Saturday, February 05, 2011

Ang nakakamanghang kwento ng mga enzymes

Nung highschool ay tinuro sa amin kung ano ang enzymes pero hindi ganun ka detalyado ang kwento kaya hindi ko sila gaanong na-appreciate. Ngayong mas biology papers ang mga binabasa ko ay lagi ko silang nakakasalubong sa mga binabasa ko. Medyo mahaba at madaming pasikot-sikot ang kwentong ito; maraming mga aspeto ng kwento na hindi pa natin alam, pero ang kabuuang kwento mula sa pagkabuhay hanggang sa pagkamatay ng mga enzymes ay nalaman na.

Ang kwentong ito ay maririnig natin mula sa mga cells na may nucleus; may mga cells na walang nucleus tulad ng mga bacteria at ng red blood cells natin. Tulad ng iba pang mga proteins, ang buhay ng mga enzymes ay nagsimula sa DNA sa loob ng nucleus. Ayon sa kwento, isang malaking enzyme katulong ang iba pang maliliit na enzymes ang pumupunta sa DNA at mula dito ay binubuo nila ang mga RNA. Ilan sa mga RNA na ito ay mananatili lang sa loob ng nucleus, pero ang iba ay lalabas mula dito sa tulong na rin ng ilang proteins na nakatira sa bakod ng nucleus (nuclear membrane). Ang mga messenger RNA (mRNA) ay magpapatuloy sa cytoplasm at dito sila ay magpapalutang-lutang. Makakasalubong nila ang ilang enzymes at iba pang molecules sa cytoplasm, pero may mga specific proteins na eventually ay makakasalubong nila na gagabay sa kanila papunta sa pagawaan ng proteins. "Hi mRNA, halika dito tayo pumunta," sabi ng malaking protein na ito.



At dito uusbong ang isang protein na later on ay magiging enzyme. Ang bagong-gawang protein na ito ay magpapalutang-lutang na naman sa cytoplasm, naghihintay ng pagbabago sa kanilang katawan (post-translational modification) at itsura (protein folding) para sila ay magkakaroon ng specific na gawain. Hangga't hindi pa nababago ang itsura nito, hindi pa nito maipapamalas ang kanyang potential. So sa ilang saglit ay makakasalubong nito ang isa o marami pang enzymes na magpapabago sa itsura nito; ang mahabang sequence ng amino acids na bumubuo sa protein na ito ay aayusin ng mga particular na enzymes para ang buong protein ay magkakaroon ng specific na hugis na syang kailangan para makapagsimula na itong gampanan ang kanyang gawain.



Ang bawat enzyme ay may kanya-kanyang gawain, pero sa kabuuan, ang gawain nila ay baguhin ang itsura at komposisyon ng mga proteins at iba pang molecules. May mga enzymes na magdidikit ng dalawa o mas marami pang molecules, meron ding mga enzymes na magpapabago sa hugis ng molecules.

Ang kanilang buhay ay panandalian lamang; ang tagal nito ay depende sa kanilang komposisyon ng amino acid at hugis. Dadating ang panahon na makakasalubong nila ang isang uri ng protein na magsasabi sa kanila na mag-retire na (ubiquitination). Minsan naman ay sasabihan din sila ng mga ubiquitins na magbago na sila ng gawain at sila ay ipapadestino sa ibang parte ng cell.

Ang dulo ng kwento ay ang kanilang kamatayan. Pagkatapos ng isang panahon ng pag-gampan ng gawain, pagtulong sa iba pang proteins, at pakikihalubilo sa iba pang enzymes at iba pang molecules, sila ay magreretire na. Sila ay bibiyakin ng ibang proteins at ang kanilang mga amino acids ay gagamitin muli sa susunod na pagbubuo ng mga bagong enzymes.


Link