamang,ay merong internal na orasan. Simple lang ang orasan ng cyanobacteria: tatlong protina na nagbabago ang hugis at konsentrasyon sa loob ng selyula. Kahit sa loob ng test tube, na hindi na kasama ang iba pang kemikal ng selyula, patuloy ang ritmong arawan ng tatlong protinang ito.

Sa mga susunod na kolum ay tatalakayin natin ang iba pang mga eksperimento at pananaliksik sa ritmong biyolohikal. May mga interesanteng kwento mula sa mga magsasakang nakasalamuha ko sa paglalakbay dito sa kanayunan ng Davao Oriental at Compostela Valley; interesante sa punto de bistang akin bilang isang behavioral biologist at physicist; mga kwento tungkol sa iba’t ibang karanasan ng mga magsasaka sa patuloy na pakikisalamuha nila sa kalikasan.

Link

Dear Kim

Ang liham na ito ay sinulat at pinadala sa akin noong nasa loob pa ako ng Baganga Provincial Subjail. Maraming salamat Marah at sa lahat ng nagpadala ng liham at anupamang ekspresyon ng suporta.


Dear Kim,
Ano bang nangyari sa iyo ha? Jusko, pagbalik ko ng opisina, wala ka na.

Sabi nina Aunt at Meggie, wala na, nandito na tayo. Kaya kukumustahin na lang kita. Kumakain ka ba nang ayos dyan? May maayos bang CR at malinis na tubig? Maglaba ka lagi, lalo na ng kumot at bedsheet, pangontra na rin yun sa surot. I’m sure maraming insekto dyan. Ang skin! Wag kakamutin ang mga pantal at butlig.

Marami nang nagaganap dito. Nakakabalita ka naman raw sabi nila, may radio ka ata? Kalakha ng balita tungkol sa pork barrel, syempre sa spin na gusto ng Malakanyang. Ang chaka chaka na nga, biruin mo, si Napoles na nakakulong dapat ay andaming ekek na benefits, samantalang ikaw na ang tanging kasalanan lang naman ay maging lampa (peace!), ang chaka ng kulungan. Pinaoperahan pa si Napoles! Ikaw nga wala kahit basic mo man lang na pangangailangan—laptop!

Nabasa ko pala ang isang column mo tungkol sa mga stars. I’m sure hindi yun latest, dahil halata namang panahon pa yun ng I won’t give up that’s like circa 2013. Hehehe. In fairness say o ha, andami mong natandaan, kahit mga reference number ng mga papers! Tawa kami nang tawa, at proud rin, dahil may nagsusulat ng SnT sa pinoy weekly. Ikaw na ang science writer.

Pasensya ka na patawa lang ako ng patawa. Wala naman akong balak na paiyakin ka. Ang kailangan mo ngayon, tatag at dandandandan…revolutionary optimism! Natitiyak ko sa iyo, na malaki man ang sakripisyo mo ngayon, may higit ka pang magagawa, at marami pang iba ang nagbibigay pa ng kanilang buhay nang higit pa sa kaya natin ngayon. Kaya wag ka mawawalan ng loob. Lahat naman ng larangan, pwedeng sulungan ng laban. At sa mga naririnig kong kwento, mukhang nakakangiti ka pa naman.:P

Syempre, ang downside ng hindi mo ako inabutan, hindi ka umabot sa mga kwento ko. Hahahaha. Kawawa ka naman, spectacular pa naman yung mga kwento. At hindi mo nabasa ang fabulous sulat ko na nagpaiyak kay Loi! Hehe. Paglabas mo, ikukwento ko sa iyo.

O sya. Hanggang dito na lang. Marami pa sanang tsismis, foreigner na ***** ni Rog. Si Aunt Feny at ang pangarap niyang *****. Hehe.

Marah

Link

Wednesday, November 12, 2014

Si Perper ay isang Edjop

Sino siya?

Yan ang tanong sa sarili pagkatanggap ko sa isang text message noong isang araw. Bago ang balita ng kanyang pagkamatay, hindi ko kilala si Perper. Hindi kami nagkita in person o kahit sa facebook man lang. Noong isang araw ko lang unang narinig ang kanyang pangalan at nakita ang kanyang mukha sa ilang larawan sa facebook. Una kong narinig ang kanyang pangalan, Rendell Cagula, sa text message na iyon mula sa isang taga-media ng Davao City. Hiningan ako ng reporter ng statement tungkol sa taong ito. Nagtaka ako sa tanong kasi hindi ko alam kung sino ang taong ito at hindi ko alam kung ano ang balita tungkol sa kanya, at wala akong load noon para magreply sa text.

Pagdating sa bahay, sinearch ko sa internet. Si Rendell Ryan Edpan Cagula pala ay dating president ng University Student Council ng UP-Mindanao sa taong 2011-2012. Dati rin siyang Davao City coordinator ng League of Filipino Students (LFS) at ang Southern Mindanao coordinator ng Kabataan Partylist. At ayon sa balita, si Perper, ang tawag sa kanya ng kanyang mga kaibigan, ay 23 taong gulang ng siya ay namatay.

Ano ang ikinamatay niya?

Ayon sa isang press release ng militar, si Perper ay isa daw sa tatlong napatay na "bandidong NPA" sa isang engkwentro sa Sarangani sa pagitan ng militar at ng New People's Army (NPA). Kung bakit ganoon na lang ang bansag ng mga militar kay Perper—bandido—ay hindi mauunawaan ng mga hindi nakakakilala sa kanya at sa buhay na pinili niya. Hindi ito umaangkop sa mga pahayag at kwento ng mga kaibigan, kakilala, at mga naging kasama niya sa gawain.

Sa isang blog post ng isang kaibigan niya sa isang fraternity, si Perper ay isa sa mga "most well-loved people in UP Mindanao". Ang isang "bandido" pala sa tingin ng militar ay minamahal ng marami.

Hanggang ngayon nagmula lang sa militar ang mga pahayag sa kung ano ang konteksto ng kanyang pagkamatay: isang engkwentro daw. Maaaring totoo, ngunit maaari ding hindi ito ang buong kwento.

Ayon sa isang balita, si Perper ay binaril ng apat na beses sa likod at isa sa ulo. Hindi rin malinaw kung siya ba ay may baril nung siya ay binaril. Buhay pa kaya siyang nadatnan ng mga sundalo at hinayaang mamatay na lang na wala man lang medikal na atensyon? O buhay pa kayang nadatnan na duguan at tinapos na rin na walang kalaban-laban? Kung paano siya namatay ay hindi pa rin malinaw ayon sa kanyang mga kaibigang aking nakausap.

Kaya naman pati ang meyor ng Davao na si Rodrigo Duterte, isang magaling na abogado, ay nagsabing "tingnan muna natin kung ano talaga ang nangyari". Ipinahayag niya ang pagiging bukas sa pagbibigay ng tulong sa pamilya ni Perper, kung sila ay lalapit sa kanya.

Bakit pinagbubunyi ng militar ang kanyang pagkamatay?

Pinagbubunyi ng militar ang pagkapatay nila kay Perper. Ayon sa mga balita, binigyan ng pabuya ang platoon leader ng mga sundalong nakasagupa ng mga NPA sa engkwentrong konektado sa pagkamatay ng magiting na lider-estudyante. Lalo lang nakakagalit sa marami ang pagbubunying ito ng militar kung titingnan ang naging ambag ng kabataan sa panlipunang pagbabago. Ngunit hindi ito taliwas sa tunay na katangian ng Armed Forces of the Philippines, isang mersenaryong institusyong tagapagtanggol sa estadong hindi para sa mamamayan.

(Maraming salamat at may google upang madaling balikan ang mga kaganapang kanyang kinasangkutan.)

Tunay na pinuno ng mga mag-aaral ng UP-Mindanao

A consultation with students was organized by the University Student Council on September 5, 2011 with the Chancellor and other university officials.
Bilang pangulo ng student body ng UP-Mindanao, inorganisa niya noong September 2011 ang isang konsultasyon sa mga mag-aaral ng pamantasan kasama ang Chancellor at iba pang opisyal ng unibersidad. Sa konsultasyong ito, inilahad ng mga mag-aaral ang samu't saring isyu sa loob ng unibersidad tulad ng mga problema sa student publication, kahirapan sa transportasyon sa loob ng campus, pagtingin ng mga estudyante sa kanilang mga guro, paggamit ng aklatan at iba pang pasilidad, kakulangan ng mga laboratoryo at mga gamit sa mga silid-aralan, iba't ibang bayarin, at suporta sa mga organisasyon ng mga mag-aaral.

Iskolar ng Bayan

Naging bahagi din si Perper sa ika-42 na paggunita ng First Quarter Storm (FQS) noong Enero 2012. Sa pagkilos na ito, malakas ang naging panawagan ng mag-aaral sa UP-Mindanao sa kanyang pangunguna na ang mga Iskolar ng Bayan ay may "makasaysayang pamumuno sa mga kampanya ng mamamayan". "During the Marcos dictatorship, UP was a known seat of student activism. We want to keep that legacy of the UP students – that we are the scholars of the people ready to serve them,” he said.

Bilang pakikiisa, maraming guro ang nagkansela ng kanilang mga klase upang makasama ang kanilang mga estudyante sa makasaysayang pagkilos na iyon ng mga kabataan sa Davao City.

MAKE A MOVE. Kabataan Partylist’s Raymond Palatino (left) and Rendell Ryan Cagula urge President Aquino, the Ched, DepEd and Congress to stop increases in school fees. (davaotoday.com photo by Medel V. Hernani)
Hindi lang nagpatali si Perper sa mga usapin sa loob ng UP-Mindanao. Noong Mayo 2012 ay nagpahayag siya bilang regional coordinator ng Kabataan Partylist ng kanyang pagkabahala sa pagtaas ng matrikula ng maraming kolehiyo sa buong Pilipinas.

Sa parehong posisyon, nanawagan siya noong Hulyo 2012 sa lahat ng kabataan sa buong Southern Mindanao na lumabas sa lansangan at sumama sa kanilang State Of the Youth Address (SOYA) upang patampukin ang kalagayan ng mga kabataan sa rehiyon at ang maraming usaping ng kanilang sektor.

Enero 2013 ng sumadsad ang barkong pandigmang USS Guardian sa Tubbattaha Reefs. Bagama't hindi na direktang isyu ng mga estudyante, hindi niya pinalampas ang pagkakataong ito upang ipakita ang papel ng mga estudyante sa mga usapin sa relasyong panlabas ng bansa.

Sabi niya: “Kining pagsulod sa USS Guardian ginaingon nga regular Port Call lang. Pero kung atong tan-awon pinaagi sa Visiting Forces Agreement ug sa Mutual Defense Treaty, yano lang makasulod ang mga sundalong Amerikano sa atong nasud.”

Maging ang posibleng panghihimasok-militar ng bansang U.S. sa panahon ng kalamidad tulad ng Bagyong Pablo at ang iskandalong kinasangkutan ng mga tropang Amerikano sa ating bansa ay hindi niya pinalampas. Malamang nagpupuyos din ang kanyang galit sa pagkamatay ni Jennifer Laude.

Pinatunayan niya na hindi tanga ang mga estudyante sa mga ganitong usapin.

Sabi sa balita, 11 buwang malayo si Perper sa kanyang mga magulang bago naiuwi ang kanyang katawan. Hindi na siya nagpasko sa kanilang bahay noong nakaraang taon. Ngunit bago siya umalis, hindi rin niya pinalampas ang usapin ng matinding korapsyon sa loob ng gobyerno ni Aquino, ang usaping pork barrel.

Pinangunahan ni Perper ang pormasyong Youth for Accountability and Truth Now (Youth ACT Now) dito sa Davao City. Hinamon niya ang mga pinuno ng iba't ibang kolehiyo at paaralan sa Davao City na huwag pigilan ang kanilang mga estudyante na sumama sa pagkilos ng mga kabataan at maging bahagi ng malaking pagkilos ng mamamayan upang i-abolish na ang PDAF.

Pinatunayan niya na hindi bulag ang mga kabataan sa laganap na katiwalian sa gobyerno. Higit pa riyan, naniniwala siya sa malaking papel ng mga kabataan sa pagsusulong ng makabuluhang pagbabago sa lipunan.

Batay sa mga balita at kwento, hindi siya nagsasawa at napapagod sa pag-aaral tungkol sa lipunan at pagbibigay ng mga pag-aaral sa iba pang kabataan tungkol sa sari-saring usaping panlipunan direkta at di-direktang nakakaapekto sa kanila.

At hindi siya tumigil sa pagbibigay ng mga pag-aaral sa mga kabataang tulad niya. Ayon sa kwento ng kanyang ina, masaya siyang nagbigay ng mga pag-aaral sa mga Lumad sa bundok na pinili niyang puntahan.

Bakit siya namundok?

Hayaan nating ang mga iyak at dalamhati sa pagkamatay ng isang magiting na kabataang hindi nagpadala sa agos ng pansariling ambisyon ay maitransporma sa mas malalim na pag-unawa sa kanyang piniling buhay. Bagamat hindi ko siya kilala at hindi kami kailanman nagkausap, sigurado akong ang kanyang desisyon ay kanyang-kanya. Hindi siya napilitang mamundok. Sa interview ng Mindanews sa kanyang ina, sinabi nito na "sinabi niya sa akin na masaya siya doon at doon niya nakita ang kanyang calling". Pinili niyang mamundok dahil doon niya nahanap ang kaligayahan sa piling ng mga pinaglingkuran at tinuruang mga katutubo at magsasaka na matagal ng pinagkakaitan ng kaalaman at edukasyon.

Bagay na bagay ang sinabi ni Prof. Aya Ragrario ng UP-Mindanao: "to honor their memory, we must remember that in the course of this they have become those extraordinary individuals who were able to dream beyond the dreams to which the majority aspires. Little joys are not enough, only profound social change would do. Life demanded much from them, as it does to all of us, but they demanded much more from life. They may not have called upon god in the same names most of us do, but no one would disagree that making the decision they did must have required an exceptional amount of spiritual fortitude, a fortitude that certainly must have been tested again and again as they trod the path they chose to take."

Sa mga nagtatanong kung ilang Perper pa ba ang tatahak sa "road less traveled", marapating maging bahagi tayo hindi lang sa pagtatanong kundi pati na rin sa pagsusulong ng makabuluhang pagbabago sa lipunan upang maugat ang dahilan ng pamumundok ng mga kabataan at ng mga inaaping sektor ng lipunan. Ibigay natin ang ating suporta sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines.

Sino naman si Edjop?

Basahin ang mga artikulong ito:
[1] 30 years ago today, Ateneo student leader-turned-rebel Edjop killed in a military raid
[2] Why Ateneo is honoring Edgar Jopson

Link