Last year, sinulat ko ang nakakamanghang kwento ng mga enzymes. Simple lang ang mensahe na gusto ko ipaabot sa kwentong iyon: na ang enzymes ay may takdang panahon at proseso ng pagkabuhay at paggampan ng gawain hanggang kamatayan nito. Malamang nabanggit na rin sa kwento ang mahalagang papel ng mga enzymes sa buhay ng ibang molecules at kapwa proteins at enzymes, pero mukhang hindi ko masyadong na-highlight ang kahalagahan ng papel na ito sa buhay ng tao. Hindi ko po tinutukoy ang sandamukal na enzymes sa mga katawan natin kundi kung paano ang bawat isa sa atin ay parang mga enzymes sa ibang tao.
Bilang rebyu, ang enzyme ay tumutulong na i-transporma ang isa pang protina o kapwa enzyme sa ibang anyo na maaaring may iba o dagdag na kakayahan para sa panibagong gawain nito. Ang proseso ng transpormasyong ito ay may iba't ibang partikular na prosesong pinagdadaanan at may iba't ibang haba ng panahong ginugugol bago matapos. Ang ibang proseso ng transpormasyon ay minsan magdudulot ng panibagong anyo kung saan ang enzyme at ang trinanspormang molecule (ang substrate) ay magsasama hanggang kamatayan. Merong dimers, trimers, tetramers na pagsasama. Magkakaiba ang (1) haba ng pagsasama ng enzyme at substrate, (2) kinakailangang lakas (activation energy) para mangyari ang pagsasama, at (3) laki ng pagbabago ng substrate pagkatapos ng pagsasama.
Hindi ba't ganyan din ang buhay ng tao? May mga tao sa paligid natin na magsisilbing enzyme at tayo ang kanilang substrate: makakasalamuha natin sila ng matagal o panandalian o paminsan-minsan at ang mga panahon na makakasalamuha natin sila ay magbubunga ng maliit o malaking transpormasyon sa ating kaisipan at pagkatao. Ang ating mga magulang, mga kapatid, malapit na kapitbahay, kababata, at mga kaibigan ay ang ating mga enzymes. Tayo din ay naging enzymes sa maraming tao. May mga tao na napakaikli lang ng panahon nating nakilala (halimbawa sa bus o sa jeep) pero may malaking epekto sa ating kaisipan at pagtingin sa buhay. Meron namang mas matagal nating makakasama (taon ang inaabot halimbawa) kung saan napakalaking pagbabago ang naging epekto sa atin at hindi na natin halos maalala kung ano tayo bago ang pagsasamang ito. May mga tao na nagbibigay ng magandang pagbabago sa atin at meron naman na hindi kaaya-aya. Pero kahit ang mga hindi kaaya-ayang pagbabago ay maaaring panandalian lang at pagkatapos ay magpapatibay pa lalo sa atin.
Bilang pagtatapos sa sequel na ito, gusto ko lang sabihin na huwag nating kalimutan na ilang beses sa buhay natin ay kinailangan natin ang tulong ng mga enzymes sa buhay natin para lalo tayong tumibay at maging mas may silbi sa pag-usad ng di-tumitigil na pagbabago ng lipunan.