Tuesday, October 28, 2014

Ang Mga Matanong

*Isinulat noong ika-23 ng Nobyembre 2013 habang nasa loob ng Baganga Provincial Jail, isang araw matapos ang trial sa gawa-gawang kasong illegal possession of explosives.


Ang mga bata ay matanong
Bakit maliwanag ang araw?
Paano hinuhuli ang hangin?
Bakit ang dahon ay gumagalaw?

Kapag ang magulang ay naubusan na
Ng sagot na isusubo sa bata
Papagalitan ito at patatahimikin
Habang mga katanunga'y nakabitin

Gaano ba kadami ang bituin?
Saan ba umuuwi ang mga ibon?
Ang mga bulkan ay kailang bumubulwak?
Paano ba sinisipsip ng bubuyog ang bulaklak?

May mga batang hindi sumuko
Ang pagtatanong ay ginawa ng isang laro
Lumaking malikot ang utak
At pagiging siyentista'y kanilang pinasok

Ang mga siyentista'y naghahanap
Ng paliwanag sa mga hiwaga
Kanilang binabalikan at hinaharap
Ang katanungan ng mga bata

Bakit nahuhulog ang mga bagay?
Paano tumutubo ang palay?
Bakit nagbabago ang panahon?
Saan nagmumula ang mga alon?

Mga tanong ng siyentista'y walang katapusan
Patuloy itong dumadami at nadadagdagan
Ang mundo ay walang tigil na inuunawa
Maraming eksperimento ang inimbento at isinagawa

Kailang ulit liliwanag ang buwan?
Ang bagyo ay paano mapipigilan?
Saan ang hangganan ng bahaghari?
Ang lindol ay paano nangyayari?

Ngunit ang lipunan ay kinukulong
Ng mga hari at makapangyarihan
Binakuran ng mga rehas ang pagtatanong
Ng mga siyentistang malikot ang isipan

Mga siyentista'y binigyan ng kalayaan
Na pumunta sa kung saan-saan
Basta huwag lang silang pumasok
Sa sulok ng mga pinagkaitan

Kapag ang hari ay tinatanong na
Kung saan galing ang yaman nila
Papagalitan ang matanong at patatahimikin
Habang ang kasaguta'y pilit nililihim

Gaano ba kadami ang nagugutom?
Saan ba umuuwi ang mga manggagawa?
Ang mga magsasaka ay kailan magkakalupa?
Paano ba sinisipsip ng dayuhan ang ating yaman?

Kapag ang siyentista'y nakikialam na
Sa buhay ng mga inaapi at dukha,
Nagtatanong kung bakit may pagsasamantala,
Siya'y binabansagang nanggugulo at komunista

Bakit nahuhulog ang mga gahaman?
Paano tumutubo ang kalayaan?
Bakit nagbabago ang kalagayan?
Saan nagmumula ang mga himagsikan?


Link